Lunes, Agosto 29, 2022

Ngiti

NGITI

tila ba iwing puso'y nasa alapaap
pagkat taal ang alindog ng nakita ko
diwatang aking yapos sa laksang pangarap
isang ngiti lang niya'y namutla na ako

di ko na nasuri ang kanyang mga ngipin
kundi ang hugis ng mapula niyang labi
tinangay ako sa di mawaring isipin
pagkat kahali-halina ng kanyang ngiti

tingni't anong ganda ng kanyang kabuuan
pagkatao niya'y bituing nagniningning
ako nga'y natulala sa kanyang kariktan
animo'y isang artista sa puting tabing

saan ako patungo, O, aking diwata
kundi sa iyo lamang, ang makita kita
anumang karamdaman ko'y agad huhupa
sa isang ngiti mo lang, ako'y gagaling na

- gregoriovbituinjr.
08.29.2022

Huwebes, Agosto 25, 2022

Sa basurahan

SA BASURAHAN

may basurahan palang tapunan
ngunit nagtatapon ka sa daan
bakit? wala ka bang pakialam?
dahil ba di mo iyan tahanan?

sa tahanan ba'y maayos naman?
di mo ginagawang basurahan?
kalat dito, doon, at kung saan
para bang wala kang pakiramdam

pag walang basurahan, ibulsa
huwag magtapon ng basta-basta
sa basurahan lang magtapon ka
na dapat tayo'y may disiplina

tulungan natin ang kalikasan
pagandahin ang kapaligiran
basura'y doon sa basurahan
di sa pasilyo, daan, saan lang

- gregoriovbituinjr.
08.25.2022

Miyerkules, Agosto 24, 2022

Tasa

TASA

painitin na ang sikmura
maglagay ng tubig sa tasa
isunod ay kape o tsaa
nang diwa'y magising tuwina

kaninang hapong makulimlim
ay sinusulat ang panimdim
hanggang napit ang takipsilim
at hatinggabing anong dilim

magkape o magtsaa naman
upang sumigla ang katawan
gisingin ang diwang palaban
pagkat antok na ang kalaban

akda kasi'y dapat matapos
hinggil sa buhay ng hikahos
at sistemang mapambusabos
baka panahon na ay kapos

magtsaa kung wala nang kape
pag inaantok ay diskarte
kita'y magtsaa lamang dine
baka sa akda'y makabuti

- gregoriovbituinjr.
08.24.2022

Martes, Agosto 23, 2022

Bukambibig

BUKAMBIBIG

bukambibig lagi nila'y paano ba yumaman
maging katulad sila ng bilyonaryong iilan
ganito'y naging takbo ng isip ng karamihan
upang pamilya nila'y iahon sa kahirapan

ang inaasam nila'y pansarili't pampamilya 
sa pangarap na tila ba di kasama ang kapwa
ano nga ba namang pakialam nila sa iba
gayong ang iba'y walang pakialam sa kanila

bukambibig ko nama'y ginhawa ng sambayanan
kolektibong pakikibaka, walang maiiwan
kung mababago ang sistemang para sa iilan
ay ating matatayo ang makataong lipunan

di pansarili kundi panlahatan ang pangarap
ng tulad kong tibak upang makaahon sa hirap
ang sambayanan, masa'y makatao't mapaglingap
at ang bawat isa'y nakikipagkapwa ng ganap

- gregoriovbituinjr.
08.23.2022m

Paglaban

PAGLABAN
Tulang TAGAIKU
(TAnaGA at haIKU)

i

sila'y nakikilaban
para sa kalayaan
ng tanang mamamayan
mula sa kaapihan

tanong ni pare
bakit sila inapi
ng tuso't imbi

ii

yaong lakas-paggawa'y
di binayarang tama;
ang bundat na kuhila'y
sa tubo nagpasasa

doon hinango
ng hayok na hunyango
ang laksang tubo

iii

kayraming mahihirap
na mayroong pangarap
anong gagawing ganap
nang dusa'y di malasap

mundo'y baguhin
tanikala'y lagutin
nang laya'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
08.23.2022

TANAGA - tulang Pinoy, may pitong pantig bawat taludtod
HAIKU - tulang Hapon, may pantigang 5-7-5

Pag-ibig ay pag-aaklas

PAG-IBIG AY PAG-AAKLAS

pag-ibig ay pag-aaklas
sa mga lumang palabas
ng burgesya't talipandas
na sa masa'y nang-aahas

pag-ibig ay pag-aaklas
sa korupsyong di malutas
sa kabang bayan nagwaldas
sa inosente'y umutas

pag-ibig ay pag-aaklas
sa mga pilak ni Hudas
sa gawa ng mararahas
sa bulong ng balasubas

pag-ibig ay pag-aaklas
sa mga trapo't madugas
salita'y giliw ng ungas
na pangako'y laging gasgas

pag-ibig sana'y parehas
tungo sa magandang bukas
asam ay lipunang patas
na magpakatao'y bakas

pag-ibig sana nga'y basbas
sa dalawang pusong wagas
sa pagsusuot ng medyas
sa pagtitiklop ng manggas

- gregoriovbituinjr.
08.23.2022

Lunes, Agosto 15, 2022

Magretiro sa edad 80

MAGRETIRO SA EDAD 80

ang retirement age ngayon ay sisenta'y singko
na naaayon sa batas at kompulsaryo
ngunit may nagpapanukala sa Kongreso
gawing otsenta ang retirement ng obrero

tiyak matutuwa sa panukala niya
ang mga matatandang nais pang kumita
madaramang nakakatulong sa pamilya
senior citizen na sila'y malalakas pa

ganado ako sa ganitong panukala
upang magkatrabaho kahit matatanda
kaya kikita pa rin kahit maralita
"tanggalin ang age limit!" ang sigaw ng dukha

kumaing wasto nang katawan ay lumusog
bitamina'y kainin matapos mabusog
upang buto't kalamna'y tumibay, di lamog
maglakad lagi't magpapawis, na di bugbog

senior citizen man ay manggagawa pa rin
nais magretirong maaga'y pwede man din
gawin mang otsenta ang edad ng retayrment
mungkahing ang trabaho nila'y paalwanin

- gregoriovbituinjr.
08.15.2022

* Ulat mula sa Abante Tonite, 08.05.2022, p.3

Nakalalasong butete

NAKALALASONG BUTETE

nakabibigla ang isang ulat
na mula sa malayong probisya
nalason sa butete, minalas
anim na anak at mag-asawa

iniluto ang isdang butete
o buriring, siyang inalmusal
makalipas ang ilang sandali
isinugod sila sa ospital

nahilo kasi't nawalang malay
pagkat sila na pala'y nalason
di mo masabing ganyan ang buhay
kung bumagsak ka't di makabangon

may nakalalasong bahagi raw
ang isdang butete o buriring
na dapat tanggalin habang hilaw
lutuing mabuti saka kainin

maiging ganito'y nabalita
upang ito'y mabatid ng bayan
upang sa pagkain nito'y handa
nang pamilya't kapwa'y maingatan

- gregoriovbituinjr.
08.15.2022

* Ulat mula sa Abante Tonite, 08.05.22, p. 2

Linggo, Agosto 14, 2022

Mga Kwento nina Placido Parcero Jr. at Benjamin Pascual

MGA KWENTO NINA PLACIDO PARCERO JR. AT BENJAMIN PASCUAL
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Magkasabay kong binili ang dalawang aklat ng kwento nang minsang mapagawi ako sa Solidaridad Bookshop sa Ermita sa Maynila. Pebrero 11, 2022, nang makita ko ang kalipunan ng mga tula nina Placido Parcero Jr. at Benjamin Pascual. 

Dumaan kasi ako sa bahay nina Ka Tek, ang bise-presidente ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan halal akong sekretaryo heneral, sa bandang San Andres. Kaya napagpasyahan kong dumako muna sa Solidaridad Bookshop bago umuwi upang malaman kung ano ba ang mayroong bagong aklat pampanitikan doon. Hanggang makita ko ang "Alyas Juan Dela Cruz at Iba Pang Kwento" ni Placido R. Parcero Jr., na nagkakahalaga ng P230.00, na nasa 184 pahina ang mismong mga kwento, maliban pa sa 36 pahinang nasa Roman numeral. Katabi lang ng aklat na iyon ang "Landas sa Bahaghari at Iba Pang Kwento" ni Benjamin P. Pascual, na nagkakahalaga naman ng P245.00, at umaabot ng 215 pahina ang mismong teksto ng mga kwento, habang nasa 19 pahina ang naka-Roman numeral.

Buti na lang at may salapi ako nang mga panahong iyon. Kaya nabili ko ang dalawang aklat, P475.00, kaya may 25.00 pang sukli para pamasahe sa buong P500.00.

Ang dalawang aklat ay kapwa inilathala ng Ateneo de Manila University Press, at parehong 5" x 7" ang sukat ng aklat. Taon 2003 nalathala ang kay Pascual habang taon 2007 naman ang aklat ni Parcero. May labimpitong kwento si Parcero sa kanyang aklat, habang may dalawampu't isang kwento naman si Pascual. Sino ba ang mga manunulat na ito?

Ito ang nakasulat sa kani-kanilang aklat: 

"Si Placido R. Parcero Jr. ay isinilang sa Imus, Cavite. Nagtapos siya ng B.S. in Civil Engineering sa Mapua Institute of Technology noong 1962, at nagtrabaho bilang inhinyero bago nagbuhos ng panahon sa pagsusulat. Nalathala sa mga magasing popular ang kaniyang mga kwento. Nakasulat na rin siya ng apat na makapal na nobela, at isinerye sa Liwayway. Nagwagi siya ng unang gantimpala sa timpalak Palanca noong 2000, at ikatlong gantimpala sa timpalak sa maikling kwento ng Liwayway noong 1969.

"Unang nakilala bilang matinik na kwentista si Benjamin P. Pascual bago sineryoso ang pagiging nobelista. Nagsimula siyang sumulat noong dekada 1950, sumubok mag-ambag sa komiks, hanggang hiranging maging staffer ng Liwayway. Nagwagi sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature ang kanyang mga kwentong "Landas sa Bahaghari" (1965) at "Di Ko Masilip ang Langit" (1981). Nagtamo naman ng grand prize sa Cultural Center of the Philippines ang nobelang Utos ng Hari noong 1975. Makalipas ang ilang dekadang dibdibang pagsusulat ni Pascual, kinilala nhg Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) noong 1994 ang natatanging ambag niya sa pagsusulat ng maikling kwento, dula, at nobela. Yumao siya noong 11 Disyembre 2002.

Wow! May "apat na makapal na nobela" pala si Parcero, na "isinerye sa Liwayway". Naisaaklat kaya ang mga nobela niyang iyon? Hindi ko pa iyon nakikita. Si Benjamin Pascual ang may mga nobela pang makikita sa mga tindahan ng aklat.

Magugustuhan mo naman ang kwentong "Di Ko Masilip ang Langit" ni Pascual, na nanalo ng Palanca. Isang manggagawa sa konstruksyon ang pangunahing tauhan dito. Ang kanyang kwento, sila ang gumawa ng ospital na iyon. Sila ang mga manggagawang naghukay sa lupa, naglagay ng pundasyon, nagsemento, naglagay ng mga tiles, hanggang ilang palapag na gusali, hanggang mayari talaga ang ospital na iyon. Hanggang isang araw, ipinasok niya ang manganganak niyang misis sa ospital na iyon. Hindi sila pinapasok dahil wala silang pambayad o deposit. Ang nangyari, nakunan ang kanyang misis, nalaglag ang ulo ng bata sa semento, patay.

Nakakakonsensya na kung sino pa ang gumawa ng ospital na iyon, silang mga manggagawa, ang hindi nakinabang sa benepisyong dapat ibigay ng ospital. Halos mabaliw ang pangunahing tauhan sa pagkukwento niya ng buong pangyayari.

Ang kwentong "Ang Manggagawa" naman ni Parcero ay pagkukwentuhan naman ng ilang manggagawa sa konstruksyon hinggil sa kani-kanilang buhay habang nag-iinuman matapos ang maghapong pagtatrabaho. Nahulog pa si Piryo mula sa mataas na andamyo, subalit tuloy pa rin ang trabaho. Kwento ng porman, sa dami ng kanyang nakasama sa trabaho, iilan lang ang umangat sa buhay.

Magaganda rin ang mga pamagat ng kwento. Halimbawa na lang sa mga kwento ni Parcero: "May Nakahimlay na Pangarap sa Pasong Santol," "Isang Boteng Hinyebra at Isang Pangarap," "Mga Pusong Bato," "Namamasko ang mga Gunita," at "Saan Patungo ang Kariton ni Coring." Ito naman ang kay Pascual: "Kwento ng Dalawang Pangit," "Paalam kay Kaibigang Bote," "Ang Pusa Mo at ang Puso Ko," "Chedeng," at "May Buwan sa Pamarawan."

Pawang hinggil sa buhay ng karaniwang tao ang mga ikinukwento ng dalawang magagaling na manunulat na ito, tungkol sa buhay sa konstruksyon, buhay-maralita, at karaniwang mga pangyayari sa araw-araw. Ang kanilang mga kwento ay masasabing bulawan o gintong panitikan ng kanilang panahon. Doon ay mahahango natin ang mga pangyayari sa kanilang panahon na maaari natin maiugnay sa ating panahon. Bakasakaling may maikintal sa ating aral o gabay, o marahil maiwan sa ating diwa ang pilat ng nakaraan. Halina't basahin natin ang mga handog sa ating kwento nina Parcero at Pascual. 

Agosto 14, 2022

Salin ng "Old Man and the Sea" ni Ernest Hemingway

SALIN NG "OLD MAN AND THE SEA" NI ERNEST HEMINGWAY
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naisalin na pala ni Ginoong Jesus Manuel Santiago ang akdang "The Old Man and the Sea" ni Nobel prize winner Ernest Hemingway, na isang manunulat na Amerikano. Si Ka Jess ay hindi lang pala mang-aawit kundi translator o tagasalin din pala. Para ring pinagtiyap ang tagasalin at ang bida sa akda. Santiago ang apelyido ni Ka Jess, at Santiago rin ang pangalan ng pangunahing tauhan sa akda.

Nabili ko ang isinalin niyang aklat sa The Bookshop ng UP Hotel sa Diliman sa halagang P150.00 nito lang Hulyo 12, 2022. Ang aklat ay may sukat na 5 1/2" at 7 5/8" at may 100 pahina, ang 94 dito ay ang mismong teksto ng salin.

Pinagpaplanuhan ko sana itong isalin subalit naisalin na pala. At mabuti't aking nakita ang aklat na ito. Kung hindi ko pa nakita ito ay hindi ko pa malalaman na may nagsalin na pala nito. Tanong ko tuloy sa aking sarili, alin pa kayang akda ang hindi pa naisasalin? Ito'y upang hindi na magdoble-doble ang gawain. Bagamat hindi naman sayang dahil may sarili kang bersyon ng pagsasalin.

Ang nasabing aklat ay proyekto ng Aklat Bahandi, na ang logo ay makikita sa gawing taas-kaliwa ng pabalat ng aklat. Ayon sa aklat:

"AKLAT BAHANDI (KAYAMANAN)

Serye ng isina-Filipinong mga klasikang akda sa dayuhang wika at mga wika ng Pilipinas. Sa wikang Bisaya nagsimula ang "bahandi," ibig sabihi'y kayamanan. Tunay na ikayayaman ng ating kultura ang pagkakaroon ng salin sa wikang pambansa ng mga itinuturing na mahalagang panitikan ng daigdig at ng bansa. Inililimbag sa serye ang mga aklat na nagtataguyod sa pag-unlad ng pambansang panitikan mula sa ambag ng panitikan ng daigdig at mga rehiyon sa Pilipinas."

Gayunman, nakakailang ang ilang salin kung hindi mo makikita ang orihinal, at kung hindi mo alam ang kultura ng pinagmulan ng akda. May agam-agam ka tuloy kung tumpak ba ang pagsasalin. Tingnan ang pahina 2-3 nito kung saan nag-uusap ang bata at matanda:

"Santiago," sabi sa kanya ng bata habang umaahon sila sa pampang na pinagpunduhan ng Bangka.

"Pwede ba ulit akong sumama sa iyo. Kumita kami ng kaunti."

Ang matanda ang nagturo sa batang mangisda at napamahal na siya sa bata.

"Hindi," sabi ng matanda. "Nasa maswerte kang Bangka. Doon ka lang."

"Pero alalahanin mong noo'y walumpu't pitong araw tayong walang huli at pagkaraa'y araw-araw tayong nakahuli ng malalaki sa loob ng tatlong linggo."

"Natatandaan ko," sabi ng matanda. "Alam kong umalis ka hindi dahil nagdududa ka."

"Si Papa ang nagpaalis sa akin. Bata ako at dapat ko siyang sundin."

"Alam ko," sabi ng matanda. "Talagang ganyan."

"Kulang siya ng tiwala."

"Hindi," sabi ng matanda. "Pero meron tayo. Di ba?"

"Oo," sabi ng bata. "Pwede ba kitang ilibre ng beer sa Teresa at saka natin iuwi ang mga gamit."

"Bakit hindi?" sabi ng matanda. "Kapwa tayo mangingisda."

Sa pagbabasa pa lang sa pambungad na kabanata, naisip ko kung ano ba talaga ang salin ng "bata" sa orihinal na Ingles. Youth ba o child? Kung youth, tiyak isasalin iyon na "binata" o kaya'y "binatilyo" at kung child ay tama lang isalin na "bata". Subalit nagsabi ang bata kung pwede niyang ilibre ng beer ang matanda? Sa ating kultura, hindi pa pwedeng uminom ng beer ang bata. Pati na ang pagbili ng beer ng bata. Subalit kung ililibre lang niya ng beer ang matanda, ibig sabihin ba, matanda lang ang iinom ng beer at nanlibre lang ang bata? Medyo malabo.

O marahil, depende sa kultura ng lugar na iyon na pinapayagan nang bumili ng beer ang bata.

Gayunpaman, mas nais kong pagtuunan ng pansin ang ilang mahahalagang punto sa pambungad na pananalita na pinamagatang "Aklatang Bayan" sa ikatlong dahon ng aklat (pahina VI, bagamat walang nakasulat na gayon):

"Pinagtibay at ipinatupad sa UP noong 1989 ang isang Patakarang Pangwika na nagtatakda na Filipino ang maging pangunahing midyum ng pagtuturo. Hindi lamang ito pagtalima sa mga probisyong pangwika sa Konstitusyon. Pagkilala rin ito sa katunayan na sariling wika ang higit na mabisang kasangkapan ng edukasyon; at ang edukasyon na ginagamitan ng wikang naiintindihan ng nakararami ay paghawan ng landas tungo sa katarungang panlipunan."

"Ngunit hindi sapat ang isang Patakarang Pangwika para palaganapin ang wikang Filipino sa akademya. Kailangan ang mga kagamitang panturo, lalo na ang mga textbuk sa Filipino na magagamit ng mga guro at mag-aaral. Isinilang ang proyektong Aklatang Bayan para isulat at maglimbag sa wikang Filipino ng mga aklat sa iba't ibang disiplina."

"Ang pagsulat ng mga teksbuk ay nilahukan ng mga guro at iskolar sa iba't ibang disiplina gayundin ang mga manunulat at eksperto sa wikang Filipino. Sinusuportahan naman ang paglilimbag ng mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (DOST), ilang maaasahang lider pampolitika ng bansa, at iba pang indibidwal na may pagmamalasakit sa pambansang wika."

"Mula nang simulan ang proyekto noong 1994, humigit-kumulang na may isang daang titulo na sa Aklatang Bayan. Hindi lamang ang dami ng mga nailimbag na libro ang ipinagkakapuri nito kundi ang kahusayan ng mga ito. Tumanggap ang ilan sa mga libro ng mga parangal at pagkilala mula sa iba't ibang samahan at institusyon. Noong 1997, pinarangalan ang Sentro ng Wikang Filipino bilang Publisher of the Year sa National Book Awards ng Manila Critic Circle."

"Inaasahan na sa pamamagitan ng Aklatang Bayan, mas mabisang maipupunla ang karununungan sa mga kabataang mag-aaral, gayundin ang komitment na maipalaganap ang gayong karunungan sa sambayanang Filipino. Tunay na alay ito ng UP sa bayan!"

At ito ang mas nakaengganyo sa akin: "Mula nang simulan ang proyekto noong 1994, humigit-kumulang na may isang daang titulo na sa Aklatang Bayan." Ano-ano kaya ang mga titulong naisalin na ng Aklatang Bayan? Dapat madali itong makita o available pag hinanap sa internet. Kung noong 1994 ay nasa isang daan na ito, ngayong 2022 ba ay nasa limang daan na ito o higit nang isang libo?

Dahil may ilang klasikong akda ang nais kong isalin sa wikang Filipino. Na gagawin kong proyekto bilang manunulat na buong buhay kong isasalin. Subalit kung naisalin na pala nila, aba'y doble-doble pala ang trabaho. Naisalin na nila, tapos isasalin ko pa dahil hindi natin alam na naisalin na pala iyon. Baka mapagbintangan pa tayong inaangkin ang dating isinalin na pala. Ang ganansya na lang ay may sarili akong bersyon ng salin.

Kaya ano ang dapat gawin? Aba'y hanapin sa talaan ng Aklatang Bayan, na dahil binabanggit ang "pinarangalan ang Sentro ng Wikang Filipino bilang Publisher of the Year" at Tunay na alay ito ng UP sa bayan!" sa pambungad na pananalita, ang Aklatang Bayan ay nasa SWP ng UP. Marahil, gagawa ako ng liham sa Direktor ng SWP upang malaman kung anu-ano na ba ang mga naisalin na nilang aklat sa wikang Filipino. Kailangan ko itong bigyan ng panahon.

Pansinin kaya nila ang aking liham? Sino ba ako para magsalin ng akda, gayong hindi naman ako propesor o mula sa akademya? Bagamat may mga naisalin na akong ilang akda, na ang pagsasalin ay naging tungkulin ko na dahil kailangang isalin ang ilang dokumento, pahayag, at paninindigan ng samahan o organisasyon. Nakapagsalin na rin ako ng mga tulang banyaga.

Ah, pagbabakasakali. Oo, magbabakasakali ako upang maituloy ko ang proyekto kong pagsasalin kung wala sa talaan nila ang klasikong akdang nais kong isalin. Dapatwat, syempre, sa ngayon, hindi ko sasabihin sa kanila kung ano ang balak kong isalin. Sana, makakuha ako ng talaan ng mga naisalin nang akdang banyaga sa wikang Filipino. Nais mo bang tumulong? Ngayon pa lang, nagpapasalamat na ako.

Agosto 14, 2022

Sabado, Agosto 13, 2022

Ang libro

ANG LIBRO

thirty five pesos lang ang libro
sa BookSale ko nabili ito
bakasakali lang matuto
sa taong binabanggit dito

pamagat ng libro'y "Boy Genius"
hinggil sa nagpanalo kay Bush
anong prinsipyong tumatagos?
taktikang ginamit nang lubos?

sino si Karl Rove, busisiin
baka may matutunan man din
ito ba'y magagamit natin
upang tayo'y magpanalo rin

kabibili lang nitong aklat
di pa ito nabasang sukat
'yaan ito muna'y mabuklat
pag nabasa na'y iuulat

- gregoriovbituinjr.
08.12.2022

* nabili ko ang nasabing libro sa BookSale, Farmers, Cubao

Biyernes, Agosto 12, 2022

Anim na oras na trabaho kada araw

Sigaw ng maralita:
ANIM NA ORAS NA TRABAHO KADA ARAW

anim na oras na trabaho ang hiling ng dukha
upang madagdagan ang labor force, ang manggagawa
bukod sa bahay, sinisigaw na rin nilang kusa:
“TRABAHO PARA SA WALANG TRABAHONG MARALITA!”

sigaw na nila: TRABAHO'Y GAWING ANIM NA ORAS!
kung may tatlong obrero sa paggawang otso-oras
sa loob ng isang araw, ah, sa anim na oras
ay magiging apat na ang obrero, di ba, patas?

mungkahi iyan ng dukha upang magkatrabaho
tatlong manggagawa pa'y naging apat na obrero
kawalan ng trabaho'y nasolusyunang totoo
di na mukhang kawawa pag dukha na'y may trabaho

tanggalin din ang age limit, dapat ding ikampanya
upang may edad man, magkatrabaho, kung kaya pa
sa ganito, maralita'y may dignidad nang kanya
at mabubuhay pa nila ang mahal na pamilya

- gregoriovbituinjr.
08.12.2022

* litrato mula sa blog ng KPML

Huwebes, Agosto 11, 2022

Saan daw ako nagsusulat?

SAAN DAW AKO NAGSUSULAT?

tanong sa akin ng isang kapwa ko manunulat
"kaibigan, sa anong pahayagan ka nag-uulat,
tumutula, nagsasaysay, o kaya'y nagsusulat?"
tila sa kanyang tanong, ako'y bahagyang nagulat

pagkat tulad nila'y may dyaryong pinagsusulatan
nagmamalaking nagsusulat sa ganito't ganyan
kanilang akda'y pinababasa sa sambayanan
sinabui ko rin ang dyaryo kong pinaglilingkuran

ako'y nagsusulat sa Taliba ng Maralita
na opisyal na pahayagan ng samahang dukha
ang K.P.M.L. ay may dyaryong kanilang ginawa
dalawampung pahinang dyaryong kayrami ng akda

mga ulat ng samahan sa dinaluhang pulong
at nag-uulat ng tapat, di fake news o halibyong
ang pangulo ng samahan pa'y may sariling kolum
may balita't tula, isyu'y paano isusulong

salamat sa Taliba ng Maralita, may dyaryo
akong pinagsusulatan, sa kanila'y tugon ko
na sa mga akda ko'y naglalathalang totoo
na pag nawala pa ito'y ikaluluhang todo

- gregoriovbituinjr.
08.11.2022

* K.P.M.L. - Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Hugot

HUGOT

pag nais kunin ay huhugutin
ang litaw sa butas na malalim
hugot din pag mula sa damdamin
na sa diwa'y lalambi-lambitin

iniibig kita, aking mahal
ibig kita kaya minamahal
kahit na hirit mo'y pulos mahal
mahal bilhin, presyo'y anong mahal

kayraming hugot sa mga pader
na isinulat naman sa papel
di ko na kailangan ng google
nang makita ka, the search is over

dilim ka ba? noong dumating ka
wala na akong nakitang iba
kung ini-SMALL ka naman nila
aba'y inii-BIG naman kita

kung si pinsan, may asawang Pretty
at may Byutipul naman si Pare
isang katoto'y mayroong Honey
aba, ako nama'y may Liberty

kayraming hugot ng dusa't tuwa
dulot ay kilig o kaya'y luha
may pintig yaong sinasalita
minsan, sapul ang bawat patama

- gregoriovbituinjr.
08.11.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa nadaanan niyang sago't gulaman

Miyerkules, Agosto 10, 2022

Walden

WALDEN

aba'y laman siya ngayon ng mga pahayagan
siyang binabaka yaong nakaambang karimlan
siyang lumalaban sa mga kasinungalingan
siyang matapang na ihayag ang katotohanan

tangan kaya ng anak ng diktador ang pambura?
ng kasaysayang nais nilang mabago talaga?
katotohanan kaya'y tangan ba naman ng masa?
ayaw mabaluktot ang naganap na diktadura?

dudurugin ang estratehiya ng mandarambong
at mga halimaw na sa bayan ay gumugunggong
huwag hayaang kumalat ang fake news o halibyong
huwag hayaang bayan ay punuin ng linggatong

sa panahon noon ng ama, ikaw na'y napiit
kumilos para sa karapatan ng maliliit
isinulong ang adhikain at lipunang giit
sa panahon ngayon ng anak, muli kang napiit

ituloy mo ang laban, inspirasyon ka sa amin
habang ipinaglalaban mo'y tinutuloy namin
taas-kamaong pugay sa tangan mong adhikain
pagkat magkasangga nating lalabanan ang dilim

- gregoriovbituinjr.
08.10.2022

Martes, Agosto 9, 2022

Paglalaba sa kanal

PAGLALABA SA KANAL

binidyuhan ko lang nang makita
ang isang matandang naglalaba
sa tubig ng kanal, sa bangketa
dahil tubig ba'y libre talaga?

kita kong malakas ang pag-agos
ng tubig, baka kaya nilubos
ng matanda, paglaba'y rinaos
lalo't sa buhay siya'y hikahos

bakit kanal ang nilabhang lubha?
nitong matandang tingnan mo't dukha?
kawawang buhay ng maralita
baka wala pang bahay si Tanda

ayoko pang tingnan siyang baliw
kundi sa pagbidyo pa'y naaliw 
matandang kapara'y basang sisiw
na marahil iniwan ng giliw

- gregoriovbituinjr.
08.09.2022

* ang bidyo na 15 segundo ang haba ay nasa kawing na: https://fb.watch/eOd7NSrM28/

Biyernes, Agosto 5, 2022

Mga dapat pang saliksiking akda ni Jacinto



MGA DAPAT PANG SALIKSIKING AKDA NI JACINTO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa marker ng Bantayog ni Gat Emilio Jacinto sa Magdalena, Laguna ay ganito ang nasusulat:

EMILIO JACINTO
1875 - 1899

   REBOLUSYONARYO AT BAYANI. ISINILANG SA TONDO, MAYNILA, 15 DISYEMBRE 1875. NAG-ARAL SA KOLEHIYO NG SAN JUAN DE LETRAN AT UNIBERSIDAD NG STO. TOMAS. UMANIB SA KATIPUNAN NA MAY PANGALANG PANDIGMA NA PINGKIAN AT NAGING KALIHIM NG SAMAHAN, 1894. SUMULAT NG "KARTILYA," "KATIPUNAN NANG MGA A.N.B. - SA MAY NASANG MAKISANIB SA KATIPUNANG ITO." ISA SA MGA NAGTATAG NG "KALAYAAN," ANG PAHAYAGAN NG KATIPUNAN, 1896. KASAMANG SUMALAKAY SA SAN JUAN DEL MONTE UPANG KUBKUBIN ANG EL POLVORIN  BILANG PAGSISIMULA NG MALAWAKANG PAGHIHIMAGSIK LABAN SA MGA ESPANYOL, 30 AGOSTO 1896. HINIRANG NI BONIFACIO BILANG PUNONG HUKBO SA HILAGA. PINAMUNUAN ANG LABANAN SA MAIMPIS, MAGDALENA, LAGUNA KUNG SAAN MALUBHA SIYANG NASUGATAN, 27 PEBRERO 1898. MAY AKDA NG "GISING NA, MGA TAGALOG," (1895); "SA BAYANG TINUBUAN" (1896); "A LA PATRIA" (1897); "LIWANAG AT DILIM" AT IBA PA. YUMAO SA STA. CRUZ, LAGUNA, 16 ABRIL 1899.

Nabanggit sa nasabing marker ang mga akdang "Gising na, mga Tagalog," "Sa Bayang Tinubuan," "A La Patria", "Liwanag at Dilim", at iba pa. Mayroon na akong kopya ng "A La Patria" na tula niya sa Espanyol na isinalin ko sa wikang Filipino noong 2012, at ang "Liwanag at Dilim". Subalit wala pa ako ng kanyang mga akdang "Gising na, mga Tagalog" at "Sa Bayang Tinubuan" na nais kong masaliksik at balang araw ay maisama sa mga saliksik para sa parating na ika-150 kaarawan ni Jacinto sa 2025.

Sa pahina 24 naman ng aklat na "Buhay at Mga Sinulat ni Emilio Jacinto" na tinipon ni Jose P. Santos, anak ni Epifanio delos Santos, ay ito ang nakasulat:

"Sa mga tula niya sa kastila ay walang napahayag kundi ang A La Patria, na gaya ng binanggit ko na sa unang kabanata nito ay itinuturing ng lalong matatalinong manunuri natin na hindi alangan iagapay sa Huling Paalam ni Dr. Rizal. May tatlo o apat na mahuhusay na tula pa siyang sinulat sa wikang kastila, isa na riyan ang handog sa kanyang ina at pinamagatang "A Mi Madre."

Bukod sa A la Patria ay may "tatlo o apat na mahuhusay na tula pa siyang sinulat sa wikang kastila" na dapat pang masaliksik, at maisalin din sa wikang Filipino.

Inilathala ng Aklatang Obrero Publishing Collective ang ilan kong saliksik hinggil sa akda ni Jacinto noong 2008 sa tulong ng KAMALAYSAYAN. At muli itong inilathala noong Oktubre 2015, ilang araw bago ako pumalaot sa ibang bansa tungo sa isa na namang Climate Walk (Nobyembre 7, 2015 nang umalis sa bansa patungong Pransya). Dumating ako rito eksaktong araw ng ika-140 kaarawan ni Jacinto, Disyembre 15, 2015.

Ito ang nilalaman ng unang talata ng Paunang Salita na may petsang Oktubre 17, 2015 na sinulat ko para sa ikalawang paglathala ng nasabing aklat:

"Ngayong 2015, dalawang pangyayari ang isinaalang-alang ng inyong lingkod upang muling ilathala ang aklat na ito. Una, namayapa na ang manunulat at gurong si Ginoong Ed Aurelio C. Reyes (Mayo 10, 1953 – Hunyo 30, 2015), na siyang nagyaya akin sa gawaing kasaysayan. Siya ang pasimuno't isa sa tagapagtatag ng KAMALAYSAYAN (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan bilang paghahanda sa Sentenaryo 1896, na sa kalaunan ay naging Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Unang nailimbag ang aklat na ito noong Disyembre 2008 sa tulong ni Ginoong Reyes. Ang muling paglathala nito'y bilang pag-alala sa kanya. Ikalawa, nalalapit na ang ika-140 kaarawan ni Gat Emilio Jacinto (Disyembre 15, 1875 - Abril 16, 1899). Ang aklat na ito'y bilang pagpupugay sa kanyang kadakilaan, ambag sa himagsikan at panitikan, at ang mga naiwan niyang aral ay magandang pundasyon sa pagpapakatao't pagtatatag ng bansa."

Bilang paghahanda naman sa ika-150 kaarawan ng bayaning Jacinto sa Disyembre 15, 2025, marami pang akda ni Jacinto ang dapat kong masaliksik mula sa mga nabanggit ko sa itaas. Ito'y ang "Gising na, mga Tagalog," "Sa Bayang Tinubuan", ang nasa wikang Espanyol na "A Mi Madre" at ang "tatlo o apat pang tula sa wikang kastila" na nais ko ring isalin sa wikang Filipino. Mga akdang marapat masaliksik at maipabasa sa mga susunod na salinlahi. Mga akda niyang hindi ko pa nakikita upang mabasa, maisalin sa sariling wika, at mailathala.