TANAGA SA UNOS
1
kinain ng bangungot
ang inaaring lungkot
pag tagbagyo’y bantulot
na sa puso’y kukurot
2
nanagasa ang unos
at kayraming inulos
na pulos mga kapos
at sa buhay hikahos
3
tayo ba’y beterano
ng mga baha’t bagyo
at resilient daw tayo’t
pinupuring totoo
4
pag bagyo’y nanalasa
maghanda na ang masa
kalamidad pagdaka
ay talagang disgrasya
5
pag bagyo’y rumagasa
aba tayo’y maghanda
lalo na’t ang pagbaha
ay talagang malala
6
gawin natin ang dapat
upang masa’y mamulat
upang hindi masilat
ng bagyong bumabanat
* Unang nalathala ang tulang ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2020, pahina 20.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento