Lunes, Setyembre 2, 2019

Kwentong fried chicken

Kagabi, kumain ako ng fried chicken (parang Andok's) na handog ng tinuluyan namin ni misis na mga kasama niya sa kanyang advocacy. Nag-videoke sila. Ako naman, nakaramdam ako ng pananakit ng dibdib. Parang may nakadagan na kung ano. Medyo mainit. Palagay ko, na-high blood ako sa manok. Matagal ko kasing iniwasan ang pagkain ng fried chicken dahil ayaw nang tanggapin ng sikmura ko. Pero kagabi, iyon lang ang ipinaulam sa amin sa pinuntahan namin ni misis sa Pandi, Bulacan, sa kanyang mga nakasama sa environmental advocacy.

Hindi ko sinabi sa kanya ang naramdaman ko. Dahil tiyak, baka dalhin ako sa ospital. May bayad ang ospital, wala kaming pambayad sa ospital. Kaya hindi ko sinabi sa kanya. Tiniis ko na lang.

Nuong nakaraang linggo, sa aktibidad nina misis sa Palawan, sinabi niyang dalhin ko siya sa ospital matapos kumain ng seafoods sa isang restaurant kasama ang kanyang mga kapwa environment advocates. Lumaki ang talukap ng kanyang kanang mata, at sa labi. Sinabi niya sa kanyang mga kasama na pahiram muna ng pera dahil wala kaming pera. Isa't kalahating oras lang sa ospital, tinurukan siya ng gamot, P2,400 ang binayaran sa ospital. Umutang muna ng pambayad si misis sa kanyang mga kasama.

Pultaym tibak pa rin ako na walang alawans. Nag-apply ako sa ilang NGO, bakasakali. Subalit dahil sa background ko as pultaym tibak, kaya marahil di ako matanggap sa kabila ng aking kakayahan. At sinabi ko sa ilang kasama na sana matanggap ako sa mga inaplayan ko para kahit papaano ay may pambayad sa mga gastusin, tulad ng kung kailangan pag may emergency. Walang magandang usapan. Pultaym tibak pa rin na walang alawans. Ayoko namang mangutang dahil alam kong hindi ako makakabayad dahil walang ipambabayad.

Dagdag pa ang sakit ni misis na gallbladder, na baka anytime ay maoperahan. Saan kami kukuha ng pera? Di naman sapat ang kanyang kinikita. Dagdag pasanin pa ako na walang kinikita.

Hanggang ngayon, ramdam ko ang nangyari kagabi, medyo humupa na nga lang. Marahil, ang tulad kong makata ay matutulad na lang sa idolo kong manunulat at makatang si Edgar Allan Poe, na namatay nang biglaan sa isang riles ng tren sa Baltimore. Tulad ko, wala rin siyang pera.

Minsan, dinadaan ko na lang sa tula. Patuloy pa ring ang gawaing propaganda para sa niyakap na ideyolohiya. Patuloy ang paggawa ng polyeto, at ang pagsusulat sa mga blog, ng mga sanaysay, mga tula, mga maikling kwento. Ika nga nila, nag-iiwan na ako ng ipamamana sa mga susunod na henerasyon. 

Magandang gabi pa rin sa kabila ng lahat. Matatag pa rin ako bilang mandirigmang Spartan at pultaym na tibak. Hindi marunong sumuko, kahit mamamatay na sa laban!

Hindi na muna ako muling kakain ng fried chicken.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento