I
kalagayan ko'y mabuti
buhay ma'y masalimuot
kapag may pera, galante
kung walang pera, kuripot
II
huwag magpadalos-dalos
sa bawat mong ginagawa
at iyo ring matatapos
ang pinagsikapang lubha
III
tahol ng tahol ang aso
sa magandang binibini
"wow! wow!" tahol muli nito
nagagandahan sa seksi
IV
tumilaok na ang tandang
salubong kay Haring Araw
aba'y umaga na, Manang
initin mo na ang sabaw
V
masama ang pakiramdam
aba'y agad magpagaling
pagkat mahal ang gamutan
ang bulsa mo'y bubutasin
VI
dinig mo ba yaong siyap
ng nagsisihapong pipit
tila ba sila ang hanap
ng naglilimayong paslit
VII
isip na siya ng isip
di ko maarok ang lalim
hanggang siya'y mapaidlip
lalo't gabi nang kaydilim
- gregbituinjr.
* Ang DALIT ay uri ng katutubong tulang may walong pantig bawat taludtod.
- Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2020, p. 20
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento