Linggo, Hunyo 5, 2022

Sa Daigdigang Araw ng Kapaligiran

SA DAIGDIGANG ARAW NG KAPALIGIRAN

kayraming gagawin, masdan mo ang kapaligiran
pakinggan ang awitin ng Asin sa kalikasan
polusyon, upos, plastik, basura, klima rin naman
sa mga suliraning ito'y anong kalutasan

kayrumi ng Ilog Pasig, ng karagatan natin
nakakalbo ang kagubatan, halina't magtanim
kayraming isyung dapat isipin anong gagawin
tulad sa Marcopper na nawasak yaong lupain

Ondoy, Yolanda, climate change, matitinding daluyong
pang-unawa't pagbibigkis nga'y dapat maisulong
maraming magagawa, lalo't magtutulong-tulong
lalo't bukás ang isipan sa isyung patung-patong

ngayong World Environment Day, ikalima ng Hunyo
tinakdang petsa para sa kalikasan at tao
ang nagbabagong klima'y nararamdamang totoo
isyu rin ang plantang coal at pagmimina sa mundo

makiisa na sa pagkilos laban sa plantang coal
isang sanhi kaya klima'y nagkakabuhol-buhol
sa pagtatayo ng dambuhalang dam na'y tumutol
buhay at kultura ng katutubo'y ipagtanggol

di na dapat paabutin pa sa one point five degree
ang pag-iinit nitong mundo, huwag isantabi
ang isyung ito't talagang di na mapapakali
maraming lulubog na isla pag ito'y nangyari

sa laot, kinakain na ng isda'y microplastic
ah, di na mabilang ang upos at basurang plastik
naggugupit na ng plastik upang gawing ekobrik
pagbabakasakali rin ang proyektong yosibrik

ngayong World Environment Day, pag-isipan nang lubos
ang mga isyung nabanggit, tayo na'y magsikilos
para sa kinabukasan, bayan at masang kapos
upang sa mga isyung ito, tao'y makaraos

- tula't litrato ni gregoriovbituinjr.
06.05.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento