Linggo, Pebrero 23, 2025

Naibalik ang nawawala

NAIBALIK ANG NAWAWALA

sa nagpi-print, taospusong pasasalamat
naiwang USB ay nabalik ngang sukat
akala ko'y nawaglit na ang mga ulat
akala ko'y nawala na ang mga sulat

nagninilay ako't may bagong sinaliksik
tinunghayan ko ang naroong natititik
na nais kong ma-print agad sa pananabik
mga bagong leksyong sa utak isisiksik

at dinukot ko ang USB sa pitaka
nawawala, di ko na makita, lagot na
mabuti na lamang at aking naalala
baka nasa printing shop, babalikan ko pa

makalilimutin na ang tulad kong gurang
na nasa mahigit limampung taong gulang
sana, USB ay di nawalang tuluyan
nabalikan ko lang iyon kinabukasan

kung nawala, bagong USB ay bibilhin
natutulala ako't dagdag na gastusin
sa printing shop, naibalik iyon sa akin
at ang pasasalamat ko'y tumataginting

- gregoriovbituinjr.
02.23.2025

Pagtula'y pahinga sa laksang suliranin

PAGTULA'Y PAHINGA SA LAKSANG SULIRANIN

pagtula'y pahinga sa laksang suliranin
nire-relaks ang utak ang tanang layunin
tutula muna sa dami ng lulutasin
yaong iba naman, yosi na'y hihithitin

bago matulog o paggising, nagninilay
problemang sala-salabid ang nakahanay
mga nalilirip animo'y naghihintay
mapapatula nang loob ay mapalagay

naglalaba man o nagluluto, may tula
nasa tahanan man, sa lansangan o baha
nakangiti sa labas, sa loob ay luha
maaliwalas ang mukha ngunit balisa

nasa lungsod man, tila ako'y nasa liblib
kayrami mang ahas na sadyang mapanganib
tanging nagagawa'y ang tibayan ang dibdib
sa kaharap mang trapo't halimaw ay tigib

- gregoriovbituinjr.
02.23.2025

Ikatlong kampyonato, nakuha ni Django

IKATLONG KAMPYONATO, NAKUHA NI DJANGO

ngayong taon nga'y tatlong beses nang nagkampyon
sa larong bilyar si Francisco Bustamante
mabuhay ka, Django, sa nakamit mong iyon
mahigit sandaang katunggali'y nadale

unang panalo'y Bayou State Classic One-Ball 
One Pocket sa Louisiana, ang sunod ay
sa Las Vegas, sa Jay Swanson Memorial Nine-ball
ikatlo'y sa One Pocket Face-Off nagtagumpay

Congrats, Django, sa binigay mong karangalan
sa bansa, tulad ng kumpare mong si Efren
"Bata" Reyes, na ang taguri'y "The Magician"
kahusayan ninyo'y dapat naming tanghalin

taasnoong pagpupugay sa iyo, Django
hari ka ng bilyar at tunay na idolo

- gregoriovbituinjr.
02.23.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 23, 2025, p.12

Tatawirin ko kahit pitong bundok

TATAWIRIN KO KAHIT PITONG BUNDOK

tatawirin ko kahit pitong bundok
upang sa sinta'y mapatunayan ko
na siya ang sa puso'y tinitibok
nang tamaan ng pana ni Kupido

tatawirin ko kahit pitong bundok
upang patunayan lamang sa masa
na nagsisikap abutin ang tuktok
na kakamtin din nila ang hustisya

tatawirin ko kahit pitong bundok
bilang patunay sa obrero't dukha
na sila'y totoong lider na subok
na magbabago sa takbo ng bansa

tatawirin ko kahit pitong bundok
upang sa kababaihan patunay
na aking madalas na naaarok
sila'y pawang lider na mahuhusay

tatawirin ko kahit pitong bundok
upang patunayan sa mga api
na sila'y di lagi na lang yukayok
kundi giginhawa rin at bubuti

tatawirin ko kahit pitong bundok
na sistemang bulok pala'y titirik
kung sama-sama nating matatarok
na kailangan palang maghimagsik

- gregoriovbituinjr.
02.23.2025

Sabado, Pebrero 22, 2025

Look Forward tayo kay Attorney Luke

Look Forward tayo kay Attorney Luke
Lider-manggagawa siyang subok
Sa Senado ay ating iluklok
Lalo 't sistema'y di na malunok

Iboto natin, Luke Espiritu
Na dapat maupo sa Senado
Siya ang kailangan, Bayan ko
Tungo sa tunay na pagbabago!

- gregoriovbituinjr.
02.22.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/xVuJe1tdSQ/

Dahil sa political dynasty

Dahil sa political dynasty 
Trapo sa masa'y di nagsisilbi
Pulos ayuda lang sa kakampi
Upang mabago ang nangyayari
Iboto natin si Ka Leody

Para Senador ng ating bansa 
Tiyak na siya'y may magagawa 
Sa isyu ng manggagawa 't dukha
Iboto ang Senador ng madla
Si Ka Leody de Guzman na nga!

- gregoriovbituinjr.
02.22.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/xVoYOxfcWS/ 

Biyernes, Pebrero 21, 2025

Ang mga nalilirip

ANG MGA NALILIRIP

iniisip ko pa ring kumatha
ng nobelang tatatak sa madla
inspirasyon ang danas ng dukha
upang sa hirap ay makalaya

nagsasalimbayan ang nalirip
na paksang umaalon sa isip
pati mga isyung halukipkip
upang masa sa dusa'y masagip

bawat pagkatha'y di isusuko
kahit ang nadarama'y siphayo
pinangarap sana'y di gumuho
at ang asam na akda'y mabuo

nawa'y masimulan at matapos
ang nobela hinggil sa hikahos
wakasan na ang pambubusabos
ng sistemang sa dibdib umulos

- gregoriovbituinjr.
02.21.2025

Huwebes, Pebrero 20, 2025

Nang-hostage dahil di ibinigay ang sahod

NANG-HOSTAGE DAHIL DI IBINIGAY ANG SAHOD

grabeng isyu itong dapat mabigyang pansin
hinggil sa isang obrerong kayod ng kayod
binalewala siya ng amo pa man din
kaya nang-hostage nang di binigay ang sahod

bakit ba isyu'y pinaabot pa sa ganyan
kaytindi ngang ulat kung iyong mababasa
ang kanyang lakas-paggawa'y ayaw bayaran
ng employer niyang tila ganid talaga

hinabol pa siya ng kapwa empleyado
upang pagtulungan, upang siya'y itaboy
doon humingi ng tulong ang kanyang amo
di malaman ang gagawin, nang-hostage tuloy

hanggang mga pulis na ang nakipag-usap
na nag-ambagan nang sahod niya'y mabuo
manggagawang di binayaran, di nilingap
ay napiit na't nag-sorry nang buong puso

sahod naman niya ang kinukuhang tiyak
upang kanyang pamilya'y di naman magutom
hinihingi niya'y para sa mga anak
komento ko lang sa isyu'y kamaong kuyom

- gregoriovbituinjr.
02.20.2025

* ulat mula sa pahayagang Tempo, Pebrero 20, 2025, p.5

February 20 - World Day of Social Justice

PEBRERO 20 - WORLD DAY OF SOCIAL JUSTICE

dapat may hustisya para sa lahat
para sa makataong komunidad
at para sa buhay na may dignidad
para ang ating bansa'y may pag-unlad

Pebrero a-Bente, Pandaigdigang
Araw ng Katarungang Panlipunan
isang araw na nararapat lamang
alalalahanin nating mamamayan

tulad nito ang mahalagang isyu
ng Araw ng Karapatang Pantao
hustisya'y dapat makamit ng tao
lalo yaong mga naagrabyado

wakasan na ang pagsasamantala
ng ilan sa nakararaming masa
ipaglaban, panlipunang hustisya
at baguhin ang bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.
02.20.2025

Miyerkules, Pebrero 19, 2025

Ang makatang Percy Bysshe Shelley

ANG MAKATANG PERCY BYSSHE SHELLEY

hanga rin ako sa makatang Percy Bysshe Shelley
pagkat siya'y makatang radikal na masasabi
mithi kong tula niya'y isalin sa ating wika
upang mga katha niya'y mabasa rin ng madla

may nakita akong aklat siya ang tinalakay
di pa mahiram sa opis na pinuntahang tunay
radikal mag-isip lalo't itinaguyod naman
pantay na pamamahagi ng yaman sa lipunan

ang kanyang aktibismo't mga akdang pulitikal
ay mababasa kung gaano siya ka-radikal
napagnilayan din niya noon ang Rebolusyong
Pranses, pati na ang pamumuno ni Napoleon

sumuporta sa himagsik laban sa monarkiya
sa Espanya, pati nang mga Griyego'y mag-alsa
laban sa imperyong Ottoman, makatang idolo
na itinuturing na sosyalista katulad ko 

sana'y mahiram ko't mabasa ang libro sa opis
na sana'y di anayin o kainin lang ng ipis
mahalagang talambuhay niya'y aking manamnam
inspirasyon siya kaya libro'y nais mahiram

- gregoriovbituinjr.
02.19.2025

Martes, Pebrero 18, 2025

Huwag nang iluklok ang walang nagawa

HUWAG NANG ILUKLOK ANG WALANG NAGAWA

wala raw nagawa ang kapitan
ang puna ng isang mamamayan
nais ng anak pumalit dito
pag natapos na raw ang termino

simpleng puna lang ng Mambubulgar
katotohanang nakakaasar
ganito'y hahayaan lang natin?
sila pa ba ang pananalunin?

tila komiks ay nagpapatawa
ngunit hindi, komiks ay konsensya
ng bayan at mga naghihirap
dahil nakaupo'y mapagpanggap

pangako, bayan daw ay uunlad
subalit progreso'y anong kupad
matuto na tayo, O, Bayan ko
huwag nang iluklok iyang trapo

- gregoriovbituinjr.
02.18.2025

* mula sa pahayagang Bulgar, 02.18.2025, p.4

Balaw

BALAW

bagong salita sa akin bagamat luma
na nasa palaisipan: Walo Pababa
tanong: ilaw o sulo para sa taong nasa
madilim na landas, sagot ay BALAW pala

ang "nasa madilim na landas" ba'y karimlan?
kaya balaw yaong gagamiting ilawan
o iyon ay isang talinghagang nawatas
na nangangahulugang "naligaw ng landas"

balaw ba'y isang gabay, patnubay, o payo
upang naligaw ng landas ay mapanuto
paano iyon ginamit sa pangungusap?
"Sindihan ang balaw, karimlan na'y laganap"

dagdag kaalaman sa makatang tulad ko
na adhika'y gamitin sa tula ko't kwento
ang balaw ding ito sa akin ay nagmulat
upang tuntunin ang minulan ng alamat

- gregoriovbituinjr.
02.18.2025

* palaisipan sa pahayagang Bulgar, Pebrero 17, 2025, p.11

Lunes, Pebrero 17, 2025

Ipon sa tibuyô

IPON SA TIBUYÔ

sa bote ng alkohol na ginawa kong tibuyô
pinagtipunan ng baryang sampû at benteng buô
nakatatlong libong piso rin nang aking binuksan
na akin namang inilagak sa bangko ng bayan

mabuti na ring mag-ipon sa tibuyô ng barya
kung kinakailangan, may mabubunot talaga
may pangmatrikula na sakaling ako'y mag-aral
may pambayad din pag nadala ako sa ospital

sadyang kayhirap pag wala kang anumang naipon
kaya pag-iipon ay isa kong malaking layon
lalo't aktibista akong pultaym at walang sahod
pag may kailangan, ayoko namang manikluhod

kaya mag-ipon sa tibuyô hangga't kakayanin
habang malakas pa't obal ay kaya pang takbuhin
ayoko namang pag gurang na'y manghingi ng limos
kaya ngayon pa lang, nag-iipon na akong lubos

- gregoriovbituinjr.
02.17.2025

Nilay

NILAY

kung anu-ano ang nalilirip
o marahil walang nasa isip
mga problemang dapat masagip
o pulitikang dapat mahagip

sa kisame'y muling titingala
baka lang makasagap ng paksa
ano bang pakinabang ng madla
sa tula? wala na nga ba? wala?

pipilitin kong makapagsulat
ng anumang makapagmumulat
paksang magaan man o mabigat
o yaong paksang nakagugulat

bagamat tuliro man sa bahay
tulala ang makata ng lumbay
patuloy lang akong magninilay
upang puso't diwa'y mapalagay

- gregoriovbituinjr.
02.17.2025

Linggo, Pebrero 16, 2025

Paumnahin at di makakadalo

PAUMANHIN AT DI MAKAKADALO

nais ko sanang saksihan ang proclamation rally
ng pambato sa Senado, na sina Ka Leody
de Guzman at Ka Luke Espiritu mamayang gabi
subalit may sakit si misis, di ako puwede

madaling araw nagtungo na sa unang ospital
walang kama, na-dextrose sa upuan, di nagtagal
ay lumipat na kami sa ikalawang ospital
may higaan, habang naka-dextrose ang aking mahal

isusulat ko sana sa pahayagang Taliba
ng Maralita ang proklamasyon ng manggagawa
at ating isigaw: Manggagawa Naman! sa madla
nais ko man ay di ako makasaglit mamaya

ako lang kasama ni misis sa bahay at buhay
inuna ko siya upang loob ko'y mapalagay
gayunman, proklamasyon sana'y maging matagumpay
at sa mga dadalo, mabuhay kayo! mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
02.16.2025

Reseta

RESETA

kaytagal din namin noon sa pribadong ospital
madaling araw nang tiyan ni misis ay sumakit
dinala ko na siya sa pampublikong ospital
buti't mababa ang bill sa ospital na malapit

bago iyon, kagabi ay kumain sa kasalan
ramdam naming kayganda't kaysaya, may kantahan pa
at umuwi kami, natulog sa aming tahanan
nagising na lamang akong siya'y suka ng suka

anong sakit ng tiyan, kami'y nagpaospital na
subalit walang kama, puno sa unang ospital
matapos ma-dextrose ng nakaupo, na-discharge na
nakahiga na siya sa ikalawang ospital

may bagong resetang ibinigay ng manggagamot
upang mawala ang sakit, agad binili ito
sabi sa sarili, kalma lang, di dapat manlambot
di iiwan si misis ang sa kanya'y pangako ko

- gregoriovbituinjr.
02.16.2025

Paksa

PAKSA

kahit natutulala
patuloy ang pagtula
anumang naitala
di binabalewala

makata ng lansangan
ako kung maturingan
hinggil sa sambayanan
ang paksang tangan-tangan

dibdib ay napupunit
ng aleng kumalabit
para sa baryang hirit
buti't di nang-uumit

ang kamao ko'y kuyom
dahil kayraming gutom
bibig ko man ay tikom
pluma ko'y di uurong

titingin sa kisame
sa diwa'y may mensahe
paksang nakabibingi
sa tula sinasabi

- gregoriovbituinjr.
02.16.2025

Sabado, Pebrero 15, 2025

Nadakip si Kupido

NADAKIP SI KUPIDO

sa komiks lang nakita ito
at napasaya akong sadya
nadakip kasi si Kupido
sapagkat may hawak na pana

naka-brief lang, kaya hinuli
baka may pusong mapadugo
baka makapanakit kasi
sa sinumang nasisiphayo

ayon daw sa mitolohiya
layunin niya ang panain
ang dalawang pusong nagkita
upang bawat isa'y ibigin

datapwat sa panahon ngayon
si Kupido'y alamat na lang
patuloy man ang kanyang misyon
sa komiks na'y kinatuwaan

- gregoriovbituinjr.
02.15.2025

* mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 14, 2025, p.7

Tula lang ng tula

TULA LANG NG TULA

madalas mang zero o walang like ang mga tula
di iyon dahilan upang tumigil sa pagkatha
masakit mang walang pumapansin sa nalilikha
ay di pa rin ako titigil sa pagmamakata

sa Noli Me Tangere nga'y may magandang pinayo
kay Crisostomo Ibarra si Pilosopo Tasyo
sa Kabanata Dalawampu't Lima'y nakukuro
di pangkasalukuyan ang mga akdang nahulo

baka sa hinaharap, mga tula ko'y matanggap
ng madla, dahil ito'y talaga kong sinisikap
na kathain mula puso, diwa't pinapangarap
na lipunang makatao, at walang mapagpanggap

habang narito ako't marami pang naninilay
wala mang mag-like ay tutula pagkat tula'y tulay
tungo sa hinaharap na walang hirap at lumbay
tula lang ng tula at sa tula'y magpakahusay

- gregoriovbituinjr.
02.15.2025

Pagtatanggol sa sarili

PAGTATANGGOL SA SARILI

bata pa'y nakilala na si Bruce Lee
mga akda niyang libro'y binili
hinggil sa JiKunDo, pati na sine
niya'y pinanood ko at nawili

sumunod, pelikula ni Jackie Chan
walang aklat niya akong nalaman
pagsusulat ba'y di nakagawian
kundi panoorin lang sa sinehan

nariyan din sina Jet Li, Samo Hung,
at marami pa, kung sila'y magsabong
tila sa kalaban di umuurong
sa sarili ako'y napapatanong

kung fu nila ay nais kong basahin
kanilang akda'y tiyak kong bibilhin
aralin, suriin, sanayin, gawin
nang sarili'y maipagtanggol natin

bata pa'y inaral na ang tae kwon do
may YawYan din ang mga Pilipino
na si Nap Fernandez ang guro nito
kay Bruce Lee, salamat sa iyong libro

- gregoriovbituinjr.
02.15.2025

Biyernes, Pebrero 14, 2025

Anong oras ka uuwi?

ANONG ORAS KA UUWI?

anong oras ka uuwi? tanong ni misis
na sinasagot ko nang may buong pagsuyo
ikapito ng gabi, tugong walang mintis
kaya pagsasama'y nananatiling buo

natural lang o likas ang tanong ng sinta
pag siya'y wala pa, ako'y nagtatanong din
ganyan talaga, lalo't kami'y mag-asawa
na sumumpang bawat isa'y pakamahalin

nag-aalala rin ang pusong di palupig
kung isa sa ami'y wala pa sa tahanan
pag di pa nakita ang sintang iniibig
dapat mabatid kung isa't isa'y nasaan

ganyan ang buhay may-asawa, naghihintay,
nagmamahalan, nagsusuyuan palagi
pag pagsinta'y nawala, iba na ang bahay
wala nang tanong: anong oras ka uuwi?

- gregoriovbituinjr.
02.14. 2025

* litrato mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 13, 2025, p.7

Dalawang sagot sa isang sudoku

DALAWANG SAGOT SA ISANG SUDOKU

ilang beses ko nang nakaenkwentro
dalawang sagot sa isang sudoku
doon nga'y salitan ang dos at otso
parehong tama kapag binuo mo

ganyang sudoku ay bihira naman
pagkat madalas, sagot ay isa lang
kaya natutuwa akong pagmasdan
at pagsusuri'y binalik-balikan

blangko sa litrato'y pagmasdan mo na
nasa pang-apat at panglimang linya
ilagay mo man ang otso sa una
numero dos naman sa pangalawa

subukan mong salitan ang otso't dos
alinman sa dalawa'y di ka kapos
tiyak sudoku'y iyong matatapos
at makikitang tama iyong lubos

- gregoriovbituinjr.
02.14.2025

* sudoku mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 13, 2025, p.7

Pusong gising

PUSONG GISING

anibersaryo ng unang kasal
binasbasan ng meyor ng Tanay
pampitong taon, ganyan katagal
sumpa'y magsasama habambuhay

nananatiling gising ang puso
at patuloy itong sumusuyo
tila puso'y kapara ng ginto
na pag-ibig ay di maglalaho

sa Araw ng mga Puso noon
nang dalawang puso'y sumang-ayon
na bigkisin sa iisang layon
ang pagsasama hanggang maglaon

anumang suliraning dumating
ang iwing puso'y di mahihimbing
araw man o gabi, pusong gising
itong patuloy na maglalambing

- gregoriovbituinjr.
02.14.2025

Pusang antok

PUSANG ANTOK

madaling araw na, iidlip na
aba'y malapit nang mag-umaga
sa kompyuter pa'y tipa ng tipa
ang alaga'y antok ding talaga

nariritong kami'y naghihikab
tandang dapat matulog nang ganap
nang tahiin ang mga pangarap
na sa diwa't puso'y nag-aalab

si alaga'y aking pinagmasdan
na malaking karton ang higaan
ano kaya kung siya'y bidyuhan
artista siyang muli pag ganyan

mamaya, alarm clock na'y tutunog
habang nadarama na ang hamog
buti pa'y pumikit na't matulog
may tula na namang ihahandog

- gregoriovbituinjr.
02.14.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/xK0bhCr-1W/ 

Huwebes, Pebrero 13, 2025

Lasi

LASI

Tatlumpu Pahalang, ang tanong:
Pagtastas ng dahon sa buto
katanungang animo'y bugtong
pababa muna'y sinagot ko

LASI ang sagot na lumabas
sa diksyunaryo ay tiningnan
anong kahulugang nawatas
ano bang nakasaad diyan

uri ng kabibe rin pala
balakubak sa medisina
pagbiyak sa kahoy o tabla
gilagid sa anatomiya

tila malapit ang tanong sa
ikatlong kahulugan niyon:
pagbiyak sa kahoy o tabla
doon sa pagtastas ng dahon

bagamat magkaibang sadya
dagdag kaalaman sa diwa
kaya natanto kong salita
ay gagamitin sa pagkatha

- gregoriovbituinjr.
02.13.2025

* palaisipan mula sa pahayagang Abante, Pebrero 9, 2025, p.7
* sanggunian: UP Diksiyonaryong Filipino, p.681

Pagbabasa sa madaling araw

PAGBABASA SA MADALING ARAW

naalimpungatan akong sadya
nang may kumaluskos sa kusina
tila ba naglalaro ang daga
mula sa labas, nasok ang pusa

at di na rin ako nakatulog
pagkat nawala na rin ang antok
sa pagbabasa na lang uminog
ang mundo kong puno ng pagsubok

hanggang aklat ay aking nagalaw
nagbasa na sa madaling araw
libro na ang aking kaulayaw
dito'y may pag-asang natatanaw

ngunit nais ko pa ring umidlip
upang ituloy ang panaginip
kung saan ako'y may sinasagip
na sa tren ay muntik nang mahagip

- gregoriovbituinjr.
02.13.2025

Miyerkules, Pebrero 12, 2025

Depresyon

DEPRESYON

mula ikatatlumpu't siyam na palapag
nang limampung anyos na babae'y lumundag
marahil sa problema'y di napapanatag
kaya nagawa nga iyon, kahabag-habag

sa kalooban niya'y may problemang bitbit?
agad tinapos ang buhay sa isang saglit
ngunit may Mental Health Act na tayo, subalit
mayroon pa ring nagpapatiwakal, bakit

hanggang narinig na lang ng gwardyang naroon
ang lagabog ng katawan ng babaeng iyon
paano ba mababatid kung may depresyon
ang isang tao upang tayo'y makatugon

sapat ba ang Mental Health Act na ating batas
upang dalahin nila'y magkaroong lunas
upang kanilang suliranin ay malutas
upang ang sarili nila'y di inuutas

- gregoriovbituinjr.
02.12.2025

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 7, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2
* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018

Tula'y tulay

TULA'Y TULAY

tula'y tulay ko sa manggagawa
tulang kinatha ukol sa dukha
tula upang umugnay sa madla
kaya naritong nagmamakata

dito natagpuan ang pag-ibig
taludtod at saknong ang kaniig
kinatha'y nilupak at pinipig
kahit nakatihaya sa banig

tahakin ma'y pitong kabundukan
maging madawag na kagubatan
nasa lansangan man o piitan
kakatha't kakatha pa rin naman

tula'y aking tulay sa daigdig
bibigyang boses ang walang tinig
kuhila't burgesya'y inuusig
na hustisya ang pinandidilig

- gregoriovbituinjr.
02.12.2025

Larga masa

LARGA MASA

dapat matibay ang larga masa
upang mapanatag ang titira
sa tahanang itinayo nila
lumindol man, di madidisgrasya

ayon sa isang diksiyonaryo:
larga masa'y pinaghalong sukat
na dami ng buhangin, semento, 
graba't tubig, nang lalong tumibay

ang gusali't bahay na tinayo
o tulay at lansangang daanan
matibay pala ang larga masa
di lang ito para sa konstruksyon

pag lumarga ang mulat na masa
tutunguhin nila'y rebolusyon
may matibay na pagkakaisa
matatag na prinsipyo't pundasyon

tara, masa, tayo nang lumarga
baguhin ang bulok na sistema
ibagsak ang gahamang burgesya,
oligarkiya at dinastiya!

- gregoriovbituinjr.
02.12.2025

* larga masa - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.680

Karahasan

KARAHASAN

pulos karahasan ang laman ng balita
Grade 8 na nakipag-break, sinaksak ng Grade 10
sinaksak ng ex ni misis ang kanyang mister
isang tatay ang sinuntok ng anak, patay
taas-singil sa kuryente, pahirap sadya

pawang karahasan ang bumungad na ulat
lalong malala ang pananaksak ng kapwa
sariling ama'y di na ginalang ng anak
presyo ng kuryente'y pahirap na sa madla
matitinding karahasan ang nababasa

selos ba't init ng ulo kaya nanaksak
bakit pinili nilang kapwa'y mapahamak
presyo ng kuryente'y karahasang palasak
ramdam ng masa'y pinagagapang sa lusak
upang bayaran ang kuryente'y nasisindak

pawang mental health problem ba ang pandarahas
na ang di kayang emosyon ay nang-uutas
ng kapwa imbes pag-usapan nang parehas
gayong problema nila'y dapat nilulutas
kung ganyan, di sapat ang Mental Health na batas

- gregoriovbituinjr.
02.12.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 12, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2
* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018

Martes, Pebrero 11, 2025

Tama ang ginawa ni Heart

TAMA ANG GINAWA NI HEART

binigyan daw ni Alden ng bulaklak si Heart
nagpapahiwatig ng pag-ibig si Alden?
aba'y bakit gayon? may asawa na si Heart
akala ko ba'y mayroon na siyang Kathryn?

mabuti na lang, maganda ang sagot ni Heart
na relasyon sa kanyang asawa'y mabuti
simple lamang ang tinugon kay Alden ni Heart:
ibigay mo na lang 'yan sa ibang babae

tingin ba ni Alden, siya'y makakaisa
mapapaibig si Heart dahil siya'y pogi
dahil pambansang bae, si Heart ay makukuha
sagot ng ginang: naghuhumindig na hindi!

batid ni Heart ang wasto niyang kalalagyan
sapagkat di siya babaeng kaladkarin
siya'y matino, tapat, may pinag-aralan
at may mister siyang dapat pakamahalin

- gregoriovbituinjr.
02.11.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 11, 2025, p.7

Ingat sa 'hospital bill scam'

INGAT SA 'HOSPITAL BILL SCAM'

mabuti't di kami na-scam sa ospital
nang naroon pa kami ng asawang mahal
ng apatnapu't siyam na araw, kaytagal
buti't di naloko ng scam na kriminal

ingat po sa bagong modus, O, kababayan
magti-text sa pasyente upang mabayaran
ang bill, inengganyong makaka-discount naman
kapag nagbayad daw ang pasyente sa online

pag nabayaran, maglalahong parang bula
padala sa e-wallet, natangay nang sadya
pati kausap ay tuluyan ding nawala
sa ganyang modus, pinag-iingat ang madla

labingsiyam na pala ang dito'y nadale
huli'y nangyari sa ospital sa Makati
pa'no nabatid ang detalye ng pasyente
sinong mga kasabwat na dapat mahuli

- gregoriovbituinjr.
02.11.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 11, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Lunes, Pebrero 10, 2025

Basa-nilay

BASA-NILAY

hatinggabi, pusikit ang karimlan
kayrami pa ring napagninilayan
nais nang magpahinga ng isipan
alalahani'y makakatulugan

ngunit madalas, nagbabasa muna
ng dyaryo, libro't isyung may halaga
nagbabakasakaling may pag-asa
ang masang talagang nakikibaka

bago matulog, magninilay-nilay
sa isang isyu ba'y anong palagay
pag naghikab ay tutulog nang tunay
nang bukas, masa'y muling makaugnay

isyung sa diwa'y nakakakiliti
ay sadyang inaaral, sinusuri
kung ramdam ng masang isyu'y masidhi
kumilos kita't alamin ang sanhi

- gregoriovbituinjr.
02.10.2025

Paglalaba

PAGLALABA

matapos ang misyong pampulitika
bilang isang pultaym na aktibista
gawaing bahay naman, maglalaba
ng maruruming damit ng pamilya

ganyan lang ang buhay ng isang pultaym
may pampulitikal at pantahanan
matapos na makipagtalakayan
sa masa, sunod naman ay labahan

kukusutin ang maruming kuwelyo,
kilikili't malibag na pundiyo
aktibista'y isa ring labandero
makata'y naglalaba ring totoo

habang naglalaba ay naninilay
ang samutsaring isyu't bagay-bagay
matapos banlawan ay isasampay
at bukas, sa masa'y muling uugnay

- gregoriovbituinjr.
02.10.2025

Linggo, Pebrero 9, 2025

Isaaklat na ang mga kinathang tula

ISAAKLAT NA ANG MGA KINATHANG TULA

ako ba'y isinilang upang magmakata
upang araw gabi'y kumatha nang kumatha
upang anumang nanilay ay itutula
kahit madalas nakatunganga't tulala

natanto kong ang pagtunganga'y trabaho rin
tititig sa malayo, sa langit, sa dilim
inuunawa anumang naroong lihim
na nais tuklasin kahit na may panimdim

minsan, sa pagtunganga'y may nadadalumat
paksang pag napagtanto'y agad isusulat
nagbabakasakaling ang masa'y mamulat
tungong pantay na lipunang kanyang nasipat

walang pera sa tula kung paisa-isa
subalit kung isasaaklat, may halaga
tipunin na ang mga tulang nakatha na
aklat na nalathala, sa madla'y ibenta

- gregoriovbituinjr.
02.09.2025

Ang maskot pala'y wisit

ANG MASKOT PALA'Y WISIT

salitang MASKOT pala ay WISIT
kung ang pangalan ng maskot ay BU
ngalan ng dula: si BU, ang WISIT
paumanhin sa bagong pauso

ako nga'y napaisip sa tanong
sa Dalawampu't Anim Pababa
ang maskot ay tulad ni Pong Pagong,
o ni Kikong Matsing, ni Mang Muta

mabuti't ako'y may diksyunaryo
at sinangguni ano ang MASKOT
WISIT ang ibang salita nito
kaya krosword na'y aking nasagot

buti't nabatid ang kahulugan
upang magamit ko sa pagkatha
isa itong dagdag kaalaman
para sa mga kwento ko't tula

- gregoriovbituinjr.
02.09.2025

* krosword mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Pebrero 9, 2025, p.10
* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino: maskot, pahina 766; wisit, pahina 1337

Kakasuhan dahil sa P241B singit sa badyet

KAKASUHAN DAHIL SA P241B SINGIT SA BADYET

singit sa badyet ng pamahalaan
ay matagal na ring usap-usapan
blangkong badyet umano'y tinapalan
kaya heto mayroon nang kakasuhan

two hundred forty one billion pesos na
ang siningit ng mga kongresista
anang ulat, nang ito'y mabisita
kaya tama lang tao'y magprotesta

sigaw nga: Mandarambong, Panagutin!
Mandarayang Kongresista, Singilin!
ang twenty twenty five budget, alisin!
dinastiyang pulitikal, durugin!

ito'y pinakamasahol daw na badyet
na may mga blangko't kayraming singit
pang-ayuda't pang-eleksyon, pinuslit?
O, Bayan, di ka pa ba magagalit!

- gregoriovbituinjr.
02.09.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 9, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Sabado, Pebrero 8, 2025

Walang tibay ang gawang balasubas

WALANG TIBAY ANG GAWANG BALASUBAS

sementadong flood control project, dumausdos
gumuho sa walang hintong buhos ng ulan
magkanong pera ng bayang dito'y ginastos
kontratista pala nito'y di nasilayan

bakit ba walang tibay ang ginawang ito
ilang mason ang naglinaw nang kausapin
di kumapit ang semento, kulang sa bato
di type A o type B ang mixing ng buhangin

proyekto'y tinipid? o kaya'y kinurakot?
kaya flood control project ay bumigay agad
sinong responsable? sinong dapat managot?
ilang milyong piso ang dito'y kinulimbat?

anang ulat, pagkakagawa'y balasubas
ilang lokal na kontratista pa'y blacklisted
apatnapu't siyam na metro ang nalagas
nalusaw na milyones sa bayan pa'y hatid

- gregoriovbituinjr.
02.08.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Pebrero 8, 2025, p.3

Isang kahig, isang tuka

ISANG KAHIG, ISANG TUKA

tulad daw ng manok / ang buhay ng dukha
pagkat sila'y isang / kahig, isang tuka
sa bawat pagkilos / ay kakaing sadya
pag di nagtrabaho, / pagkain ay wala

parirala itong / palasak sa bayan
upang ilarawan / yaong karukhaan
maagang gigising / at paghahandaan
ang isang araw na / lalamnan ang tiyan

kaya tinatawag / silang mahihirap
ng tusong burgesyang / pawang mapagpanggap
sangkahig, santuka'y / wala raw pangarap
mga maralitang / walang lumilingap

bawat kinikita'y / para sa pagkain
di sa luho, gamit, / o anupaman din
bawat pagkahig mo'y / pang-ngayong pagkain
wala para bukas / at kakahig pa rin

- gregoriovbituinjr.
02.08.2025

* komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 6, 2025, p.7

Sinagasaan? Di nasagasaan?

SINAGASAAN? DI NASAGASAAN?

kaybigat ng ulat sa pahayagan:
ang "Traffic enforcer sinagasaan
sa busway", rider pa ang suspek diyan
sinagasaan! di nasagasaan!

ibig sabihin, iyon na'y sinadya
bakit traffic enforcer kinawawa?
galit ba sa kanya ang nanagasa?
gustong makatakas ng walanghiya?

naiinis sa trapik, naburyong na?
may matinding mental health problem siya?
mabigat na problema'y dala-dala?
nang dumaan sa bawal na kalsada?

nawalan ng preno, ayon sa rider
kaya nadale ang traffic enforcer
nang makapunta ng bike lane ang rider
ay nakabangga pa ng isang biker

enforcer ay nanakit na ang braso
at likod, nasa ospital na ito
rider nama'y sasampahan ng kaso
ng hit-and-run, tiyak na kalaboso

- gregoriovbituinjr.
02.08.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Pebrero 8, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Biyernes, Pebrero 7, 2025

Kwento ng kwento

KWENTO NG KWENTO

talagang pinaghuhusayan ko
ang pagkatha ng maikling kwento
nagbabakasakali lang ako
na makatha ang nobelang plano

simulan muna sa kwentong munti
subukan ang pabula o dagli
paksa ko'y kontrabida ang hari
at bayani'y yaong aping uri

batay sa dinanas bilang tibak
at sa mga gumapang sa lusak
ideya't isyu nga'y tambak-tambak
di mauubos ang bala't pitak

basta ako'y katha lang ng katha
diwa'y sinasanay sa paglikha
balang araw, nobelang inakda
sa taumbayan mananariwa

- gregoriovbituinjr.
02.07.2025

Trapo kadiri

TRAPO KADIRI

dati pang-marginalized ang party list
ngayon mga trapo ito'y pinuslit
di naman marginalize, nagpumilit
na party list na'y kanilang magamit

magbabalot na raw ang isang donya
isang artista'y nominee ng gwardya
asendero'y nagkunwang magsasaka
nominado rin ay kapitalista

nababoy na ang party list na batas
pinaikutan na ng mga hudas
kinalikot ng mga balasubas
kinutinting ng mga talipandas

kayraming billboard upang matandaan
ng botante ang kanilang pangalan
ngunit babawiin sa mamamayan
ang ginastos nilang trapong gahaman

mga trapo kasi ang nominado
dinastiya'y pinasok na rin ito
dapat sa kanila'y huwag iboto
iba naman, di ang kupal na trapo

- gregoriovbituinjr.
02.07.2025

* mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 6, 2025, p.4

Sawing puso, sawing buhay

SAWING PUSO, SAWING BUHAY

"Handa na akong mawala sa mundo"
mensahe sa pesbuk ng taga-Tondo
nagkatampuhan ng nobya umano
sariling buhay ay pinugto nito

ang awtoridad ay inaalam pa
kung nagpakamatay nga ang biktima
isasailalim sa awtopsiya
upang rason ay matukoy talaga

O, Pag-ibig, pag nanalo'y karibal
ang bigo'y bakit nagpapatiwakal?
pinugto ang pusong umaatungal
mga nasawi ba'y nagiging hangal?

tanging taospusong pakikiramay
sa pag-ibig niyang tigib ng lumbay
sawing pagsinta'y nabaon sa hukay
kanyang sinta kaya'y di mapalagay?

- gregoriovbituinjr.
02.07.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante, Pebrero 7, 2025, p.2