Huwebes, Pebrero 29, 2024

Ang aklat at ang muling paglitaw sa Liwayway ng kwento ni Rosario De Guzman-Lingat

ANG AKLAT AT ANG MULING PAGLITAW SA LIWAYWAY NG KWENTO NI ROSARIO DE GUZMAN-LINGAT
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang kagalakan ang muling paglitaw ng panulat ni Rosario De Guzman-Lingat sa magasing Liwayway sa isyung Pebrero 2024, mula pahina 92-95. Pinamagatan iyong "Pebrero 14, Araw ng Pag-ibig" na unang nalathala noong Pebrero 13, 1967. Aba'y wala pa ako sa sinapupunan ng aking ina nang malathala iyon.

Isang kagalakan sapagkat nadagdag iyon sa mababasa kong dalawampu't tatlong maikling kuwento sa kanyang aklat na "Si Juan Beterano at iba pang kuwento". Ang nasabing aklat, na may sukat na 5" x 7", ay nabili ko sa Popular Bookstore sa Toman Morato sa Lungsod Quezon noong Oktubre 19, 2022, sa halagang P258.00. Binubuo iyon ng 384 pahina, kung saan 24 ang naka-Roman numeral na naglalaman ng Nilalaman, Introduksyon at Paunang Salita, habang 360 pahina ang kabuuang teksto ng maikling kwento.

Ang nagsulat ng Paunang Salita ay ang mismong may-akda habang si Soledad S. Reyes ang nagsulat ng Introduksiyon na pinamagatang "Ang Panahon ng Pangamba at Lagim sa mga Kwento ni Rosario De Guzman-Lingat."

Sa pamagat pa lang ng Introduksiyon ay masisinag na ang pangamba at lagim sa maikling kwento ni Lingat na muling nalathala sa Liwayway ngayong Pebrero. Pagkat naudlot ang kasal nina Ana at Tonio dahil umalis si Tonio patungong Mabitak. Dahil doon ay inakala ng mga kanayon na nagpatiwakal si Ana nang makitang lumulutang sa ilog ang asahar at belong gamit sana sa kanilang kasal.

Sa nasabing aklat ko rin nabatid ang salin sa wikang Filipino ng dustpan. Ito pala'y pansuro. Nabasa ko ito sa kwentong "Mga Tinig sa Dilim" sa pahina 86, na tatlong ulit binanggit sa dalawang talata:

May dala nang walis at pansuro ang babae nang magbalik. Maingat na tinipon ang durog na salamin, winalis sa pansuro. "Kumusta nga pala ang pinsan ninyo, Itay? Dumalaw kayo kangina, di ba?"

Nailagay na ng babae ang lahat ng salaming basag sa pansuro. May kunot ng pag-aalala sa kanyang noo nang humarap sa kausap. "Bakit hindi pa ipasok sa pagamutan ng mga baliw? Higit siyang matutulungan doon."

Tunghayan natin ang isang sipi sa likod na pabalat, at sa ibaba nito ay mababatid din natin kung sino nga ba si RGL:

MULA SA INTRODUKSIYON: "Sa tulong ng isang malikhain at matalinong paglinang ng sining, nagawa ni Rosario De Guzman-Lingat na makasulat ng kalipunan ng mga akda na sa pagdaan ng panahon ay mananatiling buhay, dinamiko at makabuluhan sapagkat pinag-isipan at pinaraan sa isang proseso na ang bawat salita, bawat larawan, bawat pangyayari ay may kanya-kanyang kahalagahan sa pangkating diskurso. Sa kalipunang ito matatagpuan ang mga likhang-isip ng isa sa pangunahing manunulat na nagsabog ng liwanag pagkalipas ng digmaan at lumikha sa panahong batbat ng pangamba at ligalig."

ANG AWTOR

Si Rosario de Guzman-Lingat ay kinikilalang isa sa pinakamagagaling na kuwentista noong panahon makaraan ang digmaan. Masigasig siyang nagsulat noong panahon dekada sisenta at sitenta. May mga dalawang daang maiikling kuwento at kung ilang nobela niya ang nalathala noon. Hindi maaaring matawaran ang ganitong tagumpay lalo na kung iisipin na wala siyang gaanong pormal na pagsasanay sa larangan ng pagsusulat. Ang kanyang unang nobela, "Kung Wala na ang Tag-araw", ay nanalo ng ikatlong gantimpala sa Liwayway noong 1967. Ang "Estero" ay naging kuwento ng taon (1967) sa Pilipino Free Press, at ang nobela niyang "Ano Ngayon, Ricky?" ay nagtamo ng unang gantimpala sa Liwayway noong 1970.

Kumatha ako ng munting tula hinggil dito:

ISA PANG KWENTO NI ROSARIO DE GUZMAN-LINGAT

isang kwento ni Rosario de Guzman-Lingat
sa magasing Liwayway ay aking nabuklat
na ngayong Pebrero'y inilathalang sukat
ang higit limang dekada niyang nasulat

salamat at muling nahagilap pa iyon
ng Liwayway upang mabasa natin ngayon
dagdag sa aklat ng kanyang kwentong natipong
pawang nakikipagtagalan sa panahon

may dalawampu't tatlong katha si Rosario
de Guzman-Lingat sa "Si Juan Beterano
at iba pang kuwento" na binabasa ko
pag may libreng oras doon sa aking kwarto

bilang mambabasa ng magasing Liwayway
panitika'y tinataguyod nitong tunay
ang mga manunulat nito'y kayhuhusay
tangi kong masasabi'y mabuhay! Mabuhay!

02.29.2024

Miyerkules, Pebrero 28, 2024

Karumal-dumal

KARUMAL-DUMAL

"Kalunos-lunos ang sinapit ng 8-anyos na batang babae nang matagpuan kamakalawa ng hapon sa Naragusan, Davao de Oro. Basag ang bungo, may sugat sa mukha, at may marka ng sakal sa leeg ang biktima... May indikasyon ding ginahasa ang biktima, ayon sa pulisya." - ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Pebrero 28, 2024, p.9

"Hustisya!" ang tiyak nating sigaw
sa batang ginahasa't pinatay
"Katarungan!" ang tiyak na hiyaw
ng mamamayan, lalo ng nanay

talaga namang karumal-dumal
ang krimeng gawa ng isang hangal
walong anyos na bata'y sinakal
ginahasa't búhay ay pinigtal

nawa salarin ay masakote
bagamat may isa nang nahuli
na itinuro ng mga saksi
na kasama ng batang babae

ay, talagang nakapaninimdim
ang ginawang karima-rimarim
dapat lang managot ang salarin
sa krimen niyang sadyang malagim

- gregoriovbituinjr.
02.28.2024

Martes, Pebrero 27, 2024

Ituloy ang pangarap

ITULOY ANG PANGARAP

patuloy pa rin akong nangangarap
na lipunang makatao'y maganap
kaya kumikilos at nagsisikap
bagamat búhay ay aandap-andap

madama man ang hirap sa gawain
ipaglalaban ang prinsipyong angkin
ipagpapatuloy ang adhikain
tutuparin ang atang na tungkulin

nang lipunang pangarap ay maabot
nang mahusay at walang pag-iimbot
nang mapayapa at walang hilakbot
nang taas ang noo at walang takot

pangarap mag-aral sa kolehiyo
pangarap ding maglingkod sa obrero
pangarap magtapos ng isang kurso
upang may ipagmalaking totoo

di ko man hangad marating ang buwan
itong pangarap ay pagsisikapan
kung uring obrero'y magkaisa lang
matatayo ang asam na lipunan

- gregoriovbituinjr.
02.27.2024

Ang karapatan sa paninirahan sa komiks na Bugoy ni Mang Nilo

ANG KARAPATAN SA PANINIRAHAN SA KOMIKS NA BUGOY NI MANG NILO
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi masasabing lagi na lang patawa ang komiks na Bugoy ni Mang Nilo. Sapagkat sa isyung Pebrero 27, 2024 ng pahayagang Pang-Masa, pahina 7, ay hindi siya kumatha ng komiks na ikatatawa ng tao. Bagkus ay katha ng paglalarawan ng paninirahan ng ibon at tao. Kumbaga, isa iyong pabula na pinagsalita niya ang ibon sa ikatlong kahon ng comics strip.

Naglalarawan ng awa sa naganap na kawalan ng tahanan.

Sa unang kahon ay sinabi ng tao sa kanyang sarili, "Kawawang ibon... Walang masisilungang bahay."

Sa ikalawang kahon ay pagkidlat, at pagkakaroon ng malakas na bagyong naging dahilan upang lumubog ang bahay ng tao, na inilarawan sa ikatlong kahon, kung saan ibon naman ang nagsabi, "Kawawang tao... Lumubog ang bahay!"

Walang nakakatawa, subalit ipinakita ng komiks ang kaibahan ng tao at ibon nang mawalan ang mga ito ng bahay. Ipinakita ang isang katotohanan, na bagamat hindi natin nakikitang nagsasalita ang ibon, maliban marahil sa loro, na naaawa sila sa isa't isa pag nawalan ng tahanan.

Ang ibon ay walang punong masilungan, habang ang tao ang lumubog ang bahay dahil sa bagyo't baha.

Anong gagawin sa ganitong kalagayan? May mga taong nawalan ng tahanan dahil dinemolis, habang ang iba'y itinapon sa malalayong relokasyong malayo sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay.

Kung naitapat pa ang nasabing komiks sa petsang Oktubre 10, masasabi nating itinapat ng may-akda sa World Homeless Day ang kanyang comics strip.

Subalit paano ba natin masasabing may sapat na pabahay o masisilungan ang tao. May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng United Nations (UN) Committee on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR). Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) at General Comment No. 7 (1997) ng nasabing komite. Tinalakay din ito sa Fact Sheet 21 na may pamagat na "The Human Right to Adequate Housing" bilang bahagi ng World Campaign for Human Rights. Narito ang pitong sangkap upang tiyakin ang karapatan sa sapat na pabahay.

1. Ligal na Seguridad sa Paninirahan (legal security of tenure) - isa itong legal na anyo ng proteksyon na magtitiyak sa paninirahan ng mamamayan sa kanilang tahanan at komunidad;

2. Matatamong serbisyo, materyales at imprastraktura (availability of services, materials and infrastructure) - madaling maabot ang likas-yaman, ligtas na inuming tubig, gas sa pagluluto, kuryente, sanitasyon at labahan, tinggalan ng pagkain, tapunan ng dumi at mga serbisyong agarang kailangan (emergency services);

3. Kayang-kayang matamong paninirahan (affordable housing) - hindi dapat magamit sa gastusin sa pagpapagawa at pagpapayos ng bahay ang salaping nakalaan na para sa pagkain, edukasyon at pananamit;

4. Bahay na matitirahan (habitable housing) - ang bahay ay may sapat na espasyo. maluwag para sa titira, may bentilasyon, at yari sa matitibay na materyales na magtitiyak na ang mga titira sa bahay na iyon ay madedepensahan laban sa lamig, init, hamog, ulan, hangin, o anumang banta sa kalusugan, mapanganib na istruktura at sakit;

5. Kayang puntahang pabahay (accessible housing) - madaling puntahan ang lugar at unahin sa mga proyektong pabahay ang mga biktima ng kalamidad, mga may kapansanan, at iba pa;

6. Lokasyon (location) - ang pabahay ay dapat malapit sa lugar ng trabaho at mga serbisyong panlipunan tulad ng eskwelahan, palengke, ospital, libangan, libingan, at iba pa;

7. Sapat na pangkulturang pabahay (culturally adequate housing) - ang disenyo ng pabahay ay dapat na may paggalang sa identidad o kultura ng mga naninirahan, halimbawa'y tribung lumad, muslim o kristyano.

Paano naman ang pabahay sa panahon ng nagbabagong klima, tulad ng naganap na Ondoy at Yolanda, na talagang umugit ng kasaysayan ng trahedya sa ating bansa? halina't tunghayan natin ang ulat ng Special Rapporteur na nalathala sa website ng United Nations Human Rights Office of the High Commissioner. 

The right to adequate housing in disaster relief efforts (2011)

The report of the Special Rapporteur on the right to adequate housing assesses human rights standards and guidelines relevant to an approach to disaster response based on the right to adequate housing and discusses some existing limitations. It elaborates upon key challenges relating to the protection and realization of the right in disaster response: inattention to or discrimination against vulnerable and disadvantaged groups; the overemphasis on individual property ownership and the associated difficulty to recognize and address the multiplicity of tenure forms equally in restitution and recovery programmes; the risks of approaching post-disaster reconstruction predominantly as a business or development opportunity that benefits only a few; and limitations in existing frameworks for reconstruction and recovery.

(Ang karapatan sa sapat na pabahay sa mga pagsisikap sa pagtulong sa kalamidad (2011)

Sa ulat ng Espesyal na Rapporteur sa karapatan sa sapat na pabahay, tinatasa ang mga pamantayan ng karapatang pantao at mga alituntunin kaugnay sa paano ang pagtugon sa kalamidad batay sa karapatan sa sapat na pabahay at tinatalakay ang anumang umiiral na limitasyon. Ipinapaliwanag nito ang mga pangunahing hamon na may kaugnayan sa proteksyon at pagsasakatuparan ng karapatan sa pagtugon sa kalamidad: kawalan ng atensyon o diskriminasyon laban sa mga bulnerable at grupong may kahinaan; ang labis na pagbibigay-diin sa pagmamay-ari ng indibidwal na ari-arian at ang kaugnay na kahirapang kilalanin at tugunan ang maramihang mga anyo ng panunungkulan nang pantay-pantay sa mga programa sa restitusyon o pagsasauli at rekoberi o pagbawi; ang mga panganib ng rekonstruksyon matapos ang kalamidad na gawing negosyo o pagkakataon sa pag-unlad na nakikinabang lamang sa iilan; at mga limitasyon sa umiiral na mga balangkas para sa rekonstruksyon at pagbawi.)

Mayroon ding batas hinggil sa animal welfare, kung titingnan nating ang mga ibon ay animal din, at hindi lang ang mga may apat na paa, tulad ng aso, pusa, baboy, kalabaw, baka, leyon, tigre, at iba pa. 

Halina't basahin natin ang Seksyon 1 ng  Batas Republika 8485 ng ating bansa, na mas kilala ring "The Animal Welfare Act of 1998": It is the purpose of this Act to protect and promote the welfare of all animals in the Philippines by supervising and regulating the establishment and operations of all facilities utilized for breeding, maintaining, keeping, treating or training of all animals either as objects of trade or as household pets. For purposes of this Act, pet animal shall include birds."

Salin sa wikang Filipino: Layunin ng Batas na ito na protektahan at itaguyod ang kapakanan ng lahat ng mga hayop sa Pilipinas sa pamamagitan ng pangangasiwa at pagsasaayos sa pagtatatag at pagpapatakbo ng lahat ng pasilidad na ginagamit para sa pagpaparami, pagpapanatili, pag-iingat, paggamot o pagsasanay ng lahat ng mga hayop, ito man ay para sa kalakalan o kaya'y bilang mga alagang hayop sa bahay. Para sa mga layunin ng Batas na ito, dapat isama sa alagang hayop ang mga ibon.

Malinaw na kasama ang mga ibon sa dapat protektahan ng tao. Kaya ang mga karapatang ito sa paninirahan ng tao at ng mga hayop ay dapat nating batid at igalang. Ginawan ko ng tula ang paksang ito:

ANG TAHANAN NG TAO AT NG IBON SA KOMIKS NI MANG NILO

di patawa lang ang komiks na Bugoy ni Mang Nilo
pagkat nagtalakay ng paksang sosyo-politiko
sa kanyang ideya ay mapapahanga kang totoo
pagkat mapapaisip ka sa paksang ikinwento

hinggil ito sa karapatan sa paninirahan
ng mga tao, ng hayop, ng ibon, ng sinuman
ang food, clothing, shelter nga noon ay napag-aralan
sa eskwela na pangunahing pangangailangan

Tao: "Kawawang ibon... walang masilungang bahay."
sa kanyang sinabi'y tila di siya mapalagay
tapos ay bumagyo, baka may bahay pang natangay
anang Ibon: "Kawawang tao... lumubog ang bahay!"

mabuhay si Mang Nilo sa komiks niya't ideya
simple lang subalit nakakapagmulat talaga
bagamat komiks, ito'y may aral, hindi patawa
pagpupugay po, Mang Nilo, at sa dyaryong Pang-Masa!

02.27.2024

Pinaghalawan:
pahayagang Pang-Masa, Pebrero 27, 2024, pahina 7

Ang aklat ng mag-asawang mangangatha

ANG AKLAT NG MAG-ASAWANG MANGANGATHA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Araw ng mga Puso ngayong taon nang mabili ko ang aklat na ito, na nang mabasa ko ay doon ko lamang nalaman na mag-asawa pala sila ng higit limampung taon. Ang aklat na pinamagatang "2 - Tula: Manuel Principe Bautista, Sanaysay: Liwayway A. Arceo" ay nabili ko sa Popular Bookstore sa Tomas Morato sa Lungsod Quezon sa halagang P200.00. Inilathala ito ng University of the Philippines Press noong 1998. May sukat bna 5" x 8", na ang kapal ay 1/2", naglalaman ito ng kabuuang 224 pahina, kung saan ang 198 na pahina ang inilaan sa tula't sanaysay, habang 26 na pahina naman ang naka-Roman numeral kung saan naroon ang Nilalaman, Paunang Salita, Pasasalamat, at iba pa.

Narito ang pagpapakilala sa aklat na matutunghayan sa likod na pabalat:

"ANG AKLAT"

"Dalawang aklat sa isa: mga tula at sanaysay na pawang nalathala sa pang-araw-araw na Isyu (1995-1996), Ito ang 2 - mula sa dalawang premyadong manunulat na kapwa kolumnista sa nasabing pahayagan at ipinagmamalaki ang mayabong at malalim na mga ugat sa Tundo, Maynila."

"ANG MGA AWTOR"

"Sina MANUEL PRINCIPE BAUTISTA (1919-1996) at LIWAYWAY A. ARCEO (1924- ) ay magkatuwang din sa buhay, at bago yumao si MPB ay ipinagdiwang nila ang kanilang Gintong Anibersaryo ng kasal (31 Enero 1996). Si MPB, na higit na kilala sa pagiging makata, ay may nauna nang katipunan ng kanyang mga piling tula, Himig ng Sinag (1997). Samantala, si LAA, na malikhaing manunulat at may anim nang aklat ng malikhaing katha at ilan nang nobela, ay ito ang unang koleksyon ng sanaysay."

"Ang pagsusulat (mula noong 1935) ay bahagi lamang ng buhay ni MPB: 45 taon siyang kabilang sa isang bangko ng pamahalaan, una ay karaniwang kawani hanggang maging pinuno. Ang pagsusulat ay buong buhay ni LAA: 57 taon na siyang aktibong propoesyonal na manunulat, bukod sa pagiging editor."

"Ang paghahati nila sa buhay ay nagbunga ng anim na supling na pawang propesyonal - Florante, Isagani, Celia, Flerida, Ibarra, at Jayrizal. Ngunit ang bunso lamang ang sumunod sa kanilang mga yapak: kasalukuyang editor ng isang newsmagazine, bagamat sa Ingles. Ang puno ng kanilang pamilya ay maraming mabulas na sanga - 18 apo na propesyonal na ang tatlo at 3 apo sa tuhod."

Ang nagbigay ng Paunang Salita sa aklat ay ang premyado ring manunulat na si Ginoong Roberto T. Añonuevo.

Hinati ang nilalaman sa dalawang bahagi. Ang mga tula ni Manuel Principe Bautista, na naglalaman naman ng anim na hanay ng mga tula, na hinati sa mga sumusunod:
(1) Ang Makata - may limang tula
(2) Ang Makata, Sa Diyos - may tatlong tula
(3) Ang Makata, Sa Bayan - may walong tula
(4) Ang Makata, Sa Kapwa - may labindalawang tula
(5) Ang Makata, Sa Panahon - may limang tula
(6) Ang Makata, Sa Iba Pa - may siyam na tula

Sa kabuuan, may apatnapu't dalawang tula sa kalipunan si MPB.

Ang ikalawang bahagi naman ng aklat ay pawang mga Sanaysay ni LAA, na hinati naman sa mga sumusunod:
(1) Ang Babae Bilang Manunulat - may limang sanaysay
(2) Ang Babae Bilang Kaanak - may labindalawang sanaysay
(3) Ang Babae Bilang Inampon ng Diyos - may apat na sanaysay
(4) Ang Babae Bilang Tao at Tagamasid - may walong sanaysay
(5) Ang Babae Bilang Alagad ng Wika - may tatlong sanaysay

Sa kabuuan, may tatlumpu't dalawang sanaysay sa kalipunan si LAA.

Mabuti't natagpuan ko ang aklat na ito, dahil ang mga ganitong aklat ay bihira lang, at di basta matatagpuan sa karaniwang bilihan ng aklat. Kumbaga, klasiko ang aklat na ito ng mag-asawang manunulat. Nag-alay ako ng tula para sa kanila.

SA MAG-ASAWANG MANGANGATHA

tunay na pambihira ang ganitong aklat
ng mag-asawang makata at manunulat
klasiko na ito't panitikang panlahat
mga paksa'y pangmasa't kayang madalumat

kakaiba rin ang hagod ng kanyang tula
na binigyang saysay ang pagiging makata
sa mga sanaysay nama'y isinadiwa
kung ano ang babae bilang kanyang paksa

masasabi ko'y taospusong pagpupugay
sa makata't sa asawang mananalaysay
ang inyong pinamana'y pawang gintong lantay
para sa sunod na salinlahi't kalakbay

sa inyong dalawa, maraming salamat po
akda'y naisaaklat na't di maglalaho

02.27.2024

Kandila pala'y sasang

KANDILA PALA'Y SASANG

nakita ko ang tanong sa palaisipan
ano ang SASANG sa Apatnapu Pahalang
di ko alam, sagot dito'y pinagpaliban
ang mga Pababa muna ang sinagutan

at salitang Kandila ang lumabas dito
ako'y duda, tiningnan ko sa diksyunaryo
nakitang SASANG nga ang kahulugang wasto
isang pangngalan o noun ang salitang ito

ang sasang pala'y taal na sariling wika
ang kandila nama'y mula wikang Kastila
may magagamit nang salitang bago't luma
upang ibilang sa arsenal ng pagtula

sa libingan, sasang ay aking itutulos
sa nangamatay na inaalalang lubos
salamat sa palaisipan at natalos
na sasang sa pagluha'y unting nauubos

- gregoriovbituinjr.
02.27.2024

sasang kandila, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino,. pahina 1106
* palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Pebrero 25, 2024, pahina 10

Ang ISF sa 4PH

ANG ISF SA 4PH

iskwater ang tawag sa kanila
walang sariling bahay talaga
nagdaralita, kapos sa pera
sa bansa nga ba'y initsa-pwera?

nasa tabing ilog ang tahanan
o nasa gilid ng riles naman
o kaya'y sa bangketa sa daan
o saang mapanganib na lunan

iba'y nasa ilalim ng tulay
barungbarong ang tawag sa bahay
sa pagpag kaya'y napapalagay?
kung sa anak ito ang mabigay?

subalit nag-iba ang iskwater
tinawag silang informal settler
families, bahay ma'y nasa gutter
o kaya'y nasa labas ng pader

ISF sa kanila na'y turing
upang di raw magmukhang marusing
kayganda, tila tumataginting
di na iskwater, aba'y magaling

ngunit kalokohan pala ito
sa 4PH ay benepisyaryo
ang ISF, di pala totoo
di pasok at di kwalipikado

para sa may sahod na regular
ang 4PH, bahay ay kalakal
ng negosyante, aba'y kaymahal
sa bayarin ba'y makatatagal?

higit isang milyon ang bayarin
sa munting espasyong babahayin
iskwater na ISF ang turing
ay parang itinulak sa bangin

- gregoriovbituinjr.
02.27.2024

* litrato mula sa google

Lunes, Pebrero 26, 2024

Si Lambing

SI LAMBING

santaon na sa Abril seventeen
tawag ni misis sa kanya'y Lambing
doon siya sinilang sa amin
at kami na ang nagpapakain

anim silang sabay isinilang
kaya daga'y biglang nagwalaan
mabuting may inaalagaan
na maganda sa puso't isipan

pag may pagkain akong natira
ay iuuwi ko sa kanila
tulad ng isda, magsawa sila
pag nabusog, magpapahinga na

sa anim ay pinakamaingay
laging ngiyaw pagdating sa bahay
kalooban ko'y napapalagay
lalo't naglalambing siyang tunay

- gregoriovbituinjr.
02.26.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/875533181038624

Panawagan ni Tita Flor ng Oriang

PANAWAGAN NI TITA FLOR NG ORIANG

narinig ko ang panawagan ng magiting
na lider-kababaihan, tumataginting
ang kanyang tinig, may galit ngunit malambing
na sa gobyerno't pulitiko'y may pahaging

salitang binitiwan niya'y ninamnam ko:
dapat nating gawing maayos ang gobyerno
wala raw tayong maaasahan sa trapo
patuloy ang pagsasamantala sa tao

demokrasya ngayon ay para lang sa ilan
kayraming nagaganap na katiwalian
na ginagawang negosyo ng pamunuan
ang kanilang paglilingkod dapat sa bayan

patuloy na magmulat at mag-organisa
upang makamit ang tunay na demokrasya
na tunay na makatarungan, masagana
para sa manggagawa, magsasaka, masa

magbalangkas ng alternatibong gobyerno
na maglilingkod ng tunay sa mga tao
ang gobyerno ng masa'y itayong totoo
makatarungang hamon na sinaloob ko

- gregoriovbituinjr.
02.26.2024

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-38 anibersaryo ng Unang Pag-aalsang Edsa, Pebrero 25, 2024
* ang Oriang ay isang kilusang kababaihan na ipinangalan mula kay Gregoria De Jesus na Lakambini ng Katipunan at naging asawa ni Gat Andres Bonifacio
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/qs6MjIapMj/

Linggo, Pebrero 25, 2024

Labintatlong pirasong pilak

LABINTATLONG PIRASONG PILAK

tatlumpung pirasong pilak ang natanggap ni Hudas
at hinagkan ang pinagtaksilan, ah, siya'y hangal
may labintatlong pirasong pilak naman ang aras
alay ng lalaki sa dilag sa kanilang kasal

alin nga ba ang malas: tatlumpu o labintatlo?
sa tatlumpung pirasong pilak, siya'y nagkanulô
sa labintatlong pirasong pilak, sambit pa'y "I Do"
tandang sa pagbibigkis nila, pag-ibig ay buô

noon, basta numero labintatlo ay malas na
ngayon, swerte pag inihandog sa iyong palanggâ
tatlumpu ba ang numero ng naghudas talaga
batay sa bilang ng pilak na paghalik pa'y sadyâ

paumanhin, napagkwentuhan nati'y matalisik
nang sa talasalitaan, aras ay nasaliksik

- gregoriovbituinjr.
02.25.2024

aras - labintatlong pirasong pilak na inihahandog ng lalaki sa babae sa kanilang kasal; mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.72
tugmaan - abab cdcd efef gg; ang may impit at walang impit, magkatulad man ang titik, ay hindi magkatugma

Sabado, Pebrero 24, 2024

Kayraming basurang plastik sa Manila Bay

KAYRAMING BASURANG PLASTIK SA MANILA BAY

pinuna ng editoryal sa pahayagang Pang-Masa
ang Manila Bay dahil sa naglutangang basura
ano bang dapat gawin sa nabanggit na problema?
sa bansa'y "sachet economy" ang tinaguri pa

imbes na nakabibighaning paglubog ng araw
ay tone-toneladang plastik yaong matatanaw
naglutangang single use plastic ay doon naligaw
sa nangyayari bang ito'y anong iyong pananaw?

ayon pa sa ulat, Manila Bay daw ang hantungan
ng mga basura ng nakapaligid na bayan
at lungsod, pawang basurang plastik na pinaglagyan
ng shampoo, kape, ketsup, chicharon, noodles din naman

dahil sa kultura natin ay nauso ang tingi
bibilhin ang nais batay sa hawak na salapi
konting shampoo, samplastik na toyo, ay, pinadali
ang buhay, single use plastic na'y gamit nang masidhi

kaya pangangalaga sa paligid ay paano?
kung bawat tingi ay may plastik, bibilhing totoo
maning limang piso, bawat butil ng bawang piso
tambak na ang plastik, may magagawa pa ba tayo?

- gregoriovbituinjr.
02.24.2024

Pagkatha't pakikibaka

PAGKATHA'T PAKIKIBAKA

paano nga ba tutulain
ang bawat naming adhikain
nang ginhawa ng masa'y kamtin
at malutas ang suliranin

habang naritong patuloy pa
sa pagkatha't pakikibaka
para sa naaaping masa
laban sa bulok na sistema

labanan ang mga kuhila
burgesyang palamarang sadya
kapitalismo'y masawata
pagkat pahirap sa dalita

lagi pa ring taaskamao
kasama ang uring obrero
isusulat ko sa kwaderno
ang tindig sa maraming isyu

ako'y wala sa toreng garing
kundi nasa pusaling turing
nasa lupa ng magigiting
at dito na rin malilibing

- gregoriovbituinjr.
02.24.2024

Pagtitig sa kisame

PAGTITIG SA KISAME

at muli, nakatitig ako sa kisame
pinagnilayan ang nadinig na mensahe
bakit kayraming tiwali, trapo't salbahe
bakit ba api ang dukha, bata't babae

sa ganyang sistema, ayokong manahimik
anumang puna't nakita'y isasatitik
marami man silang sa isyu'y walang imik
habang masa'y parang bawang na dinidikdik

ano bang meron sa kisame kundi sapot
marahil ng gagamba o baka may surot
subalit ang lipunan ay tadtad ng sapot
ng mga tuso't tiwali, nakalulungkot

kayraming trapong nang-iisa, nanggigisa
ng mga dukhang sa kanila umaasa
akala sila'y mga diyos at diyosa
na kaligtasan ng bayan ay tangan nila

walang dapat mang-api o mambubusabos
walang isang tagapagligtas, manunubos
masa't uring manggagawa na'y magsikilos
nang sistemang bulok ay tuluyang matapos

- gregoriovbituinjr.
02.24.2024

* litrato ng kisame mula sa naganap na Labor Forum on ChaCha sa UP, Pebrero 22, 2024

Labinglimang patay sa nahulog na trak

LABINGLIMANG PATAY SA NAHULOG NA TRAK

"Umakyat na sa 15 ang bilang ng nasawi sa pagkahulog ng truck sa bangin sa Brgy. Bulwang, Mabinay, Negros Oriental nitong Miyerkules ng hapon."

"Patungo sila sa Brgy. Dawis sa Bayawan City mula sa bayan ng La Libertad at tinahak ang daan sa bayan ng Mabinay nang mahulog ang truck sa bangin sa kurbadang bahagi." 

"Sa inisyal na imbestigasyon, ayon na rin sa driver, nawalan siya ng kontrol nang mawalan ng preno ang truck kaya nag-overshoot ito."

"Sumirko ang truck matapos mahulog sa 20 metrong lalim na bangin. Dead on the spot ang 15 sakay.
~ ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Pebrero 22, 2024, p.2

kayraming aksidente
ang madalas mangyari

tulad  ng ulat, may trak
na sa bangin bumagsak
kayraming napahamak
at namatay sa sindak

biglaan ang disgrasya
biktima'y labinglima

ang dahilan ba'y ano
nawalan daw ng preno
nang sa pagliko nito
sa bangin dumiretso

sinong dapat managot
sa nangyaring hilakbot

sino bang masisisi
sa ganyang pangyayari
kaytinding aksidente
nakikiramay kami

- gregoriovbituinjr.
02.24.2024

Biyernes, Pebrero 23, 2024

Ang mga aklat ni Balagtas

ANG MGA AKLAT NI BALAGTAS
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

May apat akong aklat hinggil sa dalawang akda ni Francisco Balagtas. Tatlong magkakaibang aklat hinggil sa Florante at Laura, at isang aklat hinggil sa Orozman at Zafira.

Ang aklat na "Ang Pinaikling Bersyon: Florante at Laura" ay mula kina Gladys E. Jimena at Leslie S. Navarro. Inilathala iyon noong 2017 ng Blazing Stars Publication, na binubuo ng 144 pahina, 18 ang naka-Roman numeral at 126 ang naka-Hindu Arabic numeral. May sukat ang aklat na 5 and 1/4 inches pahalang at 7 and 3/4 inches pababa.

Ang aklat na "Mga Gabay sa Pag-aaral ng Florante at Laura" naman ay mula kay Mario "Guese" Tungol. May sukat na 5 and 1/4 inches pahalang at 8 and 1/4 inches pababa, inilathala iyon noong 1993 ng Merriam Webster Bookstore, Inc., at naglalaman ng 152 pahina. 

Ang dalawang nabanggit na aklat ay pawang nabili ko sa Pandayan Bookshop sa loob ng Puregold Cubao. Ang una ay nagkakahalaga ng P47.00 habang ang ikalawa naman ay P74.00

Ang ikatlo kong aklat hinggil sa "Florante at Laura" ay mula kay national artist for literature Virgilio S. Almario. May sukat na 5 and 3/4 inches pahalang at 8 and 3/4 inches pababa, ikasiyam na limbag na iyon ng ikatlong edisyon at inilathala noong 2023 ng Adarna House, at binubuo ng 154 pahina. Nabili ko iyon sa Fully Booked sa Gateway, Cubao, sa halagang P199.00.

Ang ikaapat naman ay ang Orozman at Zafira, na ang editor din ay si pambansang alagad ng sining para sa panitikan na si Virgilio S. Almario. May sukat iyong 8 and 1/2 inches pahalang at 11 inches pababa. Inilathala iyon noong taon 2020 ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa tulong ng Pambansang Komisyon para sa mga Kultura at mga Sining (NCCA), at may 314 pahina. Nabili ko ang nasabing aklat sa Solidaridad Bookshop noong Hunyo 3, 2021 sa halagang P400.00.

Ang Florante at Laura ay binubuo ng 399 saknong, na ang bawat saknong ay may apat na taludtod, habang ang Kay Celia naman na pinag-alayan ng Florante ay may 22 saknong, at Sa Babasa Nito ay may 6 na saknong, ang kabuuan nito ay 427 saknong. Ibig sabihin, 427 saknong times 4 taludtod bawat saknong equals 1,708 saknong ang bumubuo sa buong Florante at Laura. Habang ang isa pang akda ni Balagtas, ang Orozman at Zafira, ay may kabuuang 9,034 na taludtod.

Samakatuwid, 9,034 divided by 1,708 equals 5.29543, o limang ulit na mas malaki at mas mahaba ang Orozman at Zafira kaysa Florante at Laura. Kaya malaking bagay na napabilang ito sa aking aklatan.

Naaalala ko, nasa ikalawang taon ako sa hayskul nang binasa ko bilang bahagi ng aralin ang Florante at Laura. Marahil ay may batas na nagsasabing dapat pag-aralan ng mag-aaral ang Florante at Laura sa ikalawang taon sa hayskul, habang sa unang taon ay Ibong Adarna, at sa ikatlo ay Noli Me Tangere at sa ikaapat na taon, bago gumradweyt sa hayskul, ay El Filibusterismo.

Subalit nasaliksik ko na may batas na dapat aralin ang Noli at Fili, sa pamamagitan ng Batas Republika 1425 o yaong tinatawag na Rizal Law. Hinanap ko naman kung anong batas na nagsasabing pag-aralan ang Florante at Laura, subalit di ko mahanap.

Ang meron ay Proclamation No. 373, s. 1968 na itinalaga ang Abril 2, 1968 bilang "Francisco Balagtas Day" na nilagdaan ng matandang Marcos, habang nilagdaan naman ni dating pangulong Cory Aquino ang Proclamation No. 274 na nagtatalaga sa taon 1988 bilang Balagtas Bicentennial Year. Sa proklamasyong ito ay nabanggit naman ang Florante at Laura:

Purpose of the Proclamation
Recognizes the need to foster and propagate Balagtas' nationalistic fervor
Balagtas' literary works, such as "Florante at Laura," express nationalistic sentiments
Aims to support and promote activities related to the bicentennial celebration of Balagtas' birth anniversary

Subalit hindi pa rin natin matagpuan ang batas na nagsasabing dapat pag-aralan sa hayskul ang Florante at Laura. Gayunpaman, alam kong mayroon nito, na hindi lang natin sa ngayon matagpuan.

Maganda ring nasaliksik na ang isa pang akda ni Francisco Balagtas - ang Orozman at Zafira. At marahil kung hindi nagkasunog sa bahay nina Balagtas noon, ay maaaring buhay pa at muling inilathala ang iba pa niyang akda. Mabuti't natagpuan ang Orozman at Zafira.

Kumatha ako ng munting tula hinggil sa mga ito.

MAHAHALAGANG AKDA NI BALAGTAS

hayskul ako nang inaral / ang Florante at Laura
may-asawa nang mabili / ang Orozman at Zafira
mga akda ni Balagtas / na napakahahalaga
mga gintong kaisipan / ang sa atin ay pamana

bagamat sa ngayon, ito'y / nabibigyan pa bang pansin?
na inaaral sa hayskul / upang makapasa lang din
subalit kahit paano, / ito'y nababasa pa rin
pagkat sa eskwela'y atas / na akdang ito'y basahin

dahil sa ako'y makata / at mahilig sa pagtulâ
kaya mga akdang ito'y / iniingatan kong sadyâ
para sa mga susunod / na salinlahi't ng bansâ
ay maipagmalaki pa / ang kay Balagtas na kathâ

malalim na pang-unawa, / nag-iba man ang panahon
ay pahalagahan pa rin / ang akda, na isang hamon
sa inyo, sa ating lahat, / at sunod pang henerasyon
mamamatay ako, tayo, / ngunit di ang akdang iyon

02.23.2024

Pag-awit ng Manggagawa

PAG-AWIT NG MANGGAGAWA

naroon sa entablado ang Teatro Pabrika
at ang Teatro Proletaryo, sabay kumakanta
ng awitin sa Manggagawa, kahali-halina
sadyang tagos sa puso't diwa ang inawit nila

nagsiawit sila habang nasa kalagitnaan
ng Labor Forum on ChaCha, mahabang talakayan
hinggil sa nagbabagang isyu sa ating lipunan
sasayaw ba tayo sa ChaCha at sa papirmahan?

patuloy kong dininig ang awit na Manggagawa
sa kasalukuyang rehimen ba'y anong napala?
bakit ibubuyangyang sa dayo ang ating bansa
na siyang nais ng mga kongresista't kuhila?

tila ba ako'y hinehele sa kanilang awit
tinig nila'y may lungkot subalit nakakaakit
prinsipyo't paninindigan sa awit nila'y bitbit
"Mabuhay ang manggagawa!" ang tangi kong nasambit

- gregoriovbituinjr.
02.23.2024

* binidyo ng makata habang sila'y umaawit sa UP nang ilunsad ang Labor Forum on ChaCha, Pebrero 22, 2024
* mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/qo4KiowwaT/

Estudyanteng buntis, sinaksak ng nobyo

ESTUDYANTENG BUNTIS, SINAKSAK NG NOBYO

"Dahil sa hindi umano pagpayag na ipalaglag ang sanggol sa kanyang sinapupunan ay walang awang inatado ng saksak ang 18-anyos na senior high school student na tatlong buwang buntis ng kanyang nobyo, naganap sa Barangay Maahas, Los Baños, Laguna." ~ unang talata sa balitang "Estudyante na buntis, sinaksak ng nobyo, headline sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 23, 2024, pahina 1 at 2

saanmang gubat ay may ahas
pati sa Barangay Maahas

kahindik-hindik na balita
na talagang nakabibigla
karahasan ang nanariwa
sa nobyong nababaliw yata

sinaksak ang kanyang katipan
estudyanteng buntis pa naman

nais na bata'y ipalaglag
ngunit dalaga'y di pumayag
nobyo'y di na nagdalang habag
nang marinig ang pinahayag

biglang sinaksak ang dalaga
pag-ibig na naging trahedya

buti't may mga sumaklolo
sa dilag nang siya'y tumakbo
hustisya nawa'y kamtin nito
at madakip na ang demonyo

- gregoriovbituinjr.
02.23.2024

Di tahimik ang aming panulat

DI TAHIMIK ANG AMING PANULAT

minsan, maraming bagay ang di nabibigkas
marahil dahil nagbabanta'y pandarahas
nagiging walang imik, agad umiiwas
nang di mapaso sa nguso't halik ni hudas

kaya marahil dinadaan sa panitik
upang maipakitang tayo'y umiimik
sa maraming isyung sa bayan dumidikdik
ipahayag ding di tayo nananahimik

prinsipyo't tindig ay tinatanganang buô
at di kami mananatiling walang kibô
kahit pasista pa ang sa amin sumundô
pagtortyur man o pagpaslang ang maging lundô

magpapatuloy kami sa panunuligsâ
sa mga tiwali, gahaman, tusong gawâ
narito kaming mag-uulat at tutulâ
bakasakaling hustisya'y kamtin ng dukhâ

- gregoriovbituinjr.
02.23.2024

Huwebes, Pebrero 22, 2024

Di pa napapanahon ang ChaCha

DI PA NAPAPANAHON ANG CHACHA

nagtatago sa ngalang People's Initiative
na pinapipirma kahit ang nasa liblib
ginagamit ang masa sa ambisyong tigib
ang totoo, iyan ay Trapo Initiative

ano bang nais baguhin sa Konstitusyon?
o gaya ng dati, nais ay term extension?
gagalawin daw ang economic provision
upang sa dayuhan buksan ang bansa ngayon

kayrami nang iskwater sa sariling lupa
ay gagawin pang sandaang poryentong sadya
ang pag-aari ng dayo sa ating bansa
sandaang porsyentong iskwater malilikha

subalit bakit nagsimula nito'y trapo
kongresista, meyor, ang nanguna umano
pumirma ka, pagkat may ayuda raw ito
tila baga sila'y bumibili ng boto

aba'y inuuto ang masang maralita
na sa lipunan ay nakararaming sadya
walang papel dito ang dukha't manggagawa
at di rin ito inisyatibo ng madla

kaya dapat lang tutulan ang ChaCha ngayon
di pa marapat baguhin ang Konstitusyon
pagkat ang ChaCha ay di pa napapanahon
mabuti kung ito'y bunga ng rebolusyon

wawakasan ang elitistang paghahari
at ugat ng hirap - pribadong pag-aari
itatayo natin yaong lipunang mithi
na makikinabang ay bayan, uri't lahi

lilikhain dito'y bagong Saligang Batas
na uring manggagawa ang dito'y kukumpas
habang tinatayo'y isang lipunang patas
na palakad sa tao'y sistemang parehas

isang Konstitusyong likha ng sambayanan
di ng mayayaman, elitista't gahaman
ipapamahagi ang yaman ng lipunan
ng pantay, walang mahirap, walang mayaman

- gregoriovbituinjr.
02.22.2024

* Kinatha at binigkas ng makata bilang reaktor sa FDC Forum on ChaCha sa umaga, at sa Labor Forum on ChaCha sa hapon ng Pebrero 22, 2024.

Miyerkules, Pebrero 21, 2024

Boksingerong anak ni Pacquiao ang isabak sa Paris Oympics

BOKSINGERONG ANAK NI PACQUIAO ANG ISABAK SA PARIS OLYMPICS
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Overage na si Manny Pacquiao kaya hindi inaprubahan ng International Olympic Committee (IOC) ang kahilingan ng Philippine Olympic Committee (POC) na makuha ang awtomatikong tiket ni Pacquaio upang makalahok sa 2024 Paris Olympic Games sa Paris, sa bansang Pransya. Nasa edad 45 na si Pacquiao habang hanggang 40 anyos ang age limit ng lahat ng boksingerong lalahok sa Olympic Games.

Ikalawa, kailangan din ni Pacquiao na sumalang sa qualifying tournament upang makapasok sa Olympics. Ito'y ayon sa mga balita sa iba't ibang dyaryo at social media.

Matapos makuha ni Hidilyn Diaz ang unang gold medal ng Pilipinas sa 2020 Olympic Games, marahil ay saka naisip ni Pacquiao na sumali at katawanin ang Pilipinas sa Olympics. Dahil kung pangarap talaga niya ito, aba'y noong bago pa niya kalabanin si Ledwaba, o noong talunin niya si Barrera ay dapat naisip at pumasok na siya sa boxing team ng Pilipinas sa Olympics. Subalit hindi.

Na-inspire lang marahil talaga siya dahil nakakuha ng dalawang Olympic medals si Diaz, silver medal noong 2016 Rio Olympic at gold medal sa 2020 Tokyo Olympics. Subalit hindi naman masamang magmungkahi kung nais ni Pacquiao na matupad ang kanyang pangarap na makakuha ng medalya sa Olympics.

Ihabol niya ang boksingero niyang anak na si Jimwel na nagboboksing na rin upang sumabak sa Olympic Games. Iyan ang pinakamagandang mungkahi na maaari niyang gawin.

Kumbinsihin ni Pacquiao ang boksingero ring anak niyang si Jimuel na lumaban sa Paris Olympics. Ang kanyang anak ang siyang tutupad sa pangarap ng ama na manalo ng medalya sa Olympics. Ano pa ang hinihintay natin?

Kumatha ako ng munting tula hinggil dito:

JIMUEL PACQUIAO ANG ILABAN SA OLYMPIC GAMES

sa Olympic Games ay di na kwalipikado
si Manny Pacquiao, ngunit may alternatibo
ang kanyang anak na isa ring boksingero
ay kumbinsihing "Mag-Olympics ka na, iho"

may ulat pang kampyong si Canelo Alvarez
ang kanyang tagapagsanay kaya mabilis
umunlad sa boksing, tila walang kaparis
sa amatyur man ay nagpakita ng bangis

kaya Manny, si Jimuel, panganay mong anak
sa Paris Olympics Games ay iyong isabak
bagong landas iyon na kanyang matatahak
at sa gabay mo'y di siya mapapahamak

nandyan si Jimuel, bansa'y di na maghahanap
siya ang katuparan ng iyong pangarap
basta sa pagsasanay, siya'y magsisikap
balang araw, gold medal ay kakamting ganap

02.21.2024

Pinaghalawan ng datos:
Balita sa pahayagang Pang-Masa (PM), Pebrero 19, 2024

Si dating Sen. De Lima sa World Day of Social Justice

SI DATING SEN. LEILA DE LIMA SA WORLD DAY OF SOCIAL JUSTICE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga dumalo sa The Adrian E. Cristobal Lecture Series 2024 sa Gimenez Gallery, UP Diliman, Pebrero 20, 2024, araw ng Martes, sa ganap na ikatlo hanggang ikalima ng hapon. Ang panauhing tagapagsalita ay si dating Senadora Leila Mahistrado De Lima.

Dumalo ako dahil palagay ko'y itinaon ang nasabing pagtitipon sa Pebrero 20 dahil iyon mismo ay UN-declared World Day of Social Justice. Nang una kong mabatid ang nabanggit na araw ay talagang itinaguyod ko na ito.

Nakasalubong ko ang araw na ito habang nagsasaliksik ng araw na inideklara ng United Nations para sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan naglabas noon ng pahayag ang KPML hinggil sa World Day of Social Justice.

Kaya dinaluhan ko ang panayam kay De Lima. Naisip kong sadyang itinapat ang panayam sa Pebrero 20, dahil nga World Day of Social Justice. Ikalawa pa lang ng hapon ay naroon na ako sa Gimenez Gallery. Ikatlo ng hapon ay nagsimula na ang palatuntunan sa pamamagitan ng Lupang Hinirang. Sunod ay Opening Remarks ni Gng. Susan S. Lara, Ikalawang Pangulo ng UMPIL o Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas. Sinundan ito ng Welcome Remarks ni Propesor Jimmuel C. Naval, Dean ng College of Arts and Letters ng UP Diliman, at isa sa aking guro sa Palihang Rogelio Sicat Batch 15.

Ang nagsalita naman hinggil sa kasaysayan at layunin ng The Adrian Cristobal Lecture Series, na nagsimula pa noong 2010, ay si Ms. Celina S. Cristobal, kinatawan ng Cristobal Family Foundation, at dating board member ng UMPIL.

Sunod ay ipinakilala at tinawag ni Ms. Jazmin B. Llana ang panauhing tagapagsalita na si dating Senadora Leila De Lima. Ang pamagat ng lektura ni De Lima ay "Gender and Political Oppression", kung saan nagtala ako ng ilan sa kanyang mga ipinahayag sa aking munting kwaderno.

Sa open forum ay una akong nagtaas ng kamay at tinawag agad ako ng moderator na si Clarissa Militante. Sabi ko, "Kanina ay nabanggit po ni Mam Celina Cristobal na kaya Pebrero 20 itinaon ang lektura ay dahil ang petsang ito ang kaarawan ng namayapang awtor na si Adrian E. Cristobal. Akala ko po ay dahil itinaon ang lektura ninyo dahil ngayon ay UN-declared World Day of Social Justice". Sabi naman ni De Lima, "Isa rin sa aking advocacy ang social justice. Salamat sa paalala."

Bagamat walang isa sa nagsabi na ang araw na iyon ay World Day of Social Justice ay nabanggit natin na mayroong ganitong araw.

Nang una kong mabatid ang World Day of Social Justice ay kinulit ko na ang ilang mga kasama sa IDefend, isang human rights platform na maraming kasaping organisasyon. Dahil sa aking pangungulit noong 2019 ay naglunsad ang IDefend ng aktibidad hinggil sa usaping ito. Kaya isang malaking karangalan na napansin ang araw na ito.

Subalit hindi ito kasintindi ng pagkilala sa International Human Rights Day tuwing Disyembre 10. Bagamat magkaugnay ang Human Rights at Social Justice, na ang katibayan ay matatagpuan natin sa ating Konstitusyon ng 1987 kung saan ang pamagat ng Artikulo 13 ay "Social Justice and Human Rights."

Sana'y maging ganap at popular ang pagkilala ng mamamayan sa World Day of Social Justice, tulad ng kung paano kinikilala ng mga human rights organizations, civil society, people's organizations, government agencies, at iba pang grupo, ang International Human Rights Day. Hinggil sa paksang ito, mangyaring tingnan at basahin ang kasaysayan ng araw na ito sa kawing na https://www.un.org/en/observances/social-justice-day kung saan pinangunahan ang pagpapatibay nito ng samahang paggawa na International Labour Organization (ILO).

Isa nga sa ginawa kong disenyo ng plakard sa araw na iyon ay may litrato ng kandila sa gitna, at sa itaas ay nakasulat: "February 20 is World Day of Social Justice" at sa ibaba nito ay "Katarungan sa lahat ng biktima ng EJK!" Pinadala ko ito sa messenger ng isang ina ng EJK victim, at ang kanyang sabi, "Salamat sa pakikiramay."

Tinapos naman ni G. Michael M. Coroza, pangulo ng UMPIL, ang palatuntunan sa pamamagitan ng pagbigkas ng tulang pinamagatang "Mapagpalang Daigdig". Matapos iyon ay nagkodakan na, sa gitna ang panauhing tagapagsalita, kasama si National Artist Virgilio Almario.

Matapos ang panayam ay saglit din kaming nagkausap nina Dean Jimmwel Naval at Propesor Joey Baquiran. May pameryenda rin. at bago umalis ay bumili ako ng librong "The Adrian E. Cristobal Lecture Series 2010-2017". Lampas na ng ikalima ng hapon nang ako'y umalis.

Ginawan ko ng tula ang karanasang ito.

LEILA DE LIMA AT ANG USAPING SOCIAL JUSTICE

halina't itaguyod ang World Day of Social Justice
bukod sa karapatan, tao'y di dapat just-tiis
pag-abuso sa karapatan ay dapat mapalis
hustisyang asam ng masa nawa'y kamting mabilis

Social Justice ay itaguyod saanmang arena
kaya sa A. Cristobal Lecture Series ay nagpunta
nag-aakalang mabanggit ni dating senadora
De Lima ang araw na itong napakahalaga

sa paksa niyang "Gender and Political Oppression"
ay isiniwalat ang danas sa pagkakakulong
anong nasa puso't diwa higit anim na taon
ng pagkapiit, anong mga dumating na tulong

nagpapasalamat ako't doon ay nakadalo
at ang araw na nabanggit ay naisiwalat ko
na sana'y tumimo talaga sa isip ng tao
na araw na ito'y dapat ding kilanling totoo

02.21.2024