Huwebes, Marso 10, 2022

Di kapayapaan ng libingan

DI KAPAYAPAAN NG LIBINGAN

aking nais na kapayapaan
yaong may hustisyang panlipunan
di katahimikan ng libingan
kundi payapang makatarungan

ayokong kaya ka nanahimik
upang di lang marinig ang hibik
gayong loob ay naghihimagsik
sa inhustisyang sa puso'y tinik

tumahimik lang dahil sa takot
katahimikang pulos bangungot
pagkat karapatan ay nilagot
ng mga trapo't burgesyang buktot

kapayapaang dapat malinaw
sa puso, isipan, diwa, ikaw
hustisyang panlipunan ay litaw
ang karapatang pantao'y tanaw

kaya kapayapaang ayoko
ay yaong kagaya'y sementeryo
na di kapayapaang totoo
kundi bunsod ng mga abuso

yaong nais kong kapayapaan
ay ang may hustisyang panlipunan
di katahimikan ng libingan
kundi payapang makatarungan

- gregoriovbituinjr.
03.09.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento