Linggo, Abril 12, 2020

Anong nais natin sa Buwan ng Panitikan?

Anong nais natin sa Buwan ng Panitikan?

Buwan ng Panitikan ang Abril, anong gagawin
Upang panitikan ng masa'y lalong payabungin?
Wastong pagsusulat na may prinsipyo't adhikain
Ang kwento, tula't nobela sa masa'y pagsilbihin

Nagnanais bang panitikan ay maging kakampi?
Naghahangad ba itong sa manggagawa'y magsilbi
Gutom ang dukhang anong sipag sa araw at gabi
Panitikan ba'y tutula ng kanyang pagkaapi?

Anong resultang hangad para sa bawat babasa?
Nobela kaya'y magkwento ng pagsasamantala?
Itutula mo ba ang manggagawa't magsasaka?
Tulay mo bang tatahakin ay sanaysay ng dusa?

Isipin natin anong makabubuti sa madla
Kung ito ba'y magsisilbi sa mga hampaslupa?
Ang panitikang nais natin ay di ngawa't luha
Ngunit patungo sa tagumpay ng anak-dalita

- gregbituinjr.
04,12,2020

* Sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 968, s. 2015, ang Abril ay pinagtibay bilang Buwan ng Panitikan. Marahil ay dahil tuwing Abril 2 ang kaarawan ng dakilang makatang Francisco Balagtas, na kinikilala sa kanyang walang kamatayang Florante at Laura. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento