PALATHAW PALA'Y PALAKOL
akala ko ang tanong ay PALAHAW
sa krosword, iyon pala ay PALATHAW
Pa, La, at Wa, na lang ang natatanaw
PALUWAL kaya ang isagot ko raw
tamang sagot ay hinanap kong tunay
na tinawid pa'y bundok, dagat, tulay
nang matagpuan, ako'y napanilay
ito sa akda'y gagamiting tunay
pagkat nakita ko sa diksyunaryo
kung anong wastong kahulugan nito
at nakita rin ang hinahanap ko
ay, PALAKOL, pansibak pala ito
bagong salita, hindi pala, luma
lumang salitang bagay sa pagtula
pati sa dula't kwentong makakatha
salamat, krosword, ito'y sinariwa
- gregoriovbituinjr.
02.05.2024
* palathaw - tanong sa 1 Pahalang
* palathaw - 1. [Sinaunang Tagalog] manipis na itak; 2. maliit na palakol at may maikling hawakan
- mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 892
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento