Tula ni Eugene Pottier
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr. 10 pantig bawat taludtod
Para kay Eugene Baillet
Kahahayag pa lang ng digmaan
Anang mga buwitre, "Sunggaban!"
Ngunit wala halos kaibahan:
Di ba't araw-araw na'y digmaan?
Gayunman, balatkayo'y tinanggal,
Animo'y baliw sa paghalakhak;
Helmet ay sinuot ng kalansay,
Kabayong kalansay na'y daratal
Hintay nila'y pawang kasamaan,
Sa bawat uri 't lahat ng antas;
Dito'y may bayarang pananambang,
Doon, tangan ng pamilya'y tabak.
Di mapalawak, mga bandido'y
Pinatapon sa kolonyang penal;
Hinayaan lang ang pandarambong
Sa anyo ng buwis, mga istak
Pinawi nila ang madugong uhaw,
Pati makahayop na silakbo,
Ginambala pa si Lacenaire,
At pinalungkot pa si Castaing.
Pagpaslang ng bata'y kinondena,
Anak nami'y dalawampu, ngayon
Ang lupon ng berdugo'y nagpasya
Aling mabuti ang sa bitayan.
Ang impantisidyo'y tinuligsa,
Anak namin ngayo'y dalawampu,
Ngayong gabi, Lupon ng Berdugo'y
Pinasya ang angkop sa bitayan.
May balahibo, may tatu, kaming
Pulangkutis, mula ibang angkan.
Mga tae'y ikalat sa lupa:
"Mundo'y lilikha ng bagong tao."
Hinamak, Ebanghelyo'y lumikas,
Alagad ay lumisan, naligaw.
O amang bayan, mayroong tigre
Sa mabuting puso'y umatungal.
Naglalagablab ang iyong poot,
Ang madla'y walang pagkakaisa,
Na nagdurusa sa bilangguan
Ng rehimen ng nasyunalidad
Gabi'y pinutol ng bolang kanyon,
Ang lungsod ay nilamon ng apoy,
Dugong pumatak, tara't inumin,
Ikaw, tawag ay sangkatauhan.
Katumpakan ng lakas at bilang
Niyurakan ay sugatang gapi;
Glorya't kumalat sa malakabag
Na pakpak ng karimlang pusikit.
Digma, digma, anong hinihintay
Upang laman at buto'y madurog?
Hinihintay nito'y bagong dahon,
Ang buwan ng bulaklak at ibon.
Paris 1857
* sina Lacenaire at Castaing ay dalawang kilabot na mamamatay-taong Pranses noong ika -19 na siglo
* isinalin mula sa Ingles sa petsang ika-22 ng Hunyo, 2022
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento