Martes, Nobyembre 15, 2022

Balintataw

BALINTATAW

kaygandang diwata ang nasa balintataw
nakangiting kaytamis, iyon pala'y ikaw
habang papasikat pa lang si Haring Araw
habang nakatalungko akong namamanglaw

kaylamig ng simoy ng hangin sa silangan
alalaong baga'y nariyan ang amihan
tutuloy kaya ang unos mula kanluran
nang maihanda naman ang pagkakanlungan

naalala kita, maalindog na mutya
ikaw na inspirasyon sa bawat pagkatha
habang kasama ko ang manggagawa't dukha
sa pag-aalay ng buhay para sa madla

kahulugan ng mga salita ba'y ano
kailangan pa ba natin ng diksyunaryo
kung sa puso'y nagkakaunawaan tayo
na tanging pag-ibig ang nagpapatotoo

ikaw ang itinutula niring panitik
na tila ba ang itula ka'y pananabik
ah, yaring aking pluma'y di natatahimik
pag may mga aping patuloy sa paghibik

- gregoriovbituinjr.
11.15.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento