BANYAGA NGUNIT HINDI DAYUHAN
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.
Paano mo sasabihing dayuhan ang isang indibidwal kung hindi naman siya dumayo o nakadayo dito sa bansa? Di ba't tinatawag nating mga dayuhan ang mga tagaibang bansa o yaong hindi natin kalahi? Ito'y dahil dumayo sila sa ating bayan.
Sikat nga ang panawagang "Palayasin ang mga dayuhan!" lalo na noong panahon ng mananakop na Kastila, Amerikano at Hapones, na naging dahilan ng digmaan, kabayanihan at pagkamatay ng ating mga ninunong nakipaglaban para sa kalayaan. Ibig sabihin pa, mga mananakop ang mga dayuhang iyon.
Paano pag sa ilang pananaliksik ay tinuring na "foreign authors" o "foreign poets" ang ilang manunulat at makata? Maisasalin ba silang dayuhang manunulat o dayuhang makata, gayong hindi sila dumayo sa ating bansa? Na ang iba'y hindi naman nandayuhan o lumabas sa kanilang bansa.
Ang pagninilay na ito'y bunsod ng ginagawa kong pagsasalin ng ilang mga tula ng mga kilalang makatang Ingles, Ruso, Turko, Amerikano, Aleman, Pranses, Hapones, at Intsik. Tulad ng pagsasalin ko ng mga tula nina William Shakespeare, Vladimir Mayakovsky, Nazim Hikmet, Edgar Allan Poe, Karl Marx, Eugene Pottier, Matsuo Basho, at Sappho. Tanging sina Hikmet at Marx lamang ang alam kong umalis sa kanilang bansa o nangibang bayan, di lang basta umalis kundi napilitang umalis dahil sila'y na-exile dahil sa kanilang mga pulitikal na gawain. Habang ang ibang makata'y nanatili sa sariling bansa hanggang sa kamatayan.
Isinasalin ko sina Shakespeare at Poe mula sa wikang Ingles, habang ikalawang pagsasalin ang ginagawa ko sa mga tula nina Mayakovsky, Hikmet, Marx, Pottier, Basho at Sappho, na nauna nang isinalin sa wikang Ingles, na siyang pinagbabatayan ko naman ng aking isinasalin.
Matatawag ko ba silang dayuhan dahil tagaibang bansa sila gayong hindi naman sila dumayo sa ating bansa? Hindi ba't kaya tinawag na dayuhan ang isang tao o kaya'y pulutong ng mga tao ay dahil sila'y dumayo sa ibang lupain? Paano silang tatawaging dayuhan kung hindi naman sila dumayo ng ibang bansa? Ang buong buhay nila'y nasa kanilang bayan lamang sila.
Kaya hindi ko matatawag na makatang dayuhan sina Shakespeare, Mayakovsky, Hikmet, Poe, Marx, Pottier, Basho, at Sappho. Kaya ano ang tamang tawag sa kanila? Tama bang tawagin ko silang makatang banyaga?
Tiningnan ko ang kahulugan ng mga kinakailangan kong salita sa UP Diksiyonaryong Filipino:
dayúhan - dáyo
dáyo - 1. dayúhan, tao na tagaibang pook o bansa o kaya'y hindi kilala sa pook na kaniyang pinuntahan; 2. pagdáyo, pagtungo sa ibang pook nang may tanging layunin; 3. tanod sa libingan ng panginoon
banyága - 1. [Waray] masamâng tao; 2. [Sinaunang Tagalog] tao na nagpupunta sa mga bayan-bayan, lulan ng kanyang bangka, at nagtitinda ng maliliit na bagay; 3. [ST] bahay na maliit at walang kilo
banyagà - [Kapampangan, Tagalog] 1. tao na isinilang o mula sa ibang bansa na iba sa kapuwa niya: alien, foreign, foreigner 2. hindi mamamayan ng bansa: alien, foreign, foreigner
Ang dayuhan o dayo ay tiyak na pumunta talaga sa ibang lugar, kaya hindi ito ang marahil tumpak na dapat itawag sa mga tagaibag bansang hindi naman dumayo sa ibang bansa, o sa ating bansa. Kaya hindi ko matatawag na dayuhan, bagamat mula sa ibang bansa, ang mga makatang Shakespeare, Mayakovsky, Hikmet, Poe, Marx, Pottier, Basho, at Sappho.
Mapapansing dalawa ang banyaga, subalit ang una ay walang impit at may diin sa ikalawang pantig, habang ang ikalawa ay may impit at mabagal ang bigkas. Mas tumpak sa tingin ko ang ikalawang pakahulugan: "tao na isinilang o mula sa ibang bansa na iba sa kapuwa niya" bilang pagtukoy sa mga makatang nabanggit ko sa itaas, na hindi dumayo sa ibang lugar o hindi lumabas sa kanilang bansa, at iyon din ang mas tamang paglalarawan na aking hinahanap.
Mahalaga sa akin ang ganitong paghahanap ng tamang salin sapagkat tiyak na balang araw ay isusulat ko ang kanilang talambuhay, lalo na't isinasalin ko ang kanilang mga akda. Madalas gamiting animo'y sinonimo o pareho sila ng kahulugan. Subalit sa maikling sabi, ganito ang munting kaibahan ng dalawa: Banyaga sila dahil tagaibang bansa sila. Dayuhan sila dahil tagaibang bansa sila na narito sa ating bansa.
Ang pananaliksik na ito'y bunsod na rin sa aking proyektong pagsasalin na sinimulan ko ilang taon na ang nakararaan na ang layunin ko'y ipabasa sa ating mga kababayan sa ating wika ang mga tula ng mga nabanggit na makatang banyaga. Iniipon ko ito't inilalagay sa aking blog. Nawa'y wasto ang aking mga napili sa paghahanap ko ng mga tamang salita.
Ginawan ko ng munting tula ang aking nasaliksik:
BANYAGA NGUNIT HINDI DAYUHAN
ang salin ng foreign poet ba'y dayuhang makata
gayong di naman sila dumayo sa ating bansa
sa pagsalin ay hinanap ko ang wastong salita
hanggang masaliksik ang kahulugan ng banyaga
akala ko, salitang "banyaga'y" wikang Espanyol
ngunit nang sa talahuluganan ay tingnan iyon
sariling salita pala nating nakapatungkol
mula sa Waray, Tagalog, Kapampangan din yaon
salamat sa UP Diksiyonaryong Filipino
sa mga tulong sa anumang isinasalin ko
naging aking kakampi noon at ngayon, totoo
sangguniang tila kakabit na ng pagkatao
banyaga ngunit hindi dayuhan ang gagamitin
kung foreign author o poet ay aking isasalin
mga wastong salita't salin ay nahahanap din
basta't maging mahinahon lagi't titiyagain
06.27.2022
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento