Sabado, Nobyembre 1, 2025

Unang araw ng Nobyembre, 2025

UNANG ARAW NG NOBYEMBRE, 2025

ngayon ang Unang Araw ng Nobyembre
inyo bang ramdam kung may nangyayari?
wala pang nakukulong na salbahe
kurap at tusong pulitiko, GRABE!

'ghost' flood control project ng mga imbi
magmumulto pa ba hanggang Disyembre?
nagtatakipan ba ang mga guilty?
sa ganyan, anong iyong masasabi?

para sa akin, ikulong na iyang
mga kurakot sa pondo ng bayan
baka bumaha muli sa lansangan
ang galit na galit na sambayanan

buti may due process ang mga kupal
pag dukha, kulong agad, di matagal
kung mangyari ang Indonesia't Nepal
dahil iyan sa hustisyang kaybagal

- gregoriovbituinjr.
11.01.2025

Ang emoji, nagsasaya o nagtatawa?

ANG EMOJI, MASAYA O NAGTATAWA?

maselan ang isyu subalit tingnan ang emoji
parang pinagtatawanan ang mga namatayan 
na pamilyang tinokhang, nakatawa ang emoji
"buti nga sa kanila", tila pinagsisigawan

ganyan nilang estilo'y sadyang nakababahalà
nagsasaya nga ba sila o sila'y nagtatawa?
buti pa ang hinlalaki at pusò pagkat tandâ
nito'y batid mo, di tulad ng emoji na HA-HA

maselang isyu, emoji mo'y HA-HA, ano iyan?
parang gustong-gusto nilang pinapaslang ang tao
para bang uhaw sa dugô, wala sa katinuan
gayong editoryal ay isang mahalagang isyu

walang due process, tao'y pinaslang na tila baboy
ang nag-atas ng pagpaslang ngayon na'y nakapiit
habang mga kaanak ngayong Undas nananaghoy
na sana asam na hustisya'y kanilang makamit

- gregoriovbituinjr.
11.01.2025

Pagsasalin

PAGSASALIN

noong nakaburol si ama, ako'y nagsasalin
o translasyon mula Ingles hanggang sa wika natin
naospital at namatay si misis, nagsasalin
ngayong Undas, mayroon ding tinatapos na salin

anupa't pagsasalin na'y akibat na trabaho
ng inyong lingkod, bahagi na niring pagkatao
trabahong maselan, konsentrasyon talaga ito
lalo't isinasalin ay libro o dokumento

pagsasalin na'y ginagawang buong katapatan
sa ganyang larangan nakilala ang kakayahan
ekstrang trabaho ng pultaym na tibak na Spartan
bukod pa sa gawaing magsulat sa pahayagan

kung kumita ng konti, upang mabuhay na'y sapat
subalit sa utang ay di magkakasyang pambayad
sa tiwalà, ako'y lubos na nagpapasalamat
kahit Undas, ang matapos ang salin yaring hangad

- gregoriovbituinjr.
11.01.2025

Paggunitâ

PAGGUNITÂ

nasa pangangalagà na ni Bathalà
silang mga mahal nating namayapà
pinapanatag ng gayong paniwalà
yaring pusò sa kanilang pagkawalâ

kaya ngayong Undas ay alalahanin
ang bawat pag-ibig na dinanas natin
mula sa mahal na nawalâ sa piling
mga tinig na ibinulong ng hangin

alaalang nakaimbak sa isipan
habang anghel ay nagsisipag-awitan
tulad ng mga ibon sa kaparangan
tulad din ng pagbigkas sa panulaan

naaalala sa naiwang litrato
na tila buhày pag pakatitigan mo
silang bahagi nitong búhay sa mundo
tuwing Undas ay gunitaing totoo

- gregoriovbituinjr.
11.01.2025

Bakas ng kahapon

BAKAS NG KAHAPON

narito't naiwan pa ang bakas
ng nakaraan, ng nakalipas
tulad ng kaalaman ng pantas
kung ano ang kakaharaping bukas

sa bakas man ay may tubig-bahâ
dahil sa mga tiwaling sadyâ
na mga kurakot na kuhilà
kayâ ang bayan ay lumuluhà

hanggang ngayon aking naninilay
di basta magpatuloy sa buhay
na sarili lang isiping tunay
kumilos pag di na mapalagay

maging bahagi ng kasaysayan
at mag-iwan ng bakas sa daan
na sa buhay na ito ay minsan
para sa hustisya'y nakilaban

- gregoriovbituinjr.
11.01.2025