Miyerkules, Oktubre 5, 2022

Lumiit na ang magasing LIWAYWAY

LUMIIT NA ANG MAGASING LIWAYWAY
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ngayong 2022 ang sentenaryo o ikasandaang anibersaryo ng magasing Liwayway. May kasabihan nga ang ilang manunulat na naringgan ko, "Pag hindi ka pa nalathala sa Liwayway, hindi ka pa magaling na manunulat." May nagsabi sa aking nabasa raw nila ako sa Liwayway ngunit hindi ko iyon alam, dahil minsan lang o mga tatlong beses lang ako nagpasa, at kung nalathala man ay hindi ko nakita.

Bata pa ako'y kilala ko na ang Liwayway. Dahil laging bumibili niyon ang aking ama. Nakahiligan ko rin magbasa ng komiks na inaarkila sa kanto. Nang magbinata na ako'y ako na ang bumibili ng Liwayway. Nakadaupang palad kong minsan ang editor nitong si Reynaldo Duque, bandang 2001, nang magkaroon ng aktibidad pampanitikan ang LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) sa German Library sa Aurora Blvd.

Nang magka-pandemya, halos hindi na ako nakabili ng Liwayway. Hindi na rin kasi nakakalabas ng bahay. At nalaman ko na lang na nawala na ito sa pamilihan, tulad ng news stand na binibilhan ko sa tapat ng simbahan ng Quiapo, at sa National Book Store.

Kahapon, Oktubre 4, bumili muna ako ng gamot at magasing Enrich sa Mercury Drug. Matapos iyon ay nagtungo na ako sa National Book Store sa Ali Mall. Nakita ko ang dati kong kaklase sa paralegal na nagtatrabaho roon. Tinanong ko kung may Liwayway na. Wala raw dumating sa kanila, kaya pinapunta niya ako sa National Book Store sa tapat ng Gateway na may ilang palapag ang taas. Noon ay nakakaabot pa ako ng ikaapat na palapag niyon, ngunit ngayon ay hanggang ikalawang palapag na lang.

Buti at natsambahan ko ang Liwayway magasin doon, na natatakpan ng ibang magasin. Dalawang isyu ang aking nabili. Ang isa'y isyu ng Marso 16-31, 2020, dalawa't kalahating taon na ang nakararaan. Habang ang isa'y ang sariwang isyu ng Setyembre 2022, na kung hindi ka maghahalungkat ay hindi mo makikita. 

Nang makita ko ang bagong Liwayway ay lumiit na ang sukat nito. Wala akong ruler upang makita ang eksaktong sukat, kundi nilitratuhan ko na lang upang inyong makita. Ang sukat ng Liwayway ngayon ay halos malaki lang ng kaunti sa pinagsusulatan kong Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). May sukat ang Taliba na kalahating short bond paper o 5.5 x 8.5 inches.

Lumiit ang sukat subalit maraming laman pa rin. Kaysarap muling magbasa ng Liwayway. Subalit kung dati ay P40 lang ang malaking Liwayway, ngayong lumiit na ito'y mabibili na sa halagang isandaang piso (P100).

Lumiit man ang Liwayway ay nakakatuwang ito'y nagpapatuloy. Lalo na ngayong taon na sentenaryo nito. Pagpupugay sa lahat ng bumubuo ng Liwayway, pati na ang lahat ng mga naging manunulat, makata, at nobelistang nalathala rito. Pagpupugay rin sa aking mga kaibigan at kakilalang nalathala sa magasing Liwayway! Mabuhay kayo, mga kapatid sa panulat!

Pagpupugay sa ikasandaang taon ng magasing Liwayway!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento