Linggo, Abril 13, 2025

Naninilay

NANINILAY

baka magdyanitor na sa ospital
paraan ng pagbabayad ng utang
para lang kay misis na aking mahal
para may iambag kahit munti man

lahat ngayo'y pagbabakasakali
upang matamo lamang ang paggaling 
ni misis, na asam ko't minimithi
para sa kanya, anuma'y gagawin 

ayokong sa sinuman ay lumuhod
baka ngayon lang, ito'y gagawin ko
magpatirapa at maninikluhod
sa sinumang may salaping totoo

ako kaya'y tatanggaping artista
tulad ni Palito, parang kamukha
di rin Lito Lapid o FPJ ba
comedy ba'y mapapasok kong sadya

bayarin nga'y sadyang nakakabaliw
wala pa ang nobela kong gagawin
di ko na alam paano maaliw
sunod na hakbang, iniisip pa rin

- gregoriovbituinjr.
04.13.2025

Sabado, Abril 12, 2025

Pagdalaw sa puntod

PAGDALAW SA PUNTOD

dinalaw ko ang puntod ni Ama
sa petsang unang anibersaryo
ng kamatayan, kaya pamilya
ay nagsitungo sa sementaryo

matapos ang padasal, kainan
at nagsindi roon ng kandila
habang inaalaala naman
ang sa pamilya'y kanyang nagawa

maraming salamat sa iyo, Dad
sa pagpapalaki mo sa amin
at mabuhay kaming may dignidad
sinumang yuyurak, pipigilin

sa babang luksa, ako'y naroon
tahimik, panatag, mahinahon

- gregoriovbituinjr.
04.12.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1C6oe2GsHG/ 

Babang luksa

BABANG LUKSA

ngayon ang unang anibersaryo
ng kamatayan ng aking ama
kaya bumiyahe muna ako
sakay ng bus papuntang probinsya

babang luksa raw ang tawag doon
pupuntahan ko na rin si Inay
at mga kapatid na naroon
at kung saan si Ama nahimlay

habang pansamantalang iniwan
ko muna si misis sa ospital
matapos ang babang luksa naman
sa probinsya'y di na magtatagal

sapagkat agad akong luluwas
nang madalaw sa gabi si misis
asam kong siya'y maging malakas
at ang paggaling niya'y bumilis

- gregoriovbituinjr.
04.12.2025

Biyernes, Abril 11, 2025

Lugmok

LUGMOK

paano nga bang sa patalim ay kakapit
kung nararanasa'y matinding pagkagipit
lalo't sa ospital, si misis ay maysakit
presyo ng babayaran ay nakagagalit

di sapat ang mamalimos lang sa Quiapo
maliitan lang, barya-barya lang, nakupo
wala namang kasamang nagnais magpayo
gayong alam nilang ako'y natutuliro

paano kung tibak ay gumawa ng krimen
halimbawa, kidnap-for-ransom, patay ka rin
paano kung malaking bangko'y titirahin
upang ospital lang ay mabayaran man din

aba'y nagpultaym kasi ako ng maaga
iniwan ang kolehiyo tungong kalsada
sa ospital, walang pambayad, walang pera
buti pa yata ako'y magpatiwakal na

subalit hindi, paano mababayaran
ang ospital, si misis ko'y kawawa naman
nais ko lang ay gumaling siyang tuluyan
ano nang gagawin, di ako mapayuhan

- gregoriovbituinjr.
04.11.2025

Na-redtag na sa ospital

NA-REDTAG NA NG OSPITAL

medical abstract ay kaytagal pang makuha
na rekisitong gagamitin sana
upang kami'y di ma-redtag talaga
ngunit talagang kapos, na-redtag na

ibig sabihin, tuwing ikaanim
ng gabi, reseta'y bigay sa amin
upang gamot ay amin nang bibilhin
sa parmasya, malaking suliranin

di nakabayad sa tamang panahon 
kaya ni-redtag kami ng ospital 
sistema nang di lumaki ang utang
ngayon nga'y nariritong nangangatal

kaya imbes serbisyo ng ospital 
bawat galaw, kami na'y magbabayad 
saang bulsa kukunin pag-isipan
saang ahensya ng pamahalaan

sino-sino ang mga kaibigan
kaya ang dapat naming malapitan
dapat kumilos, dapat maghagilap
said na ang itong kaban ng paglingap

paggaling ni misis ang iniisip
habang walang salaping halukipkip
kaya ako ngayo'y di makaimik
sana sa pagkilos ay di tumirik

- gregoriovbituinjr.
04.11.2025

Pagpupugay, Chess National Master Racasa

PAGPUPUGAY, CHESS NATIONAL MASTER RACASA

pagpupugay, Antonella Berthe Racasa
Woman National Master, Arena FIDE Master
na kampyon sa paligsahang tinaguriang
Battle of the Calendrical Savants Tournament

"Calendrical" o ang "system for recording time"
"Savant" o "a very learned or talented person"
kumbaga'y labanan ng mga magagaling
at mabibilis na mag-isip sa larong chess

labingwalong taong gulang na manlalaro
na kinabukasan sa chess ay mahahango
bawat usad ng pyesa'y may dalang pangako
napakahusay pagkat nagkampyon sa buo

muli, saludo sa ipinakitang husay
na magagaling ang mga atletang Pinay
maging Judit Polgar, at muling magtagumpay
at sa buong mundo ay maging kampyong tunay

- gregoriovbituinjr.
04.11.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abril 10, 2025, p.12

Pinainom si alaga

PINAINOM SI ALAGA

bago umalis sa tahanan
at tumungo sa pupuntahan
ay akin munang pinainom
si alagang uhaw na uhaw

at sabay din kaming kumain
sa akin ang tiyan ng isda
sa kanya ang ulo't iba pa
na ginagawa sa tuwina

sa bahay siya tumatambay
sa tahanan ay nagbabantay
laban sa dagang sasalakay
sadyang alaga siyang tunay

madalas ako'y may bitbit na
kay alaga kapag umuwi
sabay na kakain talaga
may bigay ako kahit munti

- gregoriovbituinjr.
04.11.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1BdeeK3Vr2/ 

Tubo na'y tinanggal

TUBO NA'Y TINANGGAL

nang si misis ay muli kong dalawin
inalis na ang tubong nakalagay
kung saan doon siya kumakain
ang labi'y naigagalaw nang tunay

kaliwang kamay niya'y pinisil ko
nag-acupressure, nagbakasakali
pati kaliwang paa'y pinisil ko
upang dugo'y dumaloy yaring mithi

anang doktor mula infectious disease 
may dalawang bakterya ang nakita 
na kanilang sinusuring mabilis
upang sa tiyan di na kumalat pa

tanging bulong na lang ng pagmamahal
ang aking iniwan sa minamahal 

- gregoriovbituinjr.
04.11.2025

Huwebes, Abril 10, 2025

Di nakadalaw ngayong gabi

DI NAKADALAW NGAYONG GABI

ngayon lamang ako nag-absent sa pagdalaw
kay misis sa ospital, dahil ang kandado 
sa bahay ay na-lost thread, papunta na sana
sa ospital kaninang hapon, alas-singko

alas-sais hanggang alas-otso ng gabi
ang visiting hours, wala pa rin si Regine
kasama ni misis sa bahay at trabaho
mabuti't tinawagan ako ng doktora

mula sa infectious disease, na may nakita
silang dalawang klaseng bakterya sa tiyan
ngalan daw ng isang bakterya ay icolai
nagbigay silang antibiotic kay Libay

salamat at talagang inaasikaso
ang asawa kong dapat magpakatatag pa
dumating si Regine bandang alas-siyete
at ako'y umalis, pumunta sa palengke

hardware ay sarado na, alas-singko pa lang
at nag-ikot pa rin ako, walang mabilhan
ng susi't kandado para sa tarangkahan
mahal ko, sori, at di kita napuntahan

- gregoriovbituinjr.
04.10.2025

Pagdalaw kay Libay

PAGDALAW KAY LIBAY

tatlo kaming madalas dumalaw kay Libay
ako, ang kaibigan niya, at si bayaw
kaming tatlo'y talagang malapit na tunay
at sadyang nagtutulungan sa gabi't araw

isinugod sa ospital nang siya'y ma-istrok
dinala sa mga may alam sa history
ng kanyang sakit, ito'y malaking pagsubok
kaya madalas ay di ako mapakali

naoperahan na siya sa ulo't tiyan
ay, anong titindi nga ng tumamang sakit
"magpagaling ka!" sa kanya'y bulong ko naman
"magpalakas ka!" sa kanya'y lagi kong sambit

pag visiting hours, kami'y bumibisita
umaga'y sang-oras, gabi'y dalawang oras
habang iniisip saan kami kukuha
ng kaperahan, na pinaplanong madalas

mga kaibigan ni Libay nagnanais
siyang dalawin, ang tangi ko lamang bilin
sa visiting hours makikita si misis
ang asam ko'y tuluyan na siyang gumaling

- gregoriovbituinjr.
04.10.2025

Pagpisil sa kamay

muli, nasa ospital ako
upang kay misis ay dumalaw
siya'y muling tinitigan ko
hinawakan ang kanyang kamay

pinisil ang mga daliri
kamay ko'y pinisil din niya
tila pangarap niya't mithi
na kami'y muling magkasama

siya'y aking sinasabihan
nang sa loob ko'y bumubukal:
"pagaling ka! kaya mo iyan!
magpalakas ka, aking mahal!"

visiting hours na'y natapos
kaya ako na'y nagpaalam
babalikan ko siyang lubos
na pagsinta'y di mapaparam

- gregoriovbituinjr.
04.10.2025

Miyerkules, Abril 9, 2025

Pagsulyap

nandito akong muli sa ospital 
dinadalaw siya pag visiting hours
at tinitigan ko na naman siya
ngunit di muna ako nagpakita

kagabi, nang siya na'y magkamalay
kinausap ko, nagpilit gumalaw
luha'y pumatak at nais yumakap
buti't nasalo, buti't di bumagsak

buti't siya'y agad kong naagapan
kaya ngayon ay nakatitig lamang
operasyon niya sa ulo't tiyan
kahapon ng hapon katatapos lang

ayoko muna siyang abalahin
dapat muna siyang pagpahingahin
ilang araw muna'y palilipasin
pag handa na, saka siya dalawin

- gregoriovbituinjr.
04.09.2025

Tatlong Grade 12, nanggahasa ng Grade 11

TATLONG GRADE 12, NANGGAHASA NG GRADE 11

krimen itong anong tindi
dahil ang tatlong kaklase
ang humalay sa babae
sadyang napakasalbahe
pagkatao na'y winaksi

nakipag-inuman pala
at nalasing ang biktima
saka ginahasa siya
nang magmadaling araw na

payo sa kadalagahan
huwag makipag-inuman
sa mga kalalakihan
kung puri'y mabubuyangyang
nang dahil sa kalasingan

sa puri niya'y nasabik
ang tatlong kaklaseng suspek
buti't sila na'y nadakip
at ngayon ay nakapiit

- gregoriovbituinjr.
04.09.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abril 9, 2025, Araw ng Kagitingan

Bastos na pulitiko, huwag iboto

BASTOS NA PULITIKO, HUWAG IBOTO

bastos na pulitiko 
na walang pagkatao
huwag SIA iboto
di dapat ipanalo

ang tulad niyang bastos
sa etika ay kapos
ay dapat kinakalos
nang di tularang lubos

tila ba puso'y halang
sapagkat walang galang
nasa puso't isipan
ay pawang kalaswaan

ang mga trapong ulol
na ugali'y masahol
ay dapat pinupukol
ng bato ng pagtutol

ang tulad niya'y praning 
na mababa ang tingin
sa mga solo parent
abogadong libugin

akala'y macho siya
ay wala palang kwenta
ang pagkatao niya
lalo't bastos talaga

- gregoriovbituinjr.
04.09.2025

* sinulat sa Araw ng Kagitingan, Abril 9, 2025
* editoryal mula sa Bulgar, Abril 8, 2025. p.3

Martes, Abril 8, 2025

Matapos ang ikalawang operasyon

MATAPOS ANG IKALAWANG OPERASYON 

nakita ko si misis sa operating room
bago lumabas upang madala sa kwarto
matapos gawin ang dalawang operasyon
habang si misis ay naroong nakatubo

mga doktor at nars inihatid na siya
upang doon ay pangalagaang totoo
paglabas sa O.R., sinabayan ko sila
habang may luhang nangingilid sa pisngi ko

una ay sa ulo siya inoperahan
nang dahil sa pamamaga ng kanyang utak
ikalawa'y tinanggal ang abscess sa tiyan
o malaking nana sa tiyan nagsitambak

unang operasyon, higit dalawang oras
ikalawa nama'y tatlong oras mahigit
matagal-tagal din bago pa makalabas
mahalaga'y lampasan ang buhay sa bingit

matagal pa ang laban ni misis, matagal
ngunit laban niya sana'y kanyang kayanin
ako'y naritong patuloy na nagmamahal
mabuhay lang siya, lahat aking gagawin

- gregoriovbituinjr.
04.08.2025

* naisulat bandang alauna y media ng hapon sa NeuroCritical Care Unit (NCCU), Abril 8, 2025

Tagumpay ang unang operasyon

TAGUMPAY ANG UNANG OPERASYON

nasa kantin ako ng ospital
nag-aabang doon ng balita
nang biglang tumunog itong selpon
ako'y pinababa na ng doktor

at nagtungo sa operating room
tapos na ang unang operasyon
matagumpay daw ang pagtitistis
ng mga doktor sa aking misis

subalit may kasunod pa iyon
sa tiyan pangalwang operasyon
ikalawa rin sana'y tagumpay 
ang pagtistis sa sinta kong tunay

nasa ospital pa akong sadya
muli'y nag-aabang ng balita

- gregoriovbituinjr.
04.08.2025

* naisulat bandang ikasampu't kalahati ng umaga sa kantina ng ospital, Abril 8, 2025
* decompressive hemicraniectomy ang tawag sa unang operasyong ginawa kay misis

Pag-shave ng buhok

PAG-SHAVE NG BUHOK

nagpaalam ang doktor sa akin kanina
ang buhok ni misis ay ise-shave raw nila
kalahati lamang ba o buong buhok na
dahil nga sa ulo sila mag-oopera

nang sinabing buong buhok, tumango ako
upang sabay pang tumubo ang mga ito
kailangan sa pag-oopera sa ulo
pag natapos, wala nang buhok si misis ko

mahalaga'y magtagumpay ang operasyon
saka ko iisipin ang gastusin doon
upang di ma-redtag sa ospital na iyon
na babayaran ay tiyak abot ng milyon

nawa'y tagumpay ang pag-opera kay misis
ang luha ko man sa pisngi'y dumadalisdis

- gregoriovbituinjr.
04.08.2025

* sinulat bandang ikaanim at kalahati ng umaga nang dinala na sa operating room si misis, Abril 8, 2025

Di pangkaraniwang araw

DI PANGKARANIWANG ARAW 

di pangkaraniwang araw ito
para sa akin, Abril a-otso
ngayon ang operasyon ni misis
sana'y tagumpay siyang matistis

ramdam ko ang kaba't pangangatal
parang may nakatarak na punyal
sa aking dibdib, na sumusugat
na tila baga di naaampat

animo'y nakaabang sa hangin
pagala-gala ang saloobin 
sana'y ligtas akong makauwi
sa kabila ng maraming hikbi

nawa'y tagumpay ang operasyon
iyan ang asam ko't nilalayon
nais kong si misis pa'y mabuhay
at magsama kami habang buhay

- gregoriovbituinjr.
04.08.2025

* sinulat bandang ikalima't kalahati ng umaga sa ospital, Abril 8, 2025

Lunes, Abril 7, 2025

Biktima'y dalawang bata

BIKTIMA'Y DALAWANG BATA

sa magkaibang balita
biktima'y dalawang bata
imbes na kinakalinga
ay ginawan ng masama

edad dalawa, pinaslang
ng stepdad, puso'y halang
edad apat pa'y pinaslang
mga kawawang nilalang

nangyari'y bakit ganito
pinaslang silang totoo
ng mga hangal sa mundo
mental health problem ba ito

bata'y sa bugbog namatay
aba'y sinaksak pang tunay
isa'y ginulpi't kinagat
ganito'y di madalumat

Mental Health Act ba'y ano na?
may nagawa ba talaga?
nasabi ko lang: HUSTISYA
para sa mga biktima!

- gregoriovbituinjr.
04.07.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abril 6, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2
* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018

Tangi kong asam

TANGI KONG ASAM

tinitigan kita nang matagal
habang nakaratay sa ospital
hanggang ngayon ay natitigagal
loob ko'y di mapanatag, mahal

nakatitig sa iyong paghimbing
inaasam ko't tangi kong hiling
ay ang iyong agarang paggaling
upang kita'y muling makapiling

hinawakan ko ang iyong kamay
di mahigpit kundi malumanay
narito lang ako't nakabantay
bagamat di pa rin mapalagay

sana'y mapakinggan yaring samo
na muli ay magkasama tayo
hiling ko'y gumaling kang totoo
at mabigyang lunas ang sakit mo

- gregoriovbituinjr.
04.07.2025