nagtataka sila't ako'y lagi sa palikuran
paano ba naman, iyon na ang aking kanlungan
doon ko sinusulat ang nangyayari sa bayan
doon sinusuri ang nagaganap sa lipunan
doon ko binubuo ang isang bagong daigdig
na punung-puno ng pagbaka, pag-asa't pag-ibig
lumago ang halamang tanim dahil sa pagdilig
nagagawan ng paraan ang anumang ligalig
kanlungan ko ang palikuran habang nakaupo
sa tronong pinag-aalayan ng bawat siphayo
masarap ang pakiramdam pagkat di ako dungo
pagkat maraming nakikinig ng buong pagsuyo
sa binuo kong daigdig, ako'y katanggap-tanggap
kahit ako'y isang makatang sakbibi ng hirap
lahat nga ng danas at kasawian kong nalasap
ay iniluluhog sa tronong tunay ang paglingap
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento