nasa pananahimik ba ang esensya ng buhay?
at hinahayaan ang kapwang basta pinapatay?
ang mga nangyayari ba'y tinatanggap mong husay?
ang panlipunang hustisya'y balewala bang tunay?
kaya may nanggugulo dahil sa mga tahimik
na kahit alam na may mali'y di man lang umimik
pagkat di naman daw sila tinatamaang lintik
walang pakialam sa kapwang mata'y pinatirik
lumagay man ako sa tahimik, magsasalita
para sa karapatan ay gagawin anong tama
wala mang pera'y ipagtatanggol ang masang dukha
wala mang lakas ay may plumang kakampi ng diwa
nasa paglaban ang esensya ng buhay sa akin
nasa pagkilos upang bayan ito'y palayain
mula sa kuko ng mapang-api't mapang-alipin
di mananahimik sa tabi't hayaan lang natin
wala sa pananahimik ang esensya ng buhay
para sa akin ay nasa pakikibakang tunay
kumakayod upang kumain? aking naninilay
mabuhay nang kumain o kakain nang mabuhay?
sa akin, esensya ng buhay ay ang paglilingkod
at pag-oorganisa sa masa't dukhang hilahod
na panlipunang hustisya ang itinataguyod
at ang bulok na sistema'y papalitang malugod
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento