Biyernes, Hulyo 11, 2025

Fr. Rudy Romano, desaparesido

FR. RUDY ROMANO, DESAPARESIDO

isang pari, desaparesido
pangalan: Fr. Rudy Romano
nawala, apat na dekada na
pagkat dinukot umano siya

nawala nang apatnapung taon
di pa nakikita hanggang ngayon 
hustisya para sa kanya'y hanap
kailan kaya mahahagilap?

paring kaisa ng manggagawa 
nakibaka kasama ng dukha
tinaguyod ang kanyang mithiin
para sa mahirap ang layunin 

para kay Fr. Rudy, hustisya 
sabay nating isigaw, hustisya 

- gregoriovbituinjr.
07.11.2025

* tulang binigkas ng makatang gala sa munting pagkilos sa harap ng CHR

Kung pesbuk man ay talaarawan

KUNG PESBUK MAN AY TALAARAWAN

hingi ko'y paumanhin sa tanan
kung pesbuk man ay talaarawan
ito ang nakita kong paraan
upang ang anumang kaganapan
ay maalala't mababalikan

daan sa pakikipag-ugnayan
sa kamag-anak at kasamahan
sa kakilala at kaibigan
sa kamakata at kababayan
sa mga kasangga't kalaban man

pawang tula yaring kakathain
at ilalathala sa pesbuk din
tula bilang gawang malikhain
pwede rin ninyong balewalain
kung ayaw n'yong tula ko'y basahin

muli, ang hingi ko'y paumanhin
kung mga tula'y bibitin-bitin
sa pesbuk, sa ere't papawirin
pagkat bawat tula'y tulay man din
sa puso't diwa ng madla natin

- gregoriovbituinjr.
07.11.2025

Sa kabila ng lahat

SA KABILA NG LAHAT

sa kabila ng lahat, patuloy pa ring kikilos
upang sa trapo't sistemang bulok makipagtuos

sa kabila ng lahat, patuloy pa ring kakatha
ng mga makabuluhang sanaysay, kwento't tula

sa kabila ng lahat, patuloy ang pag-aaral
di man sa eskwela ay sa pagbabasa ng aklat

sa kabila ng lahat, patuloy din sa paglinang
ng bukirin ng kaalaman sa malayong ilang

sa kabila ng lahat, patuloy ang paglalakad
bakasakaling nakatagong paksa'y magalugad

sa kabila ng lahat, patuloy na magkukwento
upang maisiwalat ang nalilingid sa mundo

sa kabila ng lahat, patuloy akong tatahak
sa mga tiwangwang upang taniman ang pinitak

sa kabila ng lahat, ako'y naririto pa rin
ganap na haharapin anumang alalahanin

- gregoriovbituinjr.
07.11.2025

Sa unang buwansaryo ng pagyao ng sinta

SA UNANG BUWANSARYO NG PAGYAO NG SINTA

nagiba ang lahat ng pangarap
nagiba ang dibdib sa nalasap
nagiba maging ang pangungusap
nawala ang buhay sa sang-iglap

hanggang ngayon, nagdadalamhati
sa ospital ikaw ay nasawi
alaala mo'y di mapapawi
sa puso'y laging mananatili

isang buwan na nang mawala ka
dusa't lumbay aking nadarama
hungkag na yaring buhay ko, sinta
nang sa aking piling mawala ka

katawa'y matatag, di ang dibdib
tuhod pa'y matibay, di ang isip
kinakaya ko lang, di malirip
sa puso'y lagi kang halukipkip

- gregoriovbituinjr.
07.11.2025

* litrato mula sa google

Huwebes, Hulyo 10, 2025

Palasimba raw

PALASIMBA RAW

nangyayari sa totoong buhay
ang sa komiks ay kanyang palagay
palasimba'y palamurang tunay
kaplastikan nga ba yaong taglay?

palasimba'y sumagot, sa halip
na buti'y depensa ang naisip
wala raw dapat basagan ng trip
tanong ko sa kanya pag nahagip:

palasimba, bakit palamura?
ang buhay mo ba'y ganyan talaga?
palamura'y bakit nagsisimba?
upang sala mo'y patawarin na?

minsan komiks ang naglalarawan
ng buhay at ng katotohanan
na di lang pulos katatawanan
kundi pag-isipin ka rin naman

- gregoriovbituinjr.
07.10.2025

* mula sa pahayagang Bulgar, Hulyo 9, 2025, p.5

Walang kapararakang lakad

WALANG KAPARARAKANG LAKAD

walang kapararakang lakad
animo'y may ginagalugad
nagsisikap naman, di tamad
pagkakayod nga'y sinasagad

kilo-kilometrong lakarin
naninilay ay laksa pa rin
ang inaadhika'y tutupdin
gagawin ang bawat mithiin

ang lakad ba'y saan patungo
di naman nanggaling sa buho
nararamdaman ma'y siphayo
ay mararating din ang pulo

palayo ng palayong hakbang
palayo sa lupang hinirang
patungo sa lupang tiwangwang
na aking nais na malinang

- gregoriovbituinjr.
07.10.2025

P45 budget meal

P45 BUDGET MEAL

halos isang kilometrong layo rin
upang sa budget meal ay makakain
minsan lang naman, pag may lalakarin
subalit sa bahay, pulos gulayin

dapat ding magpalakas ng katawan
kasabay ng paglusog ng isipan
huwag titiisin ang kagutuman
sa tamang oras ay kumain naman

niyakap ang payak na pamumuhay
kapag may panahon ay nagninilay
maaga ring umuuwi ng bahay
nang katawan ay pahingahing tunay

sa budget meal, kwarenta'y singko pesos
na tama lang sa makatang hikahos
bitamina'y tinitiyak ding lubos
upang katawan ay nakararaos

- gregoriovbituinjr.
07.10.2025

Pilipino, Palestino

PILIPINO, PALESTINO

oo, isa akong Pilipino
nakikiisa sa Palestino
na nakikibaka ngang totoo
upang paglaya'y makamtan nito

Pilipino, Palestino, tugma
nais kamtin ang sariling lupa
Palestino, Pilipino, tula
nakikibaka, dugo'y sariwa

sigaw: mula ilog hanggang dagat
Palestno'y lalaya ring lahat
sa paglaban sila na'y namulat
sana kanilang dugo na'y sapat

upang mananakop na'y magapi
upang susunod na salinlahi
ay bagong mamamayan ng lipi
kapayapaan na'y maghahari

- gregoriovbituinjr.
07.10.2025

* litrato mula sa google

Miyerkules, Hulyo 9, 2025

Ano nga ba ang venous thrombosis o blood clot?

ANO NGA BA ANG VENOUS THROMBOSIS O BLOOD CLOT?

Blood clot. Medical na tawag ay venous thrombosis? Ito ang pamumuo ng dugo o pagiging malapot, kaya hindi makadaloy sa ugat.

Ito ang naging sakit ng aking asawang si Liberty, na namayapa na noong Hunyo 11, 2025. Dalawang beses siyang naospital dahil sa blood clot.

Una ay blood clot sa bituka kaya siya naospital ng apatnapu't siyam (49) na araw mula Oktubre 23 hanggang Disyembre 10, 2025.

Ikalawa ay blood clot sa pagitan ng artery at vein sa utak kaya siya naospital ng pitumpung (70) araw mula Abril 3 hanggang nang siya'y malagutan ng hininga sa intensive care unit (ICU) noong Hunyo 11, 2025.

Noong nakaraang taon, dapat ay may apat na testing si misis, at nilaktawan 'yung pangatlo. Kaya una, pangalawa, at pang-apat na testing na ang pinakahuli ay sa bone marrow. Lahat ay negatibo ang resulta. Dahil kung positibo, mababatid na ng mga doktor kung ano ang tamang lunas.

Ang ginawa ay operasyon kung saan nilagyan siya ng blood thinner upang lumabnaw ang kanyang dugo, at nang makadaloy ang dugo. Dahil kung mananatiling di makadaloy ang dugo ay baka mabulok ang bituka, na mas malala pa ang mangyari.

Lumabas si misis noong Disyembre na may maintenance na blood thinner, na imbes iturok sa kanya ay tabletas, ang warfarin.

Bagamat pulos negatibo ang resulta ng tatlong testing, nagsaliksik tayo kung ano ba ang dahilan nito. Sinaliksik ko sa internet, hindi pa sa mga medical books, kung ano nga ba ang venous thrombosis at ano ang pinagmulan at dahilan nito.

Sa AI Overview sa google, kung saan tinipa ko ang "causes of venous thrombosis" ay ito ang lumabas:

Venous thrombosis, including deep vein thrombosis (DVT) and pulmonary embolism (PE), occurs when a blood clot forms in a vein, often in the legs. Several factors can contribute to this, including vein damage, slow blood flow, and increased blood clotting tendency.

Causes of Venous Thrombosis: 

1. Immobility: Prolonged inactivity, like long-distance travel or bed rest, can slow blood flow, increasing the risk of clot formation. 

2. Injury or Surgery: Damage to the vein walls from surgery or injury can trigger clotting. 

3. Inherited Conditions: Genetic factors can predispose individuals to blood clotting disorders. 

4. Medical Conditions: Certain illnesses like cancer, heart disease, and inflammatory bowel disease can increase the risk. 

5. Hormonal Factors: Pregnancy, birth control pills, and hormone replacement therapy can elevate clotting risk. 

6. Obesity: Increased body weight can contribute to slower blood flow and inflammation. 

7. Smoking: Smoking damages blood vessels and increases blood stickiness, promoting clot formation. 

8. Age: The risk of VTE increases with age, particularly over 60. 

9. Other Factors: Long-term catheter use, smoking, and certain medications can also play a role. 

Deep Vein Thrombosis (DVT) and Pulmonary Embolism (PE): 

1. DVT is a blood clot in a deep vein, typically in the legs. 

2, PE occurs when a clot from a DVT travels to the lungs, blocking blood flow. 

3. PE can be life-threatening, while DVT can lead to long-term complications if left untreated. 

Narito naman ang pagkakasalin ng mga nabanggit:

Ang venous thrombosis, kabilang ang deep vein thrombosis (DVT) at pulmonary embolism (PE), ay nangyayari kapag namuo ang dugo sa ugat, kadalasan sa mga binti. Maraming kadahilanan ang maaaring mag-ambag dito, kabilang ang pinsala sa ugat, mabagal na daloy ng dugo, at pagtaas ng tendensya ng pamumuo ng dugo.

Mga sanhi ng Venous Thrombosis:

1. Kawalang-kilos: Ang matagal na kawalan ng aktibidad, tulad ng malayuang paglalakbay o bed rest, ay maaaring makapagpabagal ng daloy ng dugo, na nagpapataas ng panganib ng pamumuo ng dugo.

2. Kapinsalaan o Surgery: Ang pinsala sa mga dingding ng ugat mula sa operasyon o sugat ay maaaring magtulak ng pamumuo ng dugo.

3. Kalagayang Namamana: Ang mga genetikong kadahilanan ay maaaring magdulot sa mga indibidwal sa mga sakit sa pamumuo ng dugo.

4. Medikal na Kondisyon: Maaaring tumaas ang panganib ng ilang partikular na sakit tulad ng cancer, sakit sa puso, at pamamaga ng sakit sa bituka.

5. Hormonal na salik: Ang pagbubuntis, mga birth control pills, at hormone replacement therapy ay maaaring magpapataas ng panganib ng pamumuo ng dugo.

6. Obesidad: Ang pagtaas ng timbang ng katawan ay maaaring mag-ambag sa mas mabagal na daloy ng dugo at pamamaga. (si misis ay nag-92 kilo bago pa siya maospital noong Oktubre 2024, at nang maosital siya nitong Abril 2025 ay bumaba na sa 64 kilo ang kanyang timbang)

7. Paninigarilyo: Ang paninigarilyo ay nakakapinsala sa mga daluyan ng dugo at nagpapataas ng lagkit ng dugo, na nagtataguyod ng pagbuo ng namuong dugo. (Hindi naninigarilyo si misis)

8. Edad: Ang panganib ng VTE ay tumataas sa edad, lalo na sa paglipas ng 60. (Edad 40 nang unang maospital si misis dahil sa venous thrombosis, at edad 41 nang muli siyang maospital)

9. Iba pang mga Salik: Ang pangmatagalang paggamit ng kalilya (catheter o isang nababaluktot na tubo na ipinapasok sa isang makitid na butas sa isang cavity o lukab ng katawan, lalo na ang pantog, para sa pag-alis ng likido), paninigarilyo, at ilang mga gamot ay maaari ding gumanap ng isang papel.

Deep Vein Thrombosis (DVT) at Pulmonary Embolism (PE):

1. Ang DVT ay isang namuong dugo sa malalim na ugat, kadalasan sa mga binti. (Ang kay misis ay sa bituka, kaya sabi ng mga doktor, rare case0

2. Ang PE ay nangyayari kapag ang namuong dugo mula sa  DVT ay naglalakbay patungo sa mga baga, na humaharang sa daloy ng dugo.

3. Ang PE ay maaaring maging banta sa buhay, habang ang DVT ay maaaring humantong sa mga pangmatagalang komplikasyon kung hindi magagamot.

Panimula pa lang ang artikulong ito sa marahil ay mahaba-habang pag-aaral. Mahalaga sa aking maunawaan at mapag-aralan kung ano ba itong sakit na nakadale kay misis. Kahit paano'y nabatid ko upang marahil ay mapanatag ang puso't diwa, at bakasakaling maibahagi din sa iba upang makatulong sa kanila, o sa sinumang matatamaan ng sakit na venous thrombosis. Bagamat aminado akong hindi ako doktor kundi simpleng mamamayan at manunulat.

ANG VENOUS THROMBOSIS

kaytinding sakit ng venous thrombosis
na siyang dumale sa aking misis
blood clot sa bituka'y kanyang tiniis
umabot sa ulo, ito na'y labis

sakit itong dapat maunawaan
at mabatid anong mga dahilan
bakit dugo'y namumuo ba naman
may malaking epekto sa katawan

di makadaloy pag dugo'y malapot
lalo sa bituka, nakakatakot
maski doktor ay di agad masagot
maski nga ako, kayrami nang hugot

aba'y negatibo ang tatlong testing
mabuti't may blood thinner o warfarin
mabuting blood clot ay aralin natin
baka ating kapwa'y matulungan din

Sa ngayon ay iyan muna. May mga artikulo pa't tula itong kasunod.

- gregoriovbituinjr.
07.09.2025

Pagtunganga sa kawalan

PAGTUNGANGA SA KAWALAN

natunganga muli sa kawalan
habang lalagda'y inaabangan
habang promissory note ang tangan
habang luha'y kapara ng ulan

doon sa labas na'y bumabagyo
parang pag-alog niring puso ko
parang lagnat sa pagdedeliryo
parang kandilang naupos dito

ang kalangitan ay nagdidilim
ang alapaap ay nangingitim
damdamin ay puno ng panimdim
kawalang di maarok sa lalim

nalilinis kaya ang polusyon
sa lungsod pag umulan, umambon
lilinisin ba ng luhang iyon
ang pusong sawi't aming kahapon 

- gregoriovbituinjr.
07.09.2025

* kuha sa ika-11 palapag ng gusaling CHBC ng ospital

Tiwakal

TIWAKAL

anang ulat: "Tinakot ng online lending act"
at "Lalaki, napahiya, nagpakamatay"
dahil sa pananakot ay nawalang ganap
ang pinakaiingatang sariling buhay

bakit? may kumpanyang pinakakautangan
lagi siyang ginugulo upang magbayad
pamamahiya sa kanya ang naranasan
ang kumpanyang iyon ay dapat mailantad

kumbaga, natulak siyang buhay ay kitlin
parang pinatay siya ng mga nanakot
hina-harass siya't pinagbabantaan din
pumatay sa kanya'y ang mga nananakot

tiyak magpatiwakal ay di niya gusto
subalit wala na siyang ibang atrasan
sinong dapat tumulong sa ganitong kaso?
hustisya ba'y paano niya makakamtan?

- gregoriovbituinjr.
07.09.2025

* tampok na balita (headline) sa pahayagang Bulgar, Hulyo 8, 2025, ulat sa pahina 2

Martes, Hulyo 8, 2025

Sa muling pagninilay

SA MULING PAGNINILAY

pangit bang tawanan ang kababawan
katulad ng payak naming biruan
ng kapatid, kasama, kaibigan

anong kahulugan ng kalaliman
na kapara'y laot ng karagatan
o ng di maarok na kalangitan

nginingitian ko anumang bagay
di sa lalim o kababawang taglay
kundi dahil napukaw akong tunay

lalo na't isa lang abang makatâ
na kahit paano'y handa sa sigwâ
bata pa ako'y sanay na sa baha

sana'y maarok gaano kalalim
ang karagatan, pati suliranin
ng maralitang di naman alipin

upang mas tumibay pa ang prinsipyo
karapatang pantao'y irespeto
at matayo'y lipunang makatao

- gregoriovbituinjr.
07.08.2025

Kulay madilim ang mariposa

KULAY MADILIM ANG MARIPOSA

nabidyuhan ko ang paruparo
kulay madilim na mariposa
tila di na makalipad ito
buting siya'y magpahinga muna

di makalipad, baka napagod
wala na bang nektar ang bulaklak?
lalo't kapaligiran ay lungsod
sa polusyon ba ay napahamak?

patuloy ako sa paglalakad
malayu-layo ring hahakbangin
mariposa sana'y makalipad
nalilirip ko sana nga'y dinggin

nagdidilim din ang alapaap
ulang malakas ay nagbabadya
kung nagdidilim man ang pangarap
aaraw din paglipas ng sigwa

- gregoriovbituinjr.
07.08.2025

* mapapanood ang bisyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/19Y6CgA51X/ 

Lunes, Hulyo 7, 2025

Sa ika-7 taon ng church wedding

SA IKA-7 TAON NG CHURCH WEDDING

naaalala kita sa anibersaryo
ng Katipunan at ng tayo'y ikinasal
sa simbahan, ngayong ikapito ng Hulyo
ikapitong anibersaryo natin, mahal

ginunita ko rin kahapon ang Akamid
na sa tribu'y siyang seremonyas ng kasal
salamat sa pagsinta't paglingap mong hatid
at sa pitong taon natin, gayon katagal

ang kulang pa sana'y ang kasal sa Kartilya
ng Katipunan na binalak natin noon
ngunit di natupad, pagkat laging abala
sa trabaho't ibang aktibidad at layon

naaalala ka pagkat tayo'y iisa
habang kumakatha ng anuman sa cellphone
naaalala ka pagkat tangi kang sinta
lalo't anibersaryo ng church wedding ngayon

mababaw o malalim man ang metapora
bawat talinghaga sa diwa't puso'y baon
hinaharap ang bukas ng buong pag-asa
habang nagugunita ang ating kahapon

- gregoriovbituinjr.
07.07.2025

* litrato mula sa google, ctto

Linggo, Hulyo 6, 2025

Sa ikapitong anibersaryo ng Akamid

SA IKAPITONG ANIBERSARYO NG AKAMID

Akamid - ikalawang kasal natin, mahal
na seremonyas ng katutubong I-Lias
una'y civil wedding natin noon sa Tanay
ang ikatlo'y sa simbahan kinabukasan

nagkatay ng manok at umusal ng dasal
pagsasama'y binasbasan ng matatanda
habang inihandog ko naman sa kanila'y
isang kaldero, isang kumot, isang itak

ikapitong anibersaryo ng Akamid
ngayong araw, sa akin ay di nalilingid
subalit luha ko sa pisngi'y nangingilid
tila ba bawat hakbang ko'y sala-salabid

maraming salamat sa lahat-lahat, sinta
kita'y nagmahalan, nangarap at umasa
na sa magandang bukas ay magsama-sama
subalit isa na lamang iyong alaala

- gregoriovbituinjr.
07.06.2025 

Sabado, Hulyo 5, 2025

Si alaga

SI ALAGA

sa bahay ay kauuwi lang sadya
pawisan mula lakarang kayhaba
at agad kong natanaw si alaga
na sa kanyang kama ay nakahiga

si misis ang bumili ng higaan
ng pusang aming inaalagaan
tila pagod ko'y agad napalitan
ng ginhawa nang pusa'y masilayan

hinayaan ko siyang magpahinga
at ako'y nagpahinga na rin muna
sumagi sa isip ang kalabasa
at galunggong na inulam kanina

nasa dila ko pa ang mga iyon
at sa bahay pa lang makakainom
ay, di nakapag-uwi ng galunggong 
na kay alaga sana'y pasalubong

- gregoriovbituinjr.
07.05.2025

Walang pagod sa pagkilos

WALANG PAGOD SA PAGKILOS

walang pagod pa rin sa pagkilos
ang tulad kong makatang hikahos
nakikibaka pa rin ng taos
kikilos kahit walang panggastos

basta lang tula pa rin ng tula
ang prinsipyado't abang makatâ
paksa'y dukha't problema ng bansa
at kasanggang uring manggagawa

tuloy ang pagkilos sa kalsada
patuloy pa ring nakikibaka
asam ay makamtan ang hustisya
para sa obrero't aping masa

puso'y maalab, kapara'y apoy
nadarama ma'y hirap at kapoy
pasan man ay mabigat na kahoy
pagkilos dapat ay tuloy-tuloy 

- gregoriovbituinjr.
07.05.2025

Tiyuhin pa ang nanggahasa

TIYUHIN PA ANG NANGGAHASA

di lang libog kundi mental problem?
kaya ni-reyp ang tatlong pamangkin
o marahil nakadroga man din
sa bawal na gamot ba'y alipin?

naibulgar ay kaytinding ulat 
tatlong totoy ang ni-reyp ni uncle
epekto raw ng marihuwana
kaya nagawa iyon ng suspek

pamangkin niya'y tatlong lalaki
ang akala ko'y pawang babae
statutory rape ang kinaso
kaya siya na'y kinalaboso

kahindik-hindik iyang balita
tatlong pamangkin ang ginahasa
sadyang walang budhi ang gumawa
na talaga ngang kahiya-hiya

- gregoriovbituinjr.
07.05.2025

* tampok na balita (headline) sa pahayagang Bulgar, Hulyo 5, 2025, at ulat sa pahina 2

Biyernes, Hulyo 4, 2025

Payo't payong mula CHR

PAYO'T PAYONG MULA CHR

namigay sa mga dumalo
ng payong ang CHR dito
sa ulan, agad nagamit ko
buti na lang at di bumagyo

payong, kapatid, tila sabi 
ng mga katoto't kakampi
sa isyu ng bata, babae
obrero, maralita, IP

salamat sa payo at payong
nang karapatan ay isulong
salamat, binahagi'y dunong
ang problema ma'y patong-patong

may tatak: "Naglilingkod maging
sino ka man", aba'y kaygaling
sana'y tagos sa diwa natin
at puso ang gayong pagtingin

- gregoriovbituinjr.
07.04.2025

Pahinga muna sandali

pahinga muna sandali
bago sa bahay umuwi
ang lumbay ay pinapawi
napapangiti kunwari

- gregoriovbituinjr.
07.04.2025

* nagbidyo-selfie sa malaking pusa sa Fiesta Carnival
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/v/1B4eMzs9bB/ 

Ulat ng grupo hinggil sa torture

CAT - Convention Against Torture
ULAT NG GRUPO HINGGIL SA TORTURE
(binigkas para sa isa sa walong thematic groupings sa workshop sa CHR)

Anti-Torture Act na'y naisabatas
nagdaan na'y labing-anim na taon
nakasuhan ay iisa pa lamang
nag-tortyur kay Jeremy Corre iyon

niratipika ng bansa ang OPCAT
to prevent torture, at may NPM pa
ang National Preventive Mechanism
na CHR daw ay maitalaga

may panukalang batas sa NPM
sa Kongreso't Senado'y naitanim
na dapat maging ganap na batas na
upang kulungan ay nabibisita

upang walang torture na magaganap
at walang nakabilanggong maharap
sa tortyur na talaga ngang pahirap
sana nga ang bayan ito'y magagap

jail decongestion ay dapat i-address 
anti-terror act ay dapat maalis
bilanggo'y huwag ituring na ipis
sila'y tao ring di dapat matiris

- gregoriovbituinjr.
07.04.2025

Huwebes, Hulyo 3, 2025

Pahimakas kay kasamang Rod

PAHIMAKAS KAY KASAMANG ROD
(binigkas ng makatang gala sa pugay-parangal)

sa iyo, kasama, pagpupugay
sa pagpapatibay mo ng hanay
sa adhikaing lipunang pantay
para sa masa, misyon mo'y lantay

ating kasamang Rod Guarino
mahusay makitungo sa tao
kasama ng guro, prinsipyado
organisador siyang totoo

naging secgen namin sa BMP
naging pangulo namin sa XD
organisador pa ng TDC
at sa Ating Guro pa'y nagsilbi

salamat sa lahat ng nagawa
pinaglaban ang isyu ng madla
kasangga ng uring manggagawa
kaisa ng guro't maralita 

pakikibaka ang ibinunsod
ng pagkilos mo at paglilingkod
ginhawa ng masa'y tinaguyod
taasnoong pagpupugay, Ka Rod

- gregoriovbituinjr.
07.03.2025

* BMP - Bukluran ng Manggagawang Pilipino
* XDI - Ex-Political Detainees Initiative
* TDC - Teachers Dignity Coalition 
* Ating Guro party list

Dalawang pinggan

DALAWANG PINGGAN

naglatag ako ng dalawang pinggan sa lamesa
akala ko, sabay tayong kakain, di na pala
nakasanayan kasing kakain tayong dalawa
ngunit di ko na tinanggal ang isang pinggan, sinta

marahil, matagal pa bago ko paniwalaan
na talagang wala na tayong pinagsasaluhan
pag naulit, ilatag ko muli'y dalawang pinggan
paumanhin, mahal, kung naalala ka na naman

minsan nga, paborito mo ang aking nabibili
na madalas mong papakin, tayo nga'y nawiwili
mga kwento mo'y diringgin ko habang magkatabi
pagkaing di mo naubos, uubusin ko rini

magsasalo pa rin tayo, sa pagdating ng araw
at sabay tayong hihigop ng mainit na sabaw
habang mga diwata'y umaawit, sumasayaw
sa alapaap at sa iyo'y muling manliligaw

- gregoriovbituinjr.
07.03.2025

Miyerkules, Hulyo 2, 2025

Listo pa ba?

LISTO PA BA?

buti't di natatabig ng sasakyan
habang tulala pa ring naglalakad
muntik-muntikan nang masagasaan
buti't mabilis pa ring nakaigtad

di ko pa rin batid ang kasagutan
kung bakit ganito ang naging palad
naming mag-asawang nag-iibigan
ang bulaklak ay di na bubukadkad

kami'y madalas magkatalamitam
kinabukasan ang isinasaad
ngunit ang kahapon ang nananamnam
kong ang buhay ay sadya nang sumadsad

hirap tanggaping nawalang tuluyan
ang sintang tanging pag-ibig ang hangad
ako'y tulala pa rin sa lansangan 
habang narito akong naglalakad

- gregoriovbituinjr.
07.02.2025

* mapapanood ang bisyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/14ENVufMZY1/

Martes, Hulyo 1, 2025

Nilay sa Fiesta Carnival

NILAY SA FIESTA CARNIVAL

kinakaya ko ang lahat
ang totoo'y di pa kaya
kunwari, kaya ko lahat
bagamat naluluha pa

kaya sa tambayan namin
ni misis ng isang beses
ay doon nagmuni-muni
ng salu-salong kaytamis

kanina, mga papeles
ay di ko maunawaan
bagamat naintindihan
ang sinabi ng kausap

di madali ang ganito
kunwari'y kinakaya ko
sa nakasamang totoo
pagpasensyahan po ako

di ko pa kaya? kaya pa?
kakayanin ko talaga
kahit na wala na siya
sana nga'y kayanin ko pa

- gregoriovbituinjr.
07.01.2025

P50 dagdag sahod sa Hulyo 18

P50 DAGDAG SAHOD SA HULYO 18

imbes na dalawang daang piso
dagdag sahod ay limampung piso
pabor ba ito sa mga grupo
ng manggagawa o ng obrero

mabuti nang may dagdag, sabi nga
ng kapitalista, kaysa wala
pabor ba ang uring manggagawa
na limos lang ang bigay na sadya

aba, ito'y sa NCR pa lang
paano ang nasa lalawigan
kaawa-awa ang kalagayan
ng mga lumikha ng lipunan

anong liit ng kanilang sahod
sa ekonomya, sila'y gulugod
likha ng likha, kayod ng kayod
kaysisipag sapatos ma'y pudpod

- gregoriovbituinjr.
07.01.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Hulyo 1, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2