pawang kathang isip lang ang kwentong katatakutan
o kababalaghan, na binili ko pa rin naman
upang masuri ko ang kanilang pamamaraan
ng pagsasalaysay, nang sa gayon aking malaman
bakit kaya kwentong ganito'y kinagigiliwan
nais kong mabasa ang kwento sa dako pa roon
sa libreto'y anim ang kwento, ito'y ang Tradisyon,
Sayaw ng Kamatayan, Sumpa ng Bruha, Ang Balon,
Mga Dagang Perya, at isa pa sa mga iyon,
Mga Alulong sa Hatinggabi'y pamagat niyon
marahil, walang diyalektika sa mga kwento
ngunit sa sikolohiya, parang totoo ito
huwag ka lang maniniwala sa nababasa mo
binibili man ng masa'y mga kwentong ganito
upang may ibang mabasa, di balitang totoo
kathang isip, walang batay sa totoong naganap
kung ako'y gagawa, paksa'y tokhang sa mahihirap
upang may isyu pa rin, upang hustisya'y mahanap
susubukan kong lumikha ng kwentong malalasap,
ang hiyaw ng pamilya, na hustisya'y mahagilap
- gregoriovbituinjr.
09.02.2020
* Ang libretong pinamagatang "Mga Kwento ng Multo at Kababalaghan" ay sinulat ni Ofelia E. Concepcion, guhit ni Steve Torres, at inilathala ng Mic-Con Publishing (2006), 32 pahina. Nabili sa halagang P15.00.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento