matagal na akong patay, ngayon lang napagnilay
mula nang mapadpad sa lugar na ito na'y patay
di na ako ang dating ako noong nabubuhay
tila sa sementeryong tahimik na nakahimlay
patay na pala ako, ngayon ko lang napag-isip
kaya pala aking dibdib ay laging nagsisikip
sa anim na buwang lockdown, di ko lubos malirip
na narito pa rin akong tila nananaginip
ako pala'y patay na, ngayon nga'y napagtanto ko
di na ako ang ako pagkat kayraming nagbago
nasa isang lugar akong animo'y sementeryo
payapang-payapa, di nababagay sa tulad ko
lalo't ako'y aktibistang dapat nasa labanan
nag-oorganisa ng dukha't kapwa mamamayan
bakit ba ako napadpad sa payapang kulungan
kung tatagal pa rito'y isa itong kamatayan
di na ako ang ako kung dito'y mananatili
sa sementeryong buhay kong sadyang nakamumuhi
uuwi ako sa sambayanan, sa aking uri
at doon ay sumigla at mabuhay na mag-uli
- gregoriovbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento