PARIAN
tanong: PALENGKE sa una, pahalang
buti't ang tugon dito'y natandaan
kaya ang sagot ko agad: PARIAN
tulad sa Calamba na isang lunan
marahil di PARI ang pinagmulan
na binebenta'y pawang pansimbahan
kundi mula sa salitang PARIYAN
tulad ng PARITO't PAROON iyan
lumang salita iyon sa PALENGKE
na ibinabalik pagkat may silbi
kung saan madla'y doon namimili
ng kailangan sa araw at gabi
madalas ngang PUMARIYAN ang masa
gagala, bibili ng nais nila
PUMAPAROON din ako tuwina
upang tumingin ng mga paninda
- gregoriovbituinjr.
08.12.2023
* parian - [Sinaunang Tagalog] - plasa o pook na ginagamit na pamilihan, UP Diksiyonaryong Filipino, p. 939
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento