Huwebes, Disyembre 12, 2019

Ang tula ni Procopio Bonifacio

ANG TULA NI PROCOPIO BONIFACIO
Sinaliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makata rin pala ang ikatlong nakababatang kapatid ni Gat Andres Bonifacio na si Procopio, na kasama niyang napaslang sa Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite. Kapwa makata pala ang magkapatid na Bonifacio. Ayon sa pananaliksik, sampung taon ang tanda ni Andres kay Procopio, dahil 1873 ito ipinanganak, at kapwa sila namatay dahil sa pagpaslang sa kanila ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897.

May nalathalang mga sanaysay at tula si Gat Andres Bonifacio na naging pamana niya sa sambayanan. Nariyan ang mga tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan", salin ng tulang "Huling Paalam" ni Dr. Jose Rizal, "Ang mga Kasadores", "Katapusang Hibik ng Pilipinas", at "Tapunan ng Lingap", at ang tula niya sa Kastilang "Mi Abanico". Nariyan din ang sanaysay niyang "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" at "Katipunang Mararahas ng mga Anak ng Bayan."

Subalit may tula rin palang naiwan si Procopio na tungkol din sa pagmamahal sa bayan. Isa lamang ang tulang iyon na nasaliksik, at marahil ay may iba pa subalit di pa natatagpuan. Nito lamang Disyembre 9, 2019, nang mabili ko ang aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos, sa Popular Bookstore sa Timog Avenue sa Lungsod Quezon. At sa pagbabasa niyon sa bahay ay nakita ko ang pagbanggit ni Santos sa tula ni Procopio. Sa pahina 18 ng nasabing aklat ay ganito ang nakasulat:

"Isang tula ni Procopio, kapatid ng Supremo, ang iniwan ni Andres Bonifacio kay Ginang Espiridiona, kapatid na babae ng Supremo, bago siya lumabas sa gubat, at ngayo'y sisipiin ko ng walang labis at walang kulang:"

   "Oh Inang Espanya, humihinging tawad
kaming Pilipino na iyong inanak,
panahon ay dumating na magkatiwatiwalag
sa di mo pagtupad, masamang paglingap.

   Paalam na akong Espanyang pinopoon,
kaming Pilipino humihiwalay na ngayon
ang bandera namin dulo ng talibong
ipakikilala sa lahat ng nasyon.

   Lakad, aba tayo, titigisa ang hirap
tunguhin ang bundok, kaluwangan ng gubat
gamitin ang gulok at sampu ng sibat
ipagtanggol ngayon Inang Pilipinas.

   Paalam na ako, bayang tinubuan
bayang masagana sa init ng araw
oh maligayang araw na nakasisilaw
kaloob ng Diyos at Poong Maykapal."

"Ang mga huling talata ng tulang ito na ngayon lamang mahahayag ay nahahawig sa mga huling talata ng huling paalam ni Dr. Jose Rizal. Ang tulang ito ay buong-buong nasasaulo ni Ginang Espiridiona na siyang nagkaloob sa akin ng salin. Itinutugma nila ito sa isang namomodang tugtugin nang panahong iyon, kaya't ang pagkakatula'y hindi husto ang mga pantig o silaba."

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento