Huwebes, Abril 30, 2020

Munting pagtalakay sa Bayanihan to Heal as One Act of 2020

Munting pagtalakay sa Bayanihan to Heal as One Act of 2020
Sinaliksik ni Greg Bituin Jr.

Ang Batas Republika Blg. 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act of 2020, ay naisabatas noong Marso 24, 2020, at naging epektibo noong Marso 25, 2020. Ito na yata ang pinakamabilis na panukalang naisabatas sa kasaysayan. Pang-Guinness Book of World Records, ika nga.

Sa Senado, ipinakilala nina Senador Tito Sotto, Pia Cayetano, Win Gatchalian, et.al., ang Senate Bill No. 1418, at naipasa ang 1st, 2nd, at 3rd Reading ng isang araw lang, Marso 23, 2020. Sa Kongreso, inihain ang House Bill No. 6616 nina Speaker Alan Peter Cayetano, et.al., at naipasa rin ang 1st, 2nd, at 3rd reading sa parehong araw, Marso 23, 2020. Kinabukasan, Marso 24, 2020, ay agad itong pinirmahan ni Pangulong Duterte.

Ang nasabing batas ay nagbibigay ng "additional authority" o dagdag na kapangyarihan sa pangulo "to combat" o upang malabanan ang "2020 coronavirus pandemic in the Phililpines". Nasa 14 na pahina ang buong Bayanihan Act at mada-download ang pdf file nito sa internet.

Ayon sa batas, dapat mag-sumite ng lingguhang ulat ang Pangulo sa Kongreso tuwing Lunes hinggil sa lahat ng mga gawang batay sa batas na ito pati ang halaga  at  kaukulang  paggamit  ng pondo. Bubuo naman ang Kongreso ng Joint Congressional Oversight Committee na binubuo ng apat na miyembro sa Senado at sa Kapulungan ng Kinatawan (ayaw ng ilang kasamang nasa House of Representatives na tawagin itong Mababang Kapulungan dahil kapantay daw ito ng Senado).

Ang batas ay nagbibigay ng Pangulo ng Pilipinas ng kapangyarihan upang maipatupad ang pansamantalang mga hakbang para sa emerhensiyang pagtugon sa krisis na naganap ng COVID-19. Para sa mga lalabag, may parusang dalawang buwang pagkabilanggo o multang hindi bababa sa sampung libong piso (P10,000.00) ngunit hindi hihigit sa isang milyong piso (₱P1,000,000.00) o maaaring pare-hong ipataw sa nagkasala.

Gayunman, hindi kasama sa batas ang paglabag sa karapatang pantao, kahit sinabi ng pangulong “Shoot them dead” ang mga lalabag sa community quarantine. Binanggit ang Bill of Rights sa Seksyon 4. Authorized Powers, Titik z, sub-titik (ee): "Undertake such other measures as may be reasonable and necessary to enable the President to carry out the declared national policy subject to the Bill of Rights and other constitutional guarantees."

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 16-30, 2020, pahina 2.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento