FASTEN YOUR SETBELT SA TRICYCLE
may istiker sa loob ng traysikel na sinakyan
ang nakasulat: "Fasten Your Seatbelt", talaga naman
tila nasa eroplano o race car nakalulan
gayong wala namang seatbelt nang ito'y aking tingnan
natawa na lang ako o marahil ay natuwa
nang magka-istiker ay dinikit lang doong bigla
kaskasero ba't pinaalalahanan ang madla?
buti nang nag-iingat, wala namang mawawala
dagdag na istiker na lang ang "Bawal Manigarilyo"
pati himpilam ng mga awit na "Love Radio"
karaniwang panawagan, di lang sa dyip at kanto
may "Fun-alo sa saya" pa sakaling laruin mo
buti't nakarating sa patutunguhan ng ligtas
bagamat walang seatbelt ay walang disgrasya't gasgas
di pala kaskasero, maingat lang at parehas
sa aking kalooban ay may sayang mababakas
- gregoriovbituinjr.
06.10.2023
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento