Miyerkules, Mayo 28, 2025

Katáw

KATÁW

sa mga kwento'y mayroong katáw
na baka di natin matatanaw
na kahulugan pala'y sirena
subalit di wangwang sa kalsada

babae ang bahaging itaas
na marahil kayganda't kaylakas
bahaging ibaba nama'y buntot
ng isda na animo'y kaylambot

katáw na isang bagong salitâ
sa akin, magagamit sa tulâ,
pabulâ, sanaysay, mga kwento
na nais kong simulang totoo

mula wikang Sebwano't Aklanon
na kaygandang isabuhay ngayon
salamat sa Salit-Salitaan
sa bigay na dagdag-kaalaman

- gregoriovbituinjr.
05.28.2025

* larawan mula sa kwfdiksiyonaryo.ph ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento