ano na namang iniisip mo, tanong sa akin
ang laman ng isip ko'y kayhilig niyang tanungin
nagagambala tuloy ang pagninilay sa hangin
lumilipad na naman ang isip sa papawirin
ano bang nasa isip ko habang nakatunganga?
kayhirap bang sagutin, o nasa isip ko'y wala?
iniiba ko ang usapan, may panibagong paksa
ano bang lulutuin ko, anong ulam mamaya?
kahit di naman iyon ang talagang nasa isip
baka kakatha o may diwata sa panaginip
baka sa gilid ng balintataw ay may nahagip
baka prinsesa'y nasa panganib, dapat masagip
tanong sa akin, ano na namang iniisip mo?
o bakit sa ganyang klaseng tanong, ako'y kabado?
dapat bang laging may handang sagot na inimbento?
tortyurer ko ba siya nang ako'y nakalaboso?
ano bang lulutuin, anong ating uulamin?
handang tugon, eh, paano kung tapos nang kumain?
at pipikit na, ewan ko, paano sasagutin
pagkat di ko alam anong bigla kong sasabihin
marahil, nasa isip ko'y mababasa sa akda
biyograpiya raw ng makata'y nasa kinatha
ngunit may nasa isip na di dapat tinutula
anong nasa isip ko, tula, tulala, o wala?
- gregbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento