Ang mga bagyong Rolly at Ulysses
Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr.
Dalawang matitinding bagyo ang sumalanta sa bansa nito lamang unang dalawang linggo ng Nobyembre 2020. Ang bagyong Rolly ay tinatawag na super Typhoon Goni sa ibang bansa, at ang Ulysses naman ay Typhoon Vamco. Dumating ang bagyong Rolly, na ayon sa mga ulat ay kinatakutan dahil sa Category 5 na super-bagyo, na tinawag na "pinakamatinding tropical cyclone sa buong mundo noong 2020." Napakalakas nga nito ayon sa prediksyon. Mabilis itong humina, ngunit matapos manalasa ay nag-iwan ito ng pinsalang nakaapekto sa daan-daang libong katao, at puminsala sa libu-libong bahay.
Nakakabigla rin ang pagdating ng bagyong Ulysses, na ayon sa ulat ay bagyong nasa Kategorya 2, subalit ang pinsalang iniwan nito'y mas laganap, at nagdulot ng pinsala sa agrikultura at imprastraktura, nag-iwan ng 67 na patay, at higit sa 25,000 walang tirahan.
Sadyang maiiyak ka kung ikaw ang tinamaan ng alinman sa dalawang bagyong ito. Sa Ulysses ay naulit ang bangungot ng Ondoy. Ako nga'y muntik nang hindi makasama sa isang lakad sa Thailand kung nalunod sa tubig ang aking pasaporte. Kakukuha ko lang ng pasaporte ko noong Setyembre 25, 2009, naganap ang Ondoy ng Setyembre 26, 2009, at nakalipad ako puntang Thailand kasama ng iba pa noong Setyembre 28, 2009. Ang pinuntahan ko'y isang kumperensya hinggil sa nagbabagong klima o climate change, at isa ang Ondoy sa aming napag-usapan doon.
Ayon sa mga ulat, ang Bagyong Rolly ang pinakamalakas na bagyong naitala sa buong mundo ngayong 2020. Una itong bumagsak sa Pilipinas noong Nobyembre 2, na tumama sa Bato, Catanduanes; Tiwi, Albay; San Narciso, Quezon; at Lobo, Batangas. Bago nito, inilikas ng pamahalaan ang halos 1 milyong residente sa Bicol, ngunit malubhang napinsala ni Rolly ang higit sa 10,000 mga bahay sa Catanduanes lamang. Ang malakas na hangin at malakas na pag-ulan ang sanhi ng pagbaha, pagdaloy sa mga kabukiran ng lahar mula sa bulkang Mayon, mga pagguho ng lupa, at paghalimbukay ng unos (storm surge) sa rehiyon. Nagdala rin ito ng malawak na pagkawala ng kuryente at nasira ang linya ng komunikasyon.
Noong Nobyembre 11 2020 naman, sinalanta ng Bagyong Ulysses ang pangunahing isla ng Luzon na rumagasa ang mapanirang hangin at matitinding pagbagsak ng ulan na nagdulot ng matitinding mga pagbaha sa maraming lugar kabilang na ang Cagayan Valley (Rehiyon 2) na isa sa mga pinakamatinding naapektuhan. Halos 40,000 na mga tahanan ang ganap o bahagyang nalubog sa Lungsod ng Marikina, ayon naman kay Mayor Marcelino Teodoro ng Marikina. At naulit muli sa Marikina ang naranasang bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009.
Sa pagitan ng Rolly at Ulysses ay dumaan din sina Siony at Tonio. Mabuti't mahina lamang sila. Subalit sa nangyaring bagyong Rolly at Ulysses, napakaraming istoryang kalunos-lunos ang ipinakita sa telebisyon at narinig sa radyo. Nariyan ang naglalakad na mga tao sa baha pasan ang kanilang mga gamit, aso, o kaya'y anak. Nariyan ang mga tao sa bubungan ng kanilang bahay na naghihintay masagip dahil nalubog na ang kanilang bahay sa baha. Nariyang hindi na mauwian ang tahanan dahil nawasak na.
Sa taon-taong bagyong nararanasan ng bansa, masasabing beterano na ba tayo sa baha? Maling sabihin dahil nakakaawa ang sinasapit ng ating mga kababayan. Dapat na seryosong makipagtulungan ang pamahalaan sa taumbayan kasama na ang mga nasa lugar na madaling bahain. Dapat magkaroon ng sistema, mekanismo, istraktura, at mabisang hakbang upang maghanda, at mabisang tugunan at mapamahalaan ang mga natural na kalamidad tulad ng mga nangyaring bagyo. Dapat kasangkot ang mamamayan sa pagtugon, maging responsable, at sundin ang mga protokol. Dapat handa na tayo sa ganitong mga sitwasyon, lalo na’t pabagu-bago ang klima at patuloy pa ring gumagamit ang bansa ng coal-fired power plants na itinuturing na isa sa dahilan ng matitinding bagyo.
Mga pinaghalawan:
https://reliefweb.int/report/philippines/wfp-philippines-typhoon-rolly-situation-report-1-6-november-2020
https://newsinfo.inquirer.net/1359823/typhoon-ulysses-triggers-worst-floods-in-metro-manila-in-years
https://opinion.inquirer.net/135319/five-lessons-from-typhoon-ulysses
* Ang artikulong ito'y unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2020, pahina 10-11.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento