ANG SABI NG PAHAM
Ika ng isang paham, tayo'y dapat makialam
sa mga isyung panlipunan, tayo'y makiramdam
walang sinumang nabubuhay sa sarili lamang
kundi magtulungan tayong may samutsaring agam
hindi umiinom ng sariling tubig ang sapa
hindi kumakain ang puno ng sariling bunga
hindi aarawan ng araw ang sarili niya
hindi susuntukin ng tao ang sariling panga
mga sinabi ng paham ay ating unawain
maging masaya't ang sarili'y huwag mong dayain
isang lipunang makatao’y ating pangarapin
ang lipunan, bayan, masa, kapwa'y organisahin
ipagtanggol ang masa laban sa kapitalismo,
laban sa mapang-api, mapagsamantala’t tuso
ang binilin ng paham ay tunay na prinsipyado
kaya mabuhay tayong nakikipagkapwatao
- gregoriovbituinjr.
* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, pahina 20.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento