di ako nananahimik kahit mukhang tahimik
dahil ramdam ng puso't diwa ko ang mga hibik
ng mga pinagsamantalahan at pinipitik,
ng mga tinotokhang, ng binabaon sa putik,
pati nalulunod sa laot ng upos at plastik
malapit na ang Dakilang Araw ni Bonifacio
at Daigdigang Araw ng Karapatang Pantao
tahimik man ay di natatahimik ang pluma ko
buong puso't kaluluwa'y titindig pa rin ako
upang magpahayag at tumula sa entablado
para sa kalikasan at hustisyang panlipunan
nais kong maglakad muli sa landas na putikan
di ako matatahimik pag ako'y wala riyan
pakiramdam ko'y sinikil ang aking karapatan
na para bang nakamtan ko na'y luksang kamatayan
tahimik lang ako, subalit di nananahimik
tahimik man ako ngunit ayokong manahimik
sige, subukan lang nilang ako'y mapatahimik
subalit aking pluma'y tiyak na di tatahimik
tanging sa kamatayan lang ako mananahimik
- gregoriovbituinjr.
11.13.2021
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento