umuulan-ulan, umaambon-ambon kahapon
subalit kayganda ng pagsikat ng araw ngayon
at nawa'y ulanin ang maalinsangang maghapon
nang madiligan din ang mga tinanim na iyon
kaysarap ulamin ng pinatubong alugbati
laga man o ginisa'y makadarama ng ngiti
upang mukhang marami, sanga'y pinaghati-hati
ngunit paumanhin kung sa lasa'y napapangiwi
patuloy pa rin ako sa paggawa ng ekobrik
sapagkat nakapagtipon ng isang linggong plastik
paggugupit-gupiting maliit at isisiksik
sa di pa sintigas ng batong boteng inekobrik
habang may coronavirus pa sa sandaigdigan
at mga tao'y nasa kani-kanilang tahanan
isang tula para sa araw ng kapaligiran
ang kakathain ko, ngayon nga'y pinagninilayan
- gregbituinjr.
06.04.2020
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento